abo sa dila

May iniisip ka? Oo. Ano? Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.

 
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
O, ha, Plurk, o, ha!
Radyo? Radyo?
Libreng humirit

Mag-exercise tayo tuwing umaga
Tambay ka muna
Lokal Kolor
Ano'ng hanap mo?
Basa lang nang basa
Tropa ko

    na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito

kailangan namin ng fans
Friday, October 21, 2005
Punta naman kayo. Sa Purple Haze, sa Marikina, bukas-- Sabado. Mga bandang alas nuwebe. Sige na. Ang hindi pumunta, tutubuan ng kulugo sa butas ng puwet. Magnanaknak 'yun, kadiri. Please, please, please, pumunta kayo. Please.

(Sa J.P. Rizal Street 'yung Haze; kanan kayo sa 7-Eleven, pagbabang-pagbaba ng tulay. Nasa tapat siya halos ng Guzman Memorial Chapel. May malaking painting ni Jimi Hendrix sa pader.)
posted by mdlc @ 6:40 PM   0 comments
hindi ko kilala si abner
Wednesday, October 05, 2005
Naaalala n'yo pa ba si Abner? Siya 'yung kapatid ni Baratong, 'yung dating may tindahan dito sa tabi ng haybols namin. Siya 'yung nanghampas ng bote ng Red Horse nang minsang may tagilid ang tabas ng dila na hiniritan ako.

Umalis na ang pamilya nila. Sa pinto ng bahay kung saan sila umupa, may ipinaskil ang erpats ko: For Rent. Inquire at 2307. <---. Maya't maya e may kumakatok sa bahay namin para silipin ang bakanteng apartment; up-and-down, dalawang kuwarto sa itaas. Minsan kahit tinatawaran ng siyete mil e pumapayag na ang erpats ko, para lang hindi nakatiwangwang 'yung bahay. Sayang din kasi 'yung nawawalang pera buwan-buwan.

Kahapon, habang nagbabasa ng diyaryo si Erpats sa harap ng pinto namin, may isa na namang lumapit. Mamang mukhang seryoso; may bigote at nakaleather jacket kahit nanggigigil ang araw. Tinatanong si Erpats kung matagal na raw bang bakante 'yung apartment.

Kasi raw, 'yun daw ang huling napagkaalamang address ng isang Abner. Sabi ni Erpats, naku, wala siyang kilalang Abner. Sabi nu'ng mamang mukhang seryoso, Sigurado po ba kayo? May hitsura, medyo maitim, punung-puno ng tato, at namamasada ng traysikel. Sabi ni Erpats, wala. Tahimik ang lugar namin.

Sabi nu'ng mama, O, sige po, sakali pong may makita kayong ganu'n ang hitsura, pakitawagan lang po kami. Sabay pakita ng tsapa, at ng warrant of arrest para kay Abner.

Kaya nga kanina, habang kumakain ako ng nilagang itlog, habang isinusukbit sa likod ng tainga ang rise-and-shine yosi ko, binulungan ako ni Erpats. Pag may nagtanong raw, wala akong kilalang Abner. Basta walang Abner na tumira sa tabi ng bahay namin dati.

Kaya nga pinilit kong burahin si Abner sa isipan ko; ito na siguro ang huling beses na babanggitin ko siya sa kahit kanino. Ehersisyo 'to sa sapilitang paglimot. Unti-unti ko nang kinakaya: walang Abner na puno ng tato ang katawan, walang Abner na may asawang mataba, walang Abner na gabi-gabing nagpapainom sa tapat ng tindahan nila, walang Abner na yinaya akong mag-tsonki minsan pero tinanggihan ko dahil gusto kong i-preserve ang goodboy image ko dito sa kalye namin. Walang Abner na kriminal, na hanggang ngayon e hindi ko pa rin maipaliwanag kung bakit gustong pagtakpan ng tatay ko, kung bakit gusto ko mismong pagtakpan.

Hindi ko siya kilala. Ginoogle ko pa nga si Abner, pero hindi ko na sigurado kung siya ito:



O ito:



At kayo, kayong mga nagbabasa nito, kapag may mamang mukhang seryoso na nilapitan kayo, pakiusap, pakisabi, hindi ninyo kilala si Abner, wala kayong kilalang Abner.
posted by mdlc @ 4:50 PM   0 comments
gutom lang 'yan
Monday, October 03, 2005
Ang sabi ng nanay ko, kapag hindi pa umaabot ng walong-buwang gulang ang bata, wala pa siyang kapasidad na isiping permanente ang mga tao at bagay. Ang boteng nasimot na ang gatas ay hindi na mapupuno pang muli. Ang lamping nilabhan ay hindi na ulit isasapin sa ilalim ng kanyang puwit. Ang nanay na pumunta lang sa kusina para magtimpla ng gatas ay habambuhay nang mawawalay sa kanyang piling. Sadyang mahirap para sa damdamin ng bata ito, na nagsisimula pa lamang umukit ng kasigurudahan mula sa isang mundong unti-unti pa lamang tumatalas sa kanyang paningin.

Noong bata raw ako, bago magwalong-buwang gulang, umalis ang yaya ko. Nabubulag raw ang anak niya sa probinsya, at walang nag-aalaga. Pinayagan siya ng nanay ko, buti na lang at may kapalit kaagad-- na matapos ang isang linggo ay hindi na bumalik nang minsang utusang mamalengke. Dala niya ang perang para sa kakainin namin nang isang linggo at ang payong.

Napilitan akong iwan ng mga magulang ko sa mga lolo at lola ko, sa probinsya, gawa nga nang pareho silang may trabaho at walang panahong maghanap ng bagong yaya. Tumagal ito ng ilang buwan.

Ang sabi ng nanay ko, maaari raw na iniiwan ako nina Inang at Tatang nang mag-isa sa duyan habang inaasikaso nila ang mga gawaing-bahay at -bukid. Maaari raw na iyon ang dahilan kung bakit ako takot matulog nang mag-isa.

***

Kung ano ang kinalaman noon sa totoo kong pakay, sa totoong dahilan ng pagla-log-in ko sa blogger, hindi ko alam.

***

Ito ang totoong dahilan ng pagla-log-in ko:

Apat na bagay: 1) natutuwa ako sa tuwing makababasa ng mahuhusay na bagong
akdang-pampanitikan sa Filipino; 2)nakapagbibigay-sigla na nitong mga nagdaang taon,
maraming kaibigan ang nakapaglathala ng kani-kanilang unang aklat ng tula, kuwento at
nobela sa Filipino; 3) nakatutuwa rin na nananatiling maraming bagong pangalan ang
kinikilala sa ibat ibang pambansang timpalak sa pagsulat; gayumpaman, 4) ikinalulungkot ko na nananatiling malaki ang pangangailangan para sa isang regular na publikasyon na magtataguyod sa mga akda sa Filipino.

Dahil dito, ibig kong ipakilala ang Tapat, isang journal na pampanitikan sa Filipino. Layon nitong maglathala ng mga bagong tula, maikling kuwento, sanaysay, at iba pang anyong pampanitikan, kasama ng ilang kritisismo, panayam, at iba pang papel na susuhay sa pagbasa sa mga bagong akda. Kung papalarin, lalabas ang Tapat nang apat na beses sa loob ng isang taon simula 2006.

Sa ngayon, nangangalap ako ng mga hindi pa nalalathalang akda na maaaring mapabilang sa mga lalabas na isyu ng Tapat. Maaaring magpasa ng kahit ilang akda ang sinumang manunulat sa Filipino. Para sa tula, magpasa lamang ng hindi bababa sa apat na tula para sa bawat makata. Refereed ang journal na ito, kayat kung sakaling matanggap ang inyong akda, hinihiling na ipagkaloob sa Tapat ang karapatan ng unang paglalathala rito. Magbibigay kami ng maliit na bayad para sa akda kasama ang libreng kopya ng Tapat.

Para sa unang bugso, huling araw ng pagpapasa sa 31 Oktubre 2005. Ipadala lamang ang mga akda bilang attachment (.doc o .rtf file sa Microsoft Word) sa tapatjournal@gmail.com.

Maraming salamat.

(Pakipadala na rin nito sa mga kakilala na maaaring maging interesado. Salamat!)


Muli, galing 'yan kay Egay Samar. Tara, pasa tayo.

***

At isa pang dahilan ng pagla-log-in, galing naman kay Ken Ishikawa:

Calling All Young Poets of the Philippines Writing in English

The editors of a forthcoming anthology would like to request your participation. The book will serve as a peek into and a celebration of the future of Philippine Poetry in English. Dr. Cirilo Bautista will be editing the project with the assistance of Ken T. Ishikawa.

If you are 35 years old and below, a Filipino, and a writer of Poetry in English please send five of your best representative work to newphilippinepoetry@gmail.com. Young poets who have not yet published any books are highly encouraged to send their works.

Please send each of your poems in a single file; don't put all five in one. Don't forget to include short biographical information with a scanned 1x1 photo as your profile will appear in the list of contributors. The deadline will be on November 15, 2005.

Honorarium will come in the form of a contributor's copy. Authors of accepted works will be receiving a reply in their mail.

Feel free to send us your comments and suggestions. We are looking forward to your poems.

The Editors


Anakanamputa, tiba-tiba tayo sa pubications ngayon, mga bayaw! Pasa na.

***

Sabi ni Maita nang mag-comment siya sa huli kong post:

4. Alam ba ninyong ang praying mantis ay ang tanging hayop na iisa ang tainga? At ang echidna ay ang tanging mammal na hindi nananaginip?

-- How do they know? How do they know if animals do, or do not dream?


Oo nga naman. Paano ba nalalaman kung nananaginip ang hayop, o hindi?

Ang tao rin naman, di ba? Malay ba natin kung lahat pala tayo e nagsisinungaling lang, nakikisakay sa uso? Hindi naman nating alam, di ba?

Pero pinipili nating maniwala. At siguro, iyon, iyon ang mahalaga.

***

Wala ring kinalaman 'yun. Wala lang.
posted by mdlc @ 6:14 PM   2 comments
random thoughts pero di ako sigurado kung aabot ito ng beinte
Saturday, October 01, 2005
1. Nagpagupit na ako. Mahigit dalawang taon ko ring pinahaba ang buhok ko, pero pakiramdam ko, panahon na rin para iwan na ang ganoong imahen. Isa pa, masaya rin 'yung sa tuwing may makikita akong kakilala e hindi "lumalaki ang tiyan natin, a" ang sinasabi nila sa akin, kundi, "o, nagpagupit ka?"

2. Heto ang litrato ng isang kaldero:



3. Sabi ni H.L. Hix, sa aklat niyang As Easy As Lying:

"Wittgenstein challenges his reader to consider "the proceedings we call 'games,'" including board games, card games, ball games, and so on. "What is common to them all?" he asks. "Don't say: 'There must be something common, or they would not be called "games"-- but look and see whether there is anything in common to all." Doing so reveals, according to Wittgenstein, not some feature common to all games but "a complicated network of similarities overlapping and criss-crossing."

Sabi ni Lawrence Revard:

"Poetry, too, is a broad network of familial groups... Hix has the common sense to point out what we have in common: artists and their audiences, he argues, are part of a political plurality; we are not just a collection of warring tribes."

Wala akong kopya nu'ng libro ni Hix, pero may kopya ako nu'ng journal, Pleiades, kung saan lumabas ang review ni Revard kay Hix. Nabili ko sa Booksale nang 70 piso. Wasaahk!

4. Alam ba ninyong ang praying mantis ay ang tanging hayop na iisa ang tainga? At ang echidna ay ang tanging mammal na hindi nananaginip?

5. Giniba na ang malaking bahay sa harap ng maliit na bahay namin. Dati, doon nakatira sina Mang Rolly, Reggie, Babam, at Bunsoy. Umupa rin sa autosupply sa baba noon si Jun Topak, na sa tuwing titira ng bato e dinadamba ang inaanay naming pinto at pinagbibintangan kaming kinukulam siya.

Naninibago ako sa tuwing tatambay ako sa may pintuan namin para manigarilyo: 'yung dating espasyong kinalalagyan ng isang dambuhalang kasiguruhan, ngayon, wala nang laman kundi bukbuking kahoy, bubog, at durog na bato. Hindi siguro nalalayo rito ang pakiramdam kapag may isang bundok na bigla na lang nawala, o kapag natuyo ang dagat. Ganito pala ang pakiramdam kapag may nababasag na pamilyar.

6. May nakapagsabi sa akin na walang pinagkaiba ang uri ng tabakong ginagamit sa Marlboro Reds at Marlboro Lights; sadya lang daw mas mahaba ang filter ng Lights.

Kung sino mang makapagpapatunay o mapapabulaanan ito, mangyaring mag-iwan ka ng comment sa ibaba.

7. Sabi ni Scott Cairns:

Evening Prayer

And what would you pray in the troubled mist
of this our circular confusion save
that the cup be taken away? That the chill
and welling of the blood might suffer by His
hushed mercy to abate, to calm the legion
dumb anxieties as each now clamors
to be known and named? The road has taken
on, of late, the mute appearance of a grief
whose leaden gravity both insists on speed
and slows the pilgrim's progress to a crawl.
At least he's found his knees. I bear a dim
suspicion that this circumstance will hold
unyielding hegemony until the day.
What would you pray at the approach of this
evening? What ask? And of whom?

8. Heto ang isang screen shot mula sa NBA Live 2006:



9. Alam ba ninyong the average chocolate bar contains 4 ants?

10. Alam ba ninyong the average human penis is 7 inches long?

11. Tinanong ko ang pamangkin kong magpipitong-taong gulang kung ano ang gusto niyang regalo para sa birthday niya. Ang sabi niya, wala. Ang sabi ko, imposibleng wala kang gusto. Ngumiti siya at sinabing, wala nga, Tito, okey lang ako.

Nasa harap kami ng TV, ilang oras matapos ko siyang tanungin, nang siya naman ang magtanong sa akin. Tito, may bisikleta ka ba noong bata ka? Anong kulay? Sino'ng bumili para sa 'yo? Ilang taon ka noon? Nasaan na 'yung bisikleta ngayon? Matagal-tagal na rin niya akong iniinterbyu nang makahalata ako.

Ang aga naman niyang natutunan ang ganu'ng style.

12. Heto pa ang isang screen shot mula sa NBA Live 2006:



13. Sabi ko sa inyo hindi ako sigurado kung mapapaabot ko nang beinte ito, e.

14. Kaya matagal akong nag-missing-in-action dito sa blog e marami akong inaasikasong raket. Pero matapos ang mga raket na 'yun, hindi ko alam kung saan napupunta ang mga kinikita ko. Tangina, ang daming gastos: inom, libro, pambayad sa kuryente, pambayad sa tubig, inom uli, pangyosi ng erpats kong papetiks-petiks lang, pangyosi ko, pamasahe, pang-date, pambayad sa telepono, tsibog, inom. Kahit tumigil na akong magsugal, di pa rin ako makaipon. Nagbawas na nga ako ng inom, ganu'n pa rin.

Tangina, kailan kaya darating ang panahong mabibili ko ang gusto kong bilhin, mababayaran ko ang lahat ng kailangan bayaran, at may matitira pa ring pera sa ATM ko? Kailan kaya makakatuklas ng gamot sa kamatayan? Kailan kaya papayapa ang mundo?

15.
Your Brain's Pattern

Your mind is a firestorm - full of intensity and drama.
Your thoughts may seem scattered to you most of the time...
But they often seem strong and passionate to those around you.
You are a natural influencer. The thoughts you share are very powerful and persuading.


16. Nakita ko si Ethel Booba at Alex Crisano sa TV kanina. Nag-break na pala sila. Naglabas raw ng Christmas Tree si Crisano, at naghimutok si Ethel Booba dahil ito ang unang paskong hindi niya makakapiling ang pamilya niya, dahil nga kaaway nila si Alex. Nagtampo rin si Alex, dahil siya man ay nakahiwalay sa pamilya at mga anak niya sa unang asawa.

Parang mongrel na may katabing kangaroo si Ethel Booba, pero ang lusog pa rin ng hinaharap niya. Pinipilit yata silang pagbatiin ni Butch Francisco. Unang beses raw nilang magkita ni Ethel doon sa palabas kanina, matapos nilang mag-break. Mukha namang mahal pa nila ang isa't isa.

17. Nanaginip ako kagabi. Iilang tao na lang daw ang nabubuhay sa mundo. Lahat ng ibang tao, naagnas ang mata, kumalat sa kalamnan, hanggang unti-unti silang maging abo, mula sa loob papalabas.

Naglakbay ako ng malayo at nakarating sa tuktok ng mataas bundok. Doon ko nakatagpo ang isang dakilang pantas. Tinanong ko siya kung ano ang nangyari sa mga tao. Ang sabi niya:

"Nagkaganoon sila dahil hindi sila bumili ng Manila Bulletin noong October 1, 2005. Hindi sila pumunta sa page i-4 upang basahin ang article ni Karl de Mesa. 'Yan ang kanilang naturang parusa."

18. May friendster bulletin si Egay. Mukhang interesante.

Nasa isip nila ang sex…

Sigmund Freud, Carl Gustav Jung, Jacques Lacan, Michel Foucault, Simone de Beauvoir, Julia Kristeva, Luce Irigaray, Eve Kosofsky Sedgwick at iba pang teoristang nag-isip ukol sa kasarian.

Magtuturo ako ng Araling Kritikal: Kasarian sa Panitikan ng Pilipinas ngayong ikalawang semestre 2005. May tuon ang pag-aaral sa Lalaki bilang isang diskursong pampanitikan. Inaanyayahan ang mga interesadong mag-aaral sa Ateneo na mag-enroll
sa klase, lalo na para sa mga may kaugnay na pag-aaral sa kani-kanilang disiplina. (O
pakipadala ng mensaheng ito sa mga kaibigan na maaaring maging interesado.)

Maraming salamat!


Sana maraming mag-enrol.

19. Noong nag-birthday ang pamangkin ko, binigyan ko siya ng sketchpad, watercolor, at kung anu-ano pang art materials. Hindi ko na nasikmurang sabihin sa kanyang, "Bianca, pasensya na't mahina ang kalaban, walang pambili ng bisikleta si Tito, e." Magegets naman siguro niya 'yun.

Kung nagtampo man siya, hindi halata sa namumurilat niyang mga mata o sa lawak ng ngiti niya nang makita 'yung iniregalo ko.

Haay. Ang mga bata nga naman.

20. Subukin ninyong tandaan ang naging reaksyon n'yo sa random thought #10 ko. Ahahahahahahahaha.
posted by mdlc @ 6:39 PM   11 comments
Nito-nito lang
Minsan
Da Bayaw Kolektib
Template by

Free Blogger Templates

BLOGGER

Salamat sa pagrereto