abo sa dila

May iniisip ka? Oo. Ano? Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.

 
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
O, ha, Plurk, o, ha!
Radyo? Radyo?
Libreng humirit

Mag-exercise tayo tuwing umaga
Tambay ka muna
Lokal Kolor
Ano'ng hanap mo?
Basa lang nang basa
Tropa ko

    na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito

Wednesday, March 10, 2004
Hindi naman sa naubusan na ako ng isusulat. Nangyayari ba 'yun? Naubusan lang ako ng panahong magsulat ng mga bagay na puwedeng sabihin dito. At, paunti-unti, nauubusan na rin ng gana.

Hindi. Hindi sana. Ngayon lang siguro 'to. Ngayon lang sana.

Sinagot ko 'yung mga online quiz. Eto ang mga lumabas.

***

My inner child is ten years old today

My inner child is ten years old!


The adult world is pretty irrelevant to me. Whether
I'm off on my bicycle (or pony) exploring, lost
in a good book, or giggling with my best
friend, I live in a world apart, one full of
adventure and wonder and other stuff adults
don't understand.


How Old is Your Inner Child?
brought to you by Quizilla

Hwaw. Matyuuuur.

Diyes anyos ako nu'ng nag-grade five ako. Ang naaalala ko, ito 'yung unang taong naka-pantalon na kami. Ang rakstar ng pakiramdam ko nu'n, kasi sa wakas hindi ko na isusuot 'yung mga short pants na parang pekpek shorts.

Hindi pa ako tinutubuan ng buhok sa kilikili o bulbol ng mga panahong ito. Katutuli ko pa lang; oo, summer papuntang grade five na ako nagpatuli. At naaalala ko, isang hapon, katutuli ko pa lang at nanonood ako ng Hoy! Gising. Pinalabas nila 'yung mga na-raid na strip joint, pinakita 'yung mga nagsasayaw nang wild, naka-blur nga lang. Tinigasan ako at nangamatis ang etits ko. Buti na lang at hindi ako na-trauma. Tinitigasan pa rin naman ako ngayon, pag tinatamaan ng libog.

***

Hooligan Bear
Hooligan Bear


Which Dysfunctional Care Bear Are You?
brought to you by Quizilla



Ay, sus.

Isa sa mga dahilan ng hindi ko pagpasok ng UP e dahil hindi ako pinayagan ni Ermats.

Hindi naman sa hindi pinayagan; parang nagpaparinig lang. Mula't sapul naman kasi e ako na ang nasunod sa mga importanteng desisyon ng buhay ko. Basta - sa Los BaƱos kasi dapat ako mag-eenrol, Human Ecology ang kurso. E kesyo tutal, libre naman daw sa Ateneo, kesyo malayo daw masyado, kesyo may mga frat daw at baka mapa-basagulo ako. Kesyo war freak daw ako.

Sa totoo lang, kung nag-UP nga ako e malamang sumali nga ako sa frat. Hindi ko alam kung ano, o kung may tatanggap sa akin. Mali nga ako, e, at tama si Ermats, dahil basagulo lang talaga ang hanap ko kaya ako sasali sa frat.

Kikawt ako ng Pisay. 3rd year ang naabot ko doon, tapos may binagsak akong subject at napilitan akong lumipat sa isang maliit na eskuwelahan sa Sampaloc.

Dahil bagong salta ako sa isang lugar ng mga goons, ang ginawa kong diskarte e binarkada ko 'yung mga goons. Pinapakopya kung kailangan, tyinutyutoran, nagpapainom ako basta't may pera. Natatakot kasi ako, baka may gumalaw sa akin. Ayokong magulpi.

Naaalala ko, doon, may isang batang pumasok sa classroom, hawak ang tagiliran. "Sir, nasaksak ako." Ang sagot ng gagong "Sir" na mukhang lusak na saluyot? "O sige, pumunta ka sa ospital."

May kakilala rin akong na-ekspel dahil nagdala ng beinte-nuwebe sa iskul, 'yung balisong na pag sinaksak ka sa talampakan e tatagos sa bumbunan mo 'yung bleyd. Tinanong ko siya kung ba't naman kasi dinala pa niya 'yun. "E p're, kasi, ginagabi ako sa paghahatid sa gelpren ko. Nakukursonada ako ng mga tambay diyan sa may Andalucia. Buti nga hindi 'yung paltik ang dala ko ngayon, e." Hindi ko alam kung matutuwa ako o maaawa sa kanya.

At minsan pa, may mga barkada akong kinasuhan dahil nagsumbong 'yung neophyte sa gang nila, na binanatan nila nu'ng initiation. Limas ang buong tropa nu'n, mga labinlimang katao dapat ang mae-ekspel.

Ang ginawa ko, dahil may kolum ako sa school paper, e nagsulat ako tungkol sa kanila. Tungkol sa penomenon ng pagkukumpol-kumpol ng kabataan, dahil natatakot sila, tayo, dahil hindi nila alam kung sino ang kalaban, at mabuti na ang marami, kung sakaling umatake ang alinmang halimaw na nagtatago sa lansangan. Tungkol sa pagiging kalaban ng lipunang kinalakhan nila, natin, at kung bakit hindi dapat sila ang sisihin, kundi ang lipunan, at ang unti-unting pagkaagnas ng tiwala sa kapwa. Tungkol sa kung paano sila papatay - pumapatay - para sa mga kamiyembro nila sa gang, dahil iyon ang nakamulatan nilang buhay, ang tanging paraan ng kinikilala nilang buhay. Manakit o masaktan; pumatay, o mamatay.

Pero ayun nga, hindi ko na naituloy ang pangarap kong mag-rambol-ebri-nayt pagdating ng college, dahil putsa, sa Ateneo nga ako napadpad. E sa limang taon ko nang naka-istambay dito, wala pa akong nasasaksihang suntukan man lang.

Kaya ito ako ngayon. Matagal-tagal na ring di nakikipagsuntukan. Pero kahit papaano, hindi ko na rin hinahanap. Puwede na 'yung ganito. Masaya na ako, kahit papaano.

***

goodbroken
Your wings are BROKEN and tattered. You are
an angelic spirit who has fallen from grace for
one reason or another - possibly, you made one
tragic mistake that cost you everything. Or
maybe you were blamed for a crime you didn't
commit. In any case, you are faithless and
joyless. You find no happiness, love, or
acceptance in your love or in yourself. Most
days are a burden and you wonder when the
hurting will end. Sweet, beautiful and
sorrowful, you paint a tragic and touching
picture. You are the one that few understand.
Those that do know you are likely to love you
deeply and wish that they could do something to
ease your pain. You are constantly living in
memories of better times and a better world.
You are hard on yourself and self-critical or
self-loathing. Feeling rejected and unloved,
you are sensitive, caring, deep, and despite
your tainted nature, your soul is
breathtakingly beautiful.


*~*~*Claim Your Wings - Pics and Long Answers*~*~*
brought to you by Quizilla

Tangina, di na nga ako marunong lumangoy, hindi pa ako makakalipad? Maglalakad na lang ako nang maglalakad.

Madalas akong pagtawanan ng mga kaibigan ko, dahil kay laki-laki kong tao e hindi ako marunong lumangoy. Kung nagkataon ngang nahulog ako sa bangka nu'ng nagsa-sampling kami sa Anilao para sa thesis ni Angie, e malamang coral na ako ngayon.

Tanungin ko nga kayo: marunong ba kayong lumipad? Kung biglang maputol ang pakpak ng eroplanong sinasakyan n'yo, ano'ng gagawin n'yo? Magkakakampay ba kayo sa pag-asang bigla kayong tubuan ng pakpak? Di ba magdarasal na lang kayo?

O, kaya ako, sakaling lumubog ang barkong sinasakyan ko, magdarasal na nga lang ako. Tatanggapin ko na lang na mamamatay na nga ako. Ganu'n talaga, e; malas. Magdarasal ako, gaya nang kung may biglang magtutok ng baril sa ulo ko at sabihing pasasabugin niya'ng bungo ko pag hindi ako nag-otso-otso, ngayon na, ngayon na.

***

tree shadow
You are a forest shadow. Your essence is that of
the tree or beast that casts you upon the
earth. You feel a purpose to be in balance
with the cycles of life and are wise and
beautiful in your submission to the justice of
Mother Nature. You are peaceful in nature and,
though you feel small, your spirit is precious,
strong, and mighty as the (green)forces with
which it is affiliated. (please rate my quiz
cuz it took me for freaking ever to create)


What Kind of Shadow Are You? (with gorgeous pics)
brought to you by Quizilla

Sabi ko na nga ba, may dahilan 'yung pagkuha ko ng Environmental Science, e.

Kaya ES ang kinuha ko sa Ateneo e dahil 'yun lang ang kursong trip ko na puwede sa DOST Scholarship. Oo, meron akong ganu'ng scholarship, dapat. Mahabang kuwento kung bakit nawala, pero pramis, hindi dahil nagbulakbol ako. Hindi naman akong masyadong nagbulakbol nu'ng college, a.

Tsaka nu'ng hayskul ako, trip na trip ko pa 'yung NGO na Greenpeace. Isipin n'yo, ikinakadena nila 'yung sarili nila sa barko ng mga whaling ship, para tumigil na'ng pumatay ng balyena'ng mga 'yun. Aba, puwede, 'ka ko.

Masakit mang isipin, parang dumaang utot lang ang huling dalawang taon ko sa kolehiyo, kung titingnan sa konteksto ng pagka-ES major ko. Na-burnout ako sa pagkukulong sa laboratoryo, sa paggawa ng mga lab report na hindi ko maintindihan, hindi ko maintindihan kasi hindi ako interesadong intindihin, dahil hindi ko mahal, hindi ko na mahal.

Third year ako nang magsimula akong magseryoso sa pagsusulat. Kinuha ko bilang elective 'yung poetry workshop kay DM Reyes; kaklase ko du'n si Vitug, si Mitzie, at iba pang mga rakstar. Parang lumipad ako sa wika, ang astig, papaano bang maging mahusay dito, 'ka ko, mahusay na mahusay?

Gusto ko sanang mag-shift, kaya lang nanghinayang ako. Natapos ko na 'yung mga mabibigat na Math at Chem, thesis na lang halos, ES graduate na ako. Mas madaling makahanap ng magandang trabaho. Iba pa ang depinisyon ko ng "magandang trabaho noon," at gaya ng nakikita ninyo ngayon, iba nang karera ang pinagpupursigihan kong takbuhin.

Kaya ang ginawa ko, sumali na lang ako sa Heights, nagbasa nang nagbasa, nag-sit-in na lang ako sa mga klaseng maganda. 'Yung isa, kay Amang, na Sir Jun pa ang tawag ko dati, kung saan naging kaklase ko si Jing, Javie, at kung sinu-sino pa, kung saan nag-umpisa ang pagkakaibigan namin nina Amang at Patrick. Kung saan natutunan ko ang lesson ng trajectory sa fiction (at non-fiction na rin,) na ginagawa ko ngayon, habang inuuto kayo sa lahat ng kagaguhang ikinukuwento ko.

(tubikontinyud)

posted by mdlc @ 12:01 PM   0 comments
Tuesday, March 02, 2004
Tatlumpu't tatlong oras akong gising, walang patid. Nikotina at pasensiya na lang yata ang nagpapatakbo sa akin nu'n. Tapos, natulog ako, pitong oras.

Bitin.

Kinailangang pumunta dito sa department para sa meeting. Dalawang oras na gising, kasama ang biyahe, miting, at ilang lumulutang na minuto, kung saan nakatingin lang ako sa... sa wala.

Apat na oras ng tulog. Nakadukdok sa mesa ko. Maya't maya, naaalimpungatan para magpahid ng laway na gumagapang papunta sa pisngi ko.

Buti na lang, hindi ko nalawayan 'yung mga papel ng estudyante ko.

Kagigising ko lang. Halos.

Pagkahilamos, bumaba ako para manigarilyo. Nakasalubong ko si PJ, pagkatapos si Kokoy. Binigyan ako ni Kokoy ng listerine, 'yung parang plastic cover na inilalagay sa ibabaw ng dila, 'yung parang acid.

Hindi ko iyon hiningi. Nabanggit ko lang na amoy panis na laway ang hininga ko. Sapul. Kaya niya ako binigyan nu'n.

Ang anghang, mehn.

Nanigarilyo ako, pero wala pang ikaapat ng Marlboro e nasuya na ako, naumay, parang nasusuka. At ang mabigat na makabasag-mundong dalumat na napulot ko sa lahat nang ito, ang reflected action ng pastoral cycle ko, ang praxis, ay ito:

Susubukan ko nang itigil ang paniingarilyo.

------------------------------------------

May ghost texter yata ako. Kagabi, mga bandang alas onse, habang nilalakad ko ang dalawang kanto magmula Avenida hanggang Makata, may nag-text sa akin:

"sleep n ko"

Iyon lang, wala man lang tuldok sa dulo ng balbal na pangungusap. Gusto ko sanang sabihing "cge, gnyt" o "cno ka," o "putangna m ala akng pakelam, d kta klala, wag ka ng mkigulo sa mndo ko." Pero hindi. Sayang ang piso.

Kanina, bago ko maabot ang metacognition na dapat ko nang itigil ang paninigarilyo, may nag-text ulit. Hindi ko nakilala ang number, kung siya rin 'yung nag-text na i-islip na kagabi, o iba, pero ito ang sabi niya, mas malalim pa sa baha sa kalye ng Blumentritt tuwing signal no. 3, mas mabigat pa sa mundong pinapasan ng lahat ng malungkot na tao:

"bakit?"

***

Bakit hindi?

----------------------------------

Sa tuwing tinatanong ako ng kahit sino tungkol sa paborito kong libro - di gaya ng marami sa mga kakilala kong mahilig ring magbasa at magsulat - e may naisasagot akong sigurado.

Hindi Fight Club. Hindi Cat's Cradle. Hindi Utos ng Hari, o Etsa Puwera, o Tutubi, Tutubi, Huwag Pahuhuli sa Mamang Salbahe.

Hindi Likha, o The Prose Reader, o Writing Logically, Thinking Critically, na hindi na yata naisara ulit magmula nang una kong binuklat dahil kailangan sa pagtuturo ng Filipino 12.

Hindi Bible, mga ulol.

The Little Prince ang paborito kong libro. Tumatak lang sa akin, mula nang una ko pang binasa. Hindi ko pa nababasa ang Pinoy translation nito, "Ang Munting Prinsipe," pero sa tantsa ko, magugustuhan ko rin. Sana nga magaling ang translator.

Sinilip ko ang blog ni Jeanie, at may nakita akong pamilyar. Ilan pang klik ng mouse e ito ang inihandog sa akin ng monitor:

pilot.
You are the pilot.


Saint Exupery's 'The Little Prince' Quiz.
brought to you by Quizilla


Haaaasteeeeeeeg, mehn.

----------------------------

Kahit papaano, umuusad ang mga isinusulat ko. Kailangang matapos ang mga ito bago ako mag-birthday: 'yung essay, 'yung kuwento, 'yung kalipunan ng tula. Maglalaan ako ng dalawang linggo sa pagrerebisa.

Matatapos na ang klase. Beri gud. Isang semestre, ang unang semestre ko ng pagtuturo. In peyrnes, nag-enjoy ako, a. Pagkatapos ng pasahan ng grades, uuwi ako sa Nueva Ecija. Lalayuan ko muna ang lahat, lahat nang ito. Magsusulat ako nang magsusulat nang magsusulat.

Titigil na akong manigarilyo. Sana.

Aayusin ko na, aayusin ko na, aayusin ko na ang buhay ko. Pramis.


posted by mdlc @ 2:41 PM   0 comments
Monday, March 01, 2004
Nanaginip na naman ako.

Hindi ko alam kung dahil sa sobrang kalasingan 'yun, basta, nu'ng sabado, nanaginip na naman akong unti-unting natatanggal ang ngipin ko.

Isang ngipin lang. Kaliwang bagang. Oo, left molar. 'Yung nasa itaas.

I-research n'yo na lang kung ano ang ibig sabihin kung bagang ang nalalagas. Pero sa panaginip ko, hindi pa siya tuluyang natatanggal - nakakabit pa siya, nakalambitin sa napakanipis na litid ng gilagid ko. Halos mahuhulog na talaga. Kung kumagat ako, o magsalita, o kahit dumura, mawawala na siya nang tuluyan. Nang tuluyan.

***

1. e4 e5
2. f4 exf4
3. Nf3 d6
4. d4 g5
5. Bc4 ...

Ganito madalas nagsisimula ang laban namin ni Erpats kung siya ang puti, at ako, itim. Pero iyan, iyang Bishop to c4 na iyan, iyan ang hudyat ng tunay na isipan. Ang tugon ko sa Bc4 ang magtatangay sa amin patungo sa kung saan mang lupalop ang pinatutunguhan ng mga napilay na kabayo, ng mga gumuhong tore, ng napugutang hari.

King's Gambit (Accepted) kung tawagin ang opening na ito. Ang sabi ni Erpats, hindi pa raw ako ipinapanganak nu'ng sinimulan niyang pag-aralan nang masinsinan ang opening na ito. 'Yun siguro ang kasagsagan ng hilig niyang mag-chess; kaya siguro ako ipinangalan sa mga chess player - 'yung Jan, galing kay Jan Timman ("the Best of the West" ang tawag sa kanya,) at 'yung Mikael, hindi ko alam kung galing kay Botvinnik ([he] was very serious about chess and never played for fun,) o kay Tal ([he] does not move chess pieces by hand, he uses a magic wand,) kasi pareho silang Mikael, o Mikhail, depende sa edition ng librong binabasa mo.

Itong King's Gambit ang chess opening na hindi para sa may sakit sa puso. Walang-sawang pagsa-sacrifice ang ginagawa ng puti, kapalit ng initiative, ng pag-control ng tempo, ng isang napakatalas na atake sa kingside na dala ng nabuklat na d1-h5 (at siyempre, h5-e8) diagonal. Hangarin ng puti na hindi maubusan ng bala habang pinapasabog ang kanang parte ng chessboard.

Ang itim naman - na madalas ako - e kakapit lang nang kakapit. Hanggang magkamilagro, o hanggang makapagposte ng reyna o tore sa half-open na b at c-rank, kung saan manggagaling ang bulagang counter-attack.

Madalas, hindi pa umaabot ng ika-25 na tira e may kakamot na ng ulo sa amin. Lamang na ang kabilang panig. Wala nang atake. Humupa na ang digma. Resign.

Tuwing naglalaro kami at nakakalamang na ako nang kaunti, nababasa ko sa mga labi niya, "Putcha, hindi ko maalala. Nakita ko na 'to, e." Baka nga; sa dami ng nilaro niya - at isipin mo nga naman, tuwing hahawak siya ng puti, halos lahat 'yun, King's Gambit - e malamang naka-enkuwentro na niya ang kung anumang variation na inaabot namin.

Pero naisip ko, hindi rin naman siguro lahat. Dahil paminsan-minsan, kahit papaano, nakikita ko siyang nag-iisip, malalim, nakatikom-labi. Parang nakikinig. Malamang, may mga bagong sikretong ibinubulong sa kanya ang King's Gambit.

***

Madaling-araw na akong nakauwi kanina. Galing ako sa bahay ng barkadang nagpapatulong mag-edit ng thesis.

Pagdating, ligo na kaagad. Tapos bihis. Tapos inom ng isang basong gatas; ayoko ng kape, aantukin ako nang todo pagdating ng tanghali. Gusto ko sanang mag-ahit, kaya lang nagmamadali ako - dadaanan ako ng kabarkada kong coding ang auto; akala namin, may coding, e.

Lumapit ako kay Ermats. "'Mi, pabaunan mo naman muna ako, o. Di pa 'ko nakakapagpa-encash ng sahod, e. Talo pa sa karera kahapon, maalat ang dibidendo."

"Naku, anak, walang barya, e. Ipabarya mo muna 'to sa bakery."

"Engek, nagmamadali na ako, e. Di bale, si ate, baka meron."

"Tsaka mag-igot-igot muna tayo ngayon, iwasan mo munang mangarera, kasi..." Tinabunan na ng mga hakbang ko papaakyat sa kuwarto ng ate ko ang anumang dahilan ng pagtitipid namin. Hindi rin naman nauubos 'yun, e.

Binuksan ko ang pintuang sira na ang kandado. Sinindihan ang ilaw. "Taba..."

Nagising siya, parang kinuryente. Nagulat 'ata. "Ano'ng oras na?"

"Alas seis na rin, bangon ka na. 'Ba, may breds ka ba diyan? Pabaunan mo muna ako. Di ko pa napa-encash..."

Hindi na niya ako pinatapos. "Abot mo 'yang wallet ko. Magkano?"

"Ikaw, kahit magkano. Makakatipid naman ako ng pamasahe papasok, e, sasabay ako kay Allan."

Inabutan niya ako ng siyento-singkuwenta. "'Sensiya ka na muna, 'tol. Dadalhin ko sa ospital si Daddy, e. Di ko pa alam kung magkano'ng magagastos."

Matagal-tagal din akong natahimik nu'n. Parang isang tanang-buhay kong itinitiklop ang isang dadaanin at dalawang beinte pesos. Isa pang tanang-buhay sa paglakip noon sa loob ng wallet ko, at isa pa sa pagpapamulsa ng sampung pisong barya.

Tiningnan ko ang kapatid ko, mata sa mata. Wala nang bunso-bunso sa ganitong usapan. "Malala ba?"

Hindi ko alam kung namumugto ang mata ng ate ko dahil bagong gising lang siya, o dahil... dahil, ewan. Mabuti na rin siguro iyon, iyong ganoong hindi ko alam. Hindi uso ang drama sa pamilya namin.

Sinagot niya ako ng isang tahimik na tango.

Sa iglap ring iyon, pinatay ko ang ilaw, sinarado ang pintuan, at dahan-dahang humakbang pababa ng hagdan. Hindi ko na pinamihasa ang mga mata naming nagtititigan.

Sa labas ng bahay, habang naninigarilyo ako sa kanto ng Misericordia at Laguna, madilim pa ang umaga, malamig pa ang simoy ng hangin, pero ramdam na ramdam ko nang nakaamba ang isa na namang mapait na tag-init.

***

Manhid na ako sa takot, lalo na sa mga ganitong bagay. Wala man akong nasasaksihang pagsambulat ng dugo, madaling ituring na isang walang-hupang digmaan ang buhay ko. Maya't maya, may aalis, lilipad patungong kung-saan, o tatangayin na lang ng tadhana palayo, parang tektonik, marahan, di maramdamang pagkilos. Maya't maya, mananaginip ako na nalalagas ang ngipin ko. Maya't maya may mamamatay. Maya't maya.

Hindi ako mapamahiing tao. Kahit magkabungal-bungal pa ako sa lahat ng panaginip at bangungot ko, hindi ako matatakot. Kaya, kung sino man ang naghihibla ng mga buhay, ng kamatayan, putang-ina, tara, fight na 'to. Hindi mo ako kayang takutin. Hindi mo ako kayang takutin.

----------------------------------

Hindi ko talaga alam kung dapat ko pang isinusulat 'to dito. Ewan talaga. Ito siguro 'yung panahon sa mga "online journal" na mas mabigat 'yung pagka-journal kaysa pagka-online. Tutal, naisip ko, wala naman akong inaagrabyado. Kung may masaktan dito, suntukan na nga lang siguro tayo kung gusto n'yong makabawi.

Hindi naman ako naghahanap ng simpatiya o abuloy. Hindi naman ako naghahanap ng kahit ano. Sapat na siguro 'yung alam kong kahit papaano, may babasa nito.

Sa inyong lahat, salamat, a. Kayo na ang bahalang humanap ng sari-sarili ninyong kabuluhan sa gitna ng burak ng kagaguhang nangyayari sa buhay ko.


posted by mdlc @ 1:08 PM   0 comments
Nito-nito lang
Minsan
Da Bayaw Kolektib
Template by

Free Blogger Templates

BLOGGER

Salamat sa pagrereto