May iniisip ka?
Oo.
Ano?
Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito
Thursday, September 30, 2004
Nasunugan si Sir Jun Cruz Reyes. Hindi ko sana gustong magbanggit ng pangalan dito, pero ayun na nga't sikat na sikat na pala ang balita. Public figure nga naman siya. Walang natira sa bahay niya sa Hagunoy. Wala pa akong balita kung paano nagsimula ang sunog, kung may nasaktan, kung saan siya nanunuluyan ngayon. Basta't 'yun lang ang alam ko: sunog ang lahat ng obra.
Hindi naman mansiyon ang bahay ni Amang. Dalawang palapag, may bakuran. Sa bakuran, may puno ng kuyapo na nakatanim sa parang isang isla sa loob ng maliit na pond. Kapag naglalagas puno ng kuyapo, makikita mo 'yung pond na punong-puno ng maliliit na dahon, sinliit lang ng butil ng bigas. Isang umagang mahangin, pagkatapos magkape, tumayo kaming apat sa tapat ng pond na iyon: ako, si Amang, si Patrick, si Dong. Nagkuwento si Amang; du'n siya magaling, e. Ang Quiapo daw, ang pangalan ng Quiapo, e nanggaling sa mga puno ng kuyapo na naglipana roon, bago pa maging lungsod ang lungsod.
Habang nagkukuwento si Amang, nakatitig ako sa pond. May humihihip na hangin noon, marahang marahan, at tila ba may sanggol na sirenang lumalangoy sa ilalim ng mga lumulutang na dahon ng kuyapo. Parang may binubuong hugis ang mga dahon. Parang nakikita ko noon ang buong nakaraan ko, ang buong hinaharap, at doon, doon sa bahagyang pagsasayaw ng mumunting sapa, halos pati ang ngayon, halos pati ang mismong noon, naaaninagan ko. Ngayon, wala na siguro ang puno ng kuyapo. Mukhang kailangan ko nang maghanap ng ibang orakulo.
Doon din sa bakurang iyon, may maliit na basketball court, maliit lang talaga; maaabot ko ang ring nang hindi tumitingkayad. Nagpako lang ng maliit na ring sa isang kuwadradong kahoy, at isinabit iyon sa tabi ng pinto ng bahay. Matapos naming sumilip sa mga kapalaran namin, doon sa maliit na sapa sa may puno ng kuyapo, tinuruan naming dalawa ni Patrick mag-basketbol si J.R., 'yung anak ni Amang. Simple lang, basics, pero may kilos ang bata. Nakuha yata sa kakalaro ng NBA Live sa PS2.
Ngayon, wala na ang basketball court, wala na ang PS2. Sa loob ng bahay, sa ibaba, maraming ashtray. Apat kaming nag-inuman noon, tag-iisang ashtray pa kami. Wala na rin ang mga ashtray; ash na lang ang mga 'yun.
Sa itaas, sa kuwarto kung saan kami natulog, kaming tatlo nina Patrick at Dong, maraming painting. Hindi ko alam kung papaano ilalarawan ang mga larawang iyon, basta, basta maganda. Painting ng mga sundalo, ng mga batang nakatalungko, ng mga taong inaapi, ng mga taong nag-aaklas. Wala na ang mga iyon, wala nang lahat.
Kung iniisip ninyong gamit lang ang mga iyon - suntukan tayo. Hindi lang gamit iyon. Obra maestra ang lahat ng iyon. At kahit ba hindi - ang PS2, ang mga ashtray, coffeemaker sa ibaba - walang puwedeng maging kapalit iyon.
May itinuro si Amang, dati, sa klase niya kung saan nagsit-in ako, kung saan kaklase ko si Patrick at si Javie. "Ang lesson natin ngayon, tungkol sa trajectory."
Hindi raw puwedeng manggaling sa wala ang alaala. Hindi puwedeng sabihin, sa isang kuwento, na "bigla akong napaisip," o "kabod kong naalala," o "nangyari lang na ginunita ko ang..." Kailangan ng gatilyo, kumbaga sa baril. Gayon sumasambulat sa buo niyang kagandahan ang isang kuwento.
Sakaling mapadaan ako sa Hagunoy, gayon na lang din siguro ang kuwentong maglalaro sa sentido ko: lahat, lahat, lahat, dinala ng gatilyong gawa sa abo.