abo sa dila

May iniisip ka? Oo. Ano? Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.

 
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
O, ha, Plurk, o, ha!
Radyo? Radyo?
Libreng humirit

Mag-exercise tayo tuwing umaga
Tambay ka muna
Lokal Kolor
Ano'ng hanap mo?
Basa lang nang basa
Tropa ko

    na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito

Friday, October 01, 2004
Nakakaalibadbad sa tuwing nakakabasa ako ng kagaguhan tungkol sa "rebolusyon" at sa "tungkulin ng sining sa lipunan." Kaya nga napangiti ako't napahinga nang malalim nu'ng mabasa ko 'tong mga 'to:

Sabi ni Maita:

"A very wise person said that with poetry, we must always leave space for the reader to decide. And maybe that's why I have problems with overtly revolutionary and political poetry -- they're just as limiting as doctrinaire, 'totalizing' theory. Should we learn how to unlearn theory? I'm not sure, but I do know how fixed and closed social scientific explanations can become. It's almost as if there are no alternative explanations, and even worse, it can lead to the conclusion that there is no space left to even think of alternative worlds."

Sabi naman sa Angas ng Kurimaw:

"One's class in society is not determined simply by one's position in the economic mode of production. In the end, one's class in society is determined by one's consciousness. Kahit sa hanay ng inaaping manggagawa, may mga lantay na maka-kapitalista."

Ang hindi nabanggit ni Angas ng Kurimaw - na alam ko namang kahit di niya nabanggit ay siya rin niyang pinaniniwalaan - e madalas, hindi naman malay ang mga nasa "hanay ng inaaping manggagawa" du'n sa pang-aaping ginagawa sa kanila nu'ng mga kapitalista. Oo, oo nga't dumadaloy rin naman sa kanila ang kapangyarihan ng namamayaning sistema, at totoo, may kakayahan silang baguhin 'yun; pero bakit mo nga ba naman gugustuhing baguhin ang isang bagay na, sa ganang abot-tanaw mo, e hindi naman kailangan ng pagbabago? Gayon kung gumana ang hegemoniya, di ba? Gayon din ang pinagkukunang-katuwiran ng pang-aapi nito.

Kaya nga sa akin, sa akin lang, ha, hindi makatuwiran - sa totoo lang, hindi lohikal - na manawagan ng rebolusyon ang tula. Hindi 'yun ang trabaho niya sa lipunan, kung mayroon nga siyang saysay para rito. Sa akin, sa akin lang, ha, nagkakaroon ng kapangyirahan ang tula dahil gumagana ito sa lupalop ng kamalayan. Kaya ang lugar nito sa lipunan, kung mayroon man, e ang magbigay-malay. Ang mga tulang ipinagpapalagay kaagad na malay na ang "hanay ng inaaping manggagawa" sa pang-aaping nangyayari - at bagkus, nananawagan na kaagad ng rebolusyon - ay ipinagkakait sa tula ang pagka-tula nito. Hindi 'yun tula, propaganda 'yun. Dahil hindi tungkulin ng panitikan ang magsubo ng ideyolohiya sa tao.

E kung magampanan ng tula ang tungkulin niya sa lipunan, kung mayroon man, at makapagbigay-malay nga siya? Ulit, hindi naman papel at tinta ang nagrerebolusyon: tao ang magrerebolusyon. Kung gusto niya, nila, bakit hindi. Pero sa huli't huli, sasang-ayon lang ang masa sa rebolusyon kung malay siyang kailangan na pala nito, kung sa tingin niya, naroroon na lamang ang pag-asa.

Tama nga; hindi naman yata kayang magsalita ng mga latak ng lipunan, ng mga subaltern. Pero kaya natin silang kausapin. At ang tungkulin ng sining sa lipunan, kung mayroon man, ay ang maging wika habang nagpapaka-organiko tayo't kinakausap ang taumbayan.

***

Abo sa Dila


I.

Walang bagong salitang kayang maglahad
sa hikbi ng bayan ko.
Wala ring luma.
Gaya ng ganito ngang nagsasalita ako
sa pamamagitan ng isang tula;
maghahanap kayo ng iba pang ibig sabihin
bukod sa sinasabi ko na.
Pipira-pirasuhin ninyo ang bawat taludtod,
maghahanap kayo ng parikala,
titingnan ang mga imaheng gagamitin ko.
Ngunit kung sabihin kong dugo
o sunog na balat o durog na buto,
kung sabihin kong sa bayan ko,
nag-uulam ng tubig at asin ang mga tao,
umiinom ng burak, bumibili ng mamisong pag-asa
sa tuwing daraan ang kubrador ng jueteng,
hindi naman ninyo makikita ang mga iyon.
Tinta lamang sa papel ang mga ito,
salita lamang. Sakaling salatin ninyo
ang bawat salitang naisulat ko,
hindi kayo matitinik sa mga titik,
hindi kayo masasaktan.
Ni hindi ninyo malalasahan
ang abong nanikit sa dila ko
habang winiwika ang bawat linyang
ngayo'y binabasa ninyo.

Hindi ito tula. Huwag kayong magbasa.
Bitawan ninyo itong papel na ito.
Maglakad kayo sa lansangan.
Huwag kayong maingay.
Pakinggan ninyo: tinatapakan ninyo ang mga bubog
ng basag-basag na alaala ng bayan ko.
Huwag kayong maingay,
pakinggan ninyo: may kargang tinig ang hangin.
Panalangin. Hikbi.
Mayroong tula.


II.

Walang ibig sabihin ang salitang Pag-asa.
Paulit-ulit ko man itong bigkasin,
walang lilitaw na pag-asa.
Tatlong pantig, at pantig lamang.
Hindi magiging tatlong gatang ng bigas,
tatlong tableta o bote ng gamot,
tatlong kuwadrado-metrong kahoy at yero.
Hindi magiging tatlong yarda ng telang
maaaring gawing kumot, mantel
ng mesang wala namang nakahain,
piring sa mata ng isandaang milyong Pilipinong
umaasa pa rin na may ibig sabihin
ang salitang Pag-asa.
Isulat ko man ang tatlong pantig na iyon
sa isandaang milyong tula,
wala itong magagawa.

Kulang ang tatlong pantig
para markahan ang bawat taon ng pagdurusa,
para ipangalan sa bawat batang naulila,
para isabit sa puntod ng bawat Pilipinong
pinatay at pinapatay at papatayin pa ng salita.

Pag-asa. Tatlong pantig. Mas mainam kung sana'y
maging tatlong balang maaaring ibaon sa sentido:
isa sa nagwiwika,
isa sa pinagwiwikaan.
At ang ikatlong bala
ay ibabaon ko na lamang sa lupa,
sa pag-asang maaari itong maging
gatang ng bigas, tableta o bote ng gamot,
kahoy at yerong gagawing tahanan,
kukupkop sa mga taong
sawang-sawa nang marinig
ang salitang Pag-asa.


III.

"Hindi dugo ang tutubos
sa kahirapan kundi pag-ibig na puspos."
- Cirilo F. Bautista,
mula sa Panangis ng Huling Tao sa Daigdig


Ngunit ano ang pag-ibig
kundi tinubog sa dugo?
Dakilang makata, dito ko sa loob ng simbahan
binabasa ang iyong tula,
at ang mga mata ni Kristo'y tila ipinapako
ako sa pagkakaupo.
Mamaya, paglabas ko, ay may batang mamamalimos.
Nasaan ang malasakit
kung ang pisong iaabot ko ay hindi susugat
sa aking nangungulilang palad?

Heto nga't naghihingalo ang lungsod at ang Diyos
ay nasa langit lamang. Iniisip Niya sigurong tapos na
ang lahat ng Kanyang dapat pagdusahan.
Hindi ko kayang paniwalaang kumikirot din
ang Kanyang dambuhalang dibdib
sa tuwing may batang giniginaw sa lansangan,
sa bawat dalanging binibitbit ng alangaang,
sa bawat tulang humahamon sa Kanyang kadakilaan.

Sinasabi ko ang lahat ng ito
nang walang takot o pangamba.
Sakali mang magkatotoo ang pamahiin
at tamaan ako ng kidlat, iisipin ko na lamang
na iyon ang kabayaran ng aking pag-ibig:
tunaw na balat, nagsa-abong dugo, laman
na hindi naman maiuulam.
Kailangang may magsabi sa Kanyang
kailangan na Niya muling bumaba,
ngunit sa palagay ko'y hindi siya nagbabasa ng tula.
Wala yata akong magagawa

kundi hiwain ang aking palad
at saka hahaplusin nang para bang namamaalam
itong tulang binabasa ko.

posted by mdlc @ 2:20 PM  
5 Comments:
  • At 10:42 AM, Blogger xxx said…

    alam mo, hindi ko alam kung paano kakausapin ang masa sa aking mga tula. puro mga burgis ang kinakausap ko; sinasabihan kong kausapin nila ang masa (sa tingin ko lang, ako lang to). naiinis ako.

     
  • At 8:41 PM, Blogger Segundo Persona said…

    wow. gusto ko ang tula mo. galing!

     
  • At 3:40 PM, Blogger mdlc said…

    yol: p're, mukhang pareho lang tayo. anumang pilit nating gamitin ang wika ng masa, tula lang din naman ang naisusulat natin, tula lamang.

     
  • At 2:39 AM, Blogger Unknown said…

    so in the same way, is it possible for bourgeois thinkers to try to hope for socialist alternatives? i can no longer apologize that i am a bourgeois thinker, and that in the end, i am comfortably embedded in a capitalist society.

    but my favorite writer, ellen wood, once said -- capitalism has become so dominant, so invisible, that some of us can no longer even think against it!

    salamat sa post mo :) sa huli, kailangan pa rin nating subukan bigkasin at pag-usapan.(ferriols!)

     
  • At 2:46 AM, Blogger Unknown said…

    oo nga pala. the wise person who said that we must leave space for the reader to decide? that wise person is your friend allan popa. i met him last week. ang galing niya (nakakatakot, nakakasindak, nakakabagaba!)

     
Post a Comment
<< Home
 
Nito-nito lang
Minsan
Da Bayaw Kolektib
Template by

Free Blogger Templates

BLOGGER

Salamat sa pagrereto