May iniisip ka?
Oo.
Ano?
Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito
Friday, October 29, 2004
Muli, Panaginip
Talaga sigurong ganito: may mga gabing binubulabog tayo ng mga kuwento - ayaw tayong patulugin, tila ba dumaragan sa dibdib natin. May mga linyang nakikiusap lamang na masabi; hindi sila nang-iiwan, nangangamba silang baka sa pagdating ng umaga'y tinabunan na sila ng sala-salansang panaginip, inanod na tungo sa lupalop ng limot.
O siguro rin, natatakot lang ako. Lalo na't ayan na'ng katakut-takot na mga imahen at tinig na nagpapaalala sa ating mag-uundas na.
***
Si Lola Ichay ang kapatid ng tatay ng tatay ko (siya rin ang lola ni Melchor na nakabaon na d'yan sa archives, noong Arpil ko pa yata isinulat 'yun.) Naaalala ko pa noong libing ni Lola Ichay, sabay-sabay kami - ako, si Erpats, si Melchor - na nanigarilyo, nakatalikod sa buong angkan habang isinisilid siya sa nitso niya, habang hinihintay ang unti-unting panunuyo ng semento sa paligid ng lapidang inukitan ng ngalan niya.
Bawal daw kasi kaming tumingin; magkaaway raw kasi ang manok at ang baboy - ang taon kung kailan ipinanganak kaming tatlo. Baka raw pigilin ng mga ispiritong gumagabay sa amin nina Erpats at Melchor ang pag-akyat ng kaluluwa ni Lola Ichay patungong langit.
Kamakailan lang, sumilip siya sa isa sa mga panaginip ko. Nakaitim siyang bestida, nakatalikod sa akin, pero kahit nakatalikod siya, alam kong siya 'yun, si Lola Ichay 'yun, nagpapakita sa isang apong hindi naman talaga naging malapit sa kanya.
Bigla siyang humarap at dahan-dahang naglakad tungo sa akin, nakatiklop ang magkabilang braso, nakaharap sa akin ang mga palad. Hindi ko alam kung isa iyong posturang nagnanais na yakapin ako, o kung umaamba siyang itulak ako. Hindi ko alam kung gusto lang niyang ipaalalang nakaistambay pa rin siya sa mga sulok ng sentido ko, o nakaistambay pa rin ako sa mga sulok ng sentido niya, kung may sentido nga siyang masasabi. Hindi ko alam kung papaano siyang naligaw sa panaginip ko. O kung naligaw nga lang ba siya.
Inaabangan ko pa ang dahilan ng pagpapakita niya sa akin.
***
Noong 1999, dalawang linggo bago mamatay si Inang (nanay ni Ermats,) pumunta ang mga magulang ko sa Nueva Ecija para dalawin siya. Si Tito Bugoy, na pinsang buo naman ni Erpats, ang nagmaneho ng sasakyan.
Doon daw, tinawag ni Inang si Tito Bugoy at hinaplos ang mukha nito nang para bang sarili niya itong anak, nang para bang pinapahiran niya ang sarili niyang luha mula sa mga pisngi ni Tito Bugoy. Ang sabi raw ni Inang, "Alex, sa iyo ko ipinagbibilin ang apo kong si Jon. Huwag mo sana siyang pababayaan."
'Yung "Jon" na tinutukoy ni Inang e ang kuya ko, na siyang nagturo sa aking magsugal at uminom at makipagsuntukan; na siyang tumadyak sa akin, sa harap ng lahat ng mga maton dito sa amin, nang minsan niya akong nahuling umiiyak sa suntukan; na siya akong pinagsisigawan at pinagmumura habang gumugulong-gulong ako sa sugatang aspalto ng kalye Makata. Siya rin 'yung kuya kong hindi natulog noong grade four ako at pinapagawa ng parol para sa Work Education, hindi siya natulog dahil siya ang nagtabas ng kawayan at at naggupit ng papel de Hapon at nagluto ng gawgaw na pandikit at naghatid sa akin kinabukasan papasok sa 'skuwela.
Siya 'yung kuya kong nagsasabi sa akin, kapag nakainom na, na "'Tol, 'pag nawala ako, ikaw na'ng bahala sa mga anak ko, a." Siya 'yung ipinagdasal ni Ermats noong Linggo, dahil malala na ang situwasyon. Sabihin na lang natin na malala na nga talaga ang situwasyon, na mayroon silang malaking, malaking, malaking problema ng asawa niya.
'Yung "Jon" na 'yun, siya 'yung unang naisip ni Tito Bugoy kamakailan lang nang magising siyang pawisan, dahil sa isang panaginip. Walang bago sa panaginip niya - eksakto, lahat, ang eksena. Ito 'yung eksena sa Nueva Ecija nang maghabilin si Inang.
'Yung "Jon" ding iyon e 'yung tumapik sa balikat ko noong Lunes ng gabi, bago siya umuwi para magpahinga kasama ang hipag ko at ang tatlo kong pamangkin. Siya 'yung nagpaalam na "matutulog na ako," nagpaalam sa aming lahat, pero lalung-lalo na kay Tito Bugoy na dumagsa pa mula sa San Pedro, na noo'y may hawak na isang boteng beer at tumatangu-tango sa ermats ko, nakangiti, habang sinasabing "okey na, okey na, okey na." Okey na.
mayroon din akong panaginip noon sa lola ko...that time patay na siya...basta kasama ko siya...lahat ng taong nakapaligid sa akin sinasabi na patay na siya sabi ko hindi pa tignan niyo kasama ko...ewan ang weird hindi ako close sa lola ko...sobrang bata pa rin ako nung namatay sya...oh well ala lang
mayroon din akong panaginip noon sa lola ko...that time patay na siya...basta kasama ko siya...lahat ng taong nakapaligid sa akin sinasabi na patay na siya sabi ko hindi pa tignan niyo kasama ko...ewan ang weird hindi ako close sa lola ko...sobrang bata pa rin ako nung namatay sya...oh well ala lang