May iniisip ka?
Oo.
Ano?
Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito
Friday, December 17, 2004
Patawad
kung patuloy ang pagliit ng espasyong sinasakop ninyo
sa aking mga tula. Natuklas ko nang hindi kakasya
ang lawak ng inyong pagdurusa sa loob ng iilang salita.
Natutunan ko nang ilapit ang pahina sa aking bibig
at bulungan ito gamit ang inyong tinig
upang ang mga butil ng abong iniwan ninyo sa aking dila
ay sumiksik sa pagitan ng mga taludtod
at saka pumuwing sa sino mang babasa.
Kagabi'y sumabog ang aking kalooban
at nadamay ang lahat ng tao sa paligid ko.
Nang mag-umaga'y inabot ko ang kurtina
upang pitasin ang kalamnan nilang sumampay rito.
Ang lahat ng aking panulat ay natipon sa mga sulok
kahalo ng mga bunton ng buto.
Kaya't ginamit ko ang aking daliri
upang subuking iukit ang kanilang mga pangalan
sa pader, ngunit walang mukha o tinig,
walang titik na pumanhik sa alaala ko.
Nagpumilit ako nang nagpumilit,
hanggang sa matuyo ang dugo
at magising ako.
Pasensya na kayo, pero ayaw ipakuwento ni Joel ang nangyari sa kanya. Isipin na lang ninyo na astig ang kuwentong iyon, kasi hindi ko naman babanggitin 'yun dito kung hindi 'yun astig, di ba? O kaya, puntahan na lang ninyo ang blahg niya (naka-link diyan sa kanan,) at saka kulitin siyang ikuwento ang makasaysayang pangyayari noong madaling-araw ng Sabado, ika-11 ng Disyembre. 'Yun ang ulitmate na kabayawan. Kaya nga si Joel na ang tinatawag naming "King Bayaw" sa ngayon.
***
Kanina, habang kausap si Lourd:
"Talaga, d're, bayaw mo si Joel?"
"Mehn, magkakabayaw tayong lahat," sagot ko.
***
Ilang araw na ang nakakaraan, kausap si Leo:
"Tangina, p're, magtigil ka nga diyan sa pabayaw-bayaw mo. Nagdurugo ang ilong ko sa tuwing mai-imagine kong papayag akong makatuluyan mo 'yung utol kong grade six pa lang, e."
Sabi ko, "P're, isipin mo naman ako-- ikaw, para sa ate ko? Namputa. Hahantingin kita hanggang sa dulo ng mundo kung ganu'n, 'no."
***
Ilang linggo na ang nakakaraan, kausap si Ford:
"Ano ba talaga 'yang bayaw-bayaw na 'yan?"
"Bayaw, isipin mo: gagawa ka ba ng masama tungo sa asawa ng kapatid mo?"
"Hindi."
"E, tungo sa kapatid ng asawa mo?"
"Hindi rin."
"Bakit?"
"Kasi, ibig sabihin nu'n, masasaktan din ang kapatid ko, o ang asawa ko."
"Ayun, mehn. Kaya dapat ituring nating bayaw ang lahat ng tao."
"Ba't hindi 'utol,' o 'brod?'"
"Bakit nga hindi?"
"Bakit nga, bayaw?" sabi ni Ford. Sabay na lang kaming tumahimik.
***
Narinig daw ito ni Lij sa radyo kaninang umaga. Ladies and gentlemen, sa Estados Unidos daw nangyari 'to, walang biro.
Mayroon daw isang ale. Mahirap lang siya, kaya 'yung TV niya, siguro, e parang 'yung TV namin dito: daliri sa paa ang ginagamit na remote control, dalawang dangkal lang ang lawak ng screen, tsaka de-pukpok na pag lumalabo ang reception.
E mahilig siyang manood ng mga sitcom-- sitcom ang tawag nila sa 'Tate, hindi telenovela. Kaya ang ginawa niya, ibinenta niya 'yung isa niyang mata para makabili ng TV, 'yung astig na TV, 'yung hindi de-pukpok, 'yung may tunay na remote control, 'yung pag may ikinlows-ap, makikita mo na 'yung maliliit na Smerf na namamahay sa mga blackhead ng bida.
Siyempre, okey lang 'yun, kasi, may isa pa naman siyang mata. Makikita pa niya 'yung paborito niyang palabas. Kaya nga di roon nagtatapos ang kuwento.
E di ayun, naglalakad siya sa kalye, bitbit ang dambuhala niyang TV. Ewan kung bakit hindi siya nag-taxi. Siguro malapit lang sa bahay niya ang tindahan ng appliances.
Patawid siya ng kalsada nang may naaksidenteng tsikot, malapit sa kanya. Nabuhay naman siya, kaya lang tinamaan ng bubog ang mga mata niya, a, este, nag-iisang mata lang pala.
O, ayan, as yu predikted: bulag na siya. Okey lang, may TV naman siya, malaking, malaking TV, na hindi niya mapapanood. Tangina. 'Yun ang bayaw, mehn, 'yun ang bayaw.
Forces of Evil ang pangalan ng banda namin, pero hindi kami evil. Mababait kami, sa totoo lang, sa maniwala kayo o hindi. Medyo bastos nga lang, pero pramis, mabait kami.
Forces of Evil kasi, nu'ng umpisa, "Easy and the Forces of Evil." Si Easy kasi ang, kumbaga, frontman. Bokalista at tagasulat. Tigas 'yun, at talagang may mga fans na siya sa U.P., bago pa man kami magkasama-sama, kaming apat; ako, si Carl, si Joel, at si Easy nga. Pagkatapos ng ilang gig e iniwan na lang sa Forces of Evil, dahil tutal e pare-pareho na naman kaming may sabi sa pag-aareglo ng mga kantang kinompose ni Easy.
Ba't ko nga ba sinasabi 'to? Ganito kasi 'yun:
Nu'ng papatapos ang Disyembre, tumugtog kami sa UST, salamat sa pag-aya ng TWG. Maraming una 'yun para sa amin: unang beses tumugtog sa loob ng isang iskul (pangalawa noong Writer's Night sa UP,) unang beses makahawak ng kahon si Joel, unang beses tumugtog sa labas ng Purple Haze sa Marikina, kung saan kami madalas (minsan dalawang beses sa isang linggo,) at kung saan ang tanging bayad e isang barrel ng draft beer at isang pinggang pulutan, 'yung pizza rolls nila na masarap naman, kaya lang, siyempre, bitin, lalo na kung kalahati ng audience ay pawang mga ka-tropa mo.
'Yun nga: noong tugtog sa UST Museum, 'yun ang unang beses na bayaran kami. Pare, oo, salapi, binayaran kami ng salapi.
E di siyempre, parang walang hanggang kaban 'yung breds na iniabot ni Gelo sa amin habang sinasabi niyang, "P're, 'sensiya na, bitin sa budget, e." Parang kaya na naming bumili ng isang isla at punuin 'yun ng maraming, maraming refrigerator na punong-puno ng nagyeyelong beer. Siyempre, di naman namin kasi inakalang babayaran kami. Kahit kulang pa 'yung kinita namin para mabawi ang lahat ng ginastos sa studio at pinambili ng kuwerdas ng gitara at ng bagong drumstick ni Joel, kulang pa para sa lahat ng bote ng beer na nabili namin sa tuwing tutugtog sa Purple Haze, dahil nga di ibinibigay 'yung libreng barrel hangga't di pa kami tumutugtog; kahit sa totoo lang e token lang naman ang bayad, dumiretso kami sa Big Sky Mind, sa may E. Rodriguez para mag-celebrate.
O di ayun, dala 'yung breds at ang mga ego namin na para bang kagagaling lang sa Happy Sauna, pumunta kami sa Big Sky Mind. At siyempre, dahil lahat naman kami e "writer," o at least, writer kuno-- may Palanca na si Joel, at kahit papaano e nakapag-workshop na naman kami nina Carl at Easy-- dahil nga du'n, sa'n pa ba mapupunta ang usapan kundi sa, ahem, writing.
Lasing na ako, lasing na si Joel, lasing na si Easy, pakiramdam ko buong mundo lasing na, pati 'yung aso namin dito sa P. Tuazon na ang pangalan e Troy dahil mahilig siyang mang-destroy. Lasing na ako nang tanungin ako ni Easy: sa tuwing nagsusulat daw ba ako, ano ang dahilan ko? Sa bawat beses na susubukin kong tumula, ano ang nagtutulak sa akin? Kung pasisimplehin nga raw naman, bakit ako tumutula?
Dumudulas na mula sa dila ko 'yung sagot na "dahil nag-eenjoy akong tumula" nang sabihin ni Joel na, "p're, pag-isipan mo munang mabuti."
Kaya nga 'yung lasing na ako e lalong dumaldal. Para sa tula? Ano 'yun? Platitude na naman-- baka pag ipinapaliwanag nila sa akin e panay bola ang sabihin ko. Para sa kapwa? Sinong kapwa? Sino ba'ng nagbabasa ng mga tula ko? Sino ba'ng nagbabasa ng tula, at all? Sa lipunan? Atsetse, papaanong mapapainam ng tula ko ang lipunan?
(Sa mga taong may maisasagot dito, plis, plis, pakisagot naman. At pakiusap din, huwag ninyo akong pagtawanan dahil hindi ko talaga alam kung papaano. Papaano?)
Naisip ko nga noon: ayaw ko nang tumula. Kagaguhan yata 'yun. Nitong mga huling buwan, sa tuwing tutula ako, palaging gusto ko, dapat may social consciousness, dapat may salitang dugo o kuyom o may imahen ng isang bayang naghihirap at naghihingalo para sa pagbabago. Pero ano ang naisusulat ko? Pangit. Tae. Tipong pag nabasa ni Troy e baka kagatin ako nang bigla. Nag-aaksaya lang yata ako ng tinta at papel at bytes sa punong-puno nang hard disk ng computer.
E di hot seat na ako, kasi si Easy at si Joel, hindi kasing hilig ko sa pagsusulat ng-- paano ko bang sasabihin 'to-- ng mga tulang isinusulat ko, 'yung puwedeng gawing entry sa Gawad Ka Amado. Wala akong maihirit, kasi pangit, pangit ang mga naisusulat ko, miski ako napapangitan.
At ang nakakahiya e hindi ko alam kung bakit. Bakit? Bakit! Putangina. Parang pinulikat ang utak ko, parang napagod sa dami ng iniisip, sa dami ng gustong sabihin, sa dami ng ayaw sabihin at ikinatatakot kong iluwal sa papel. Sa dami nang dahilang hinahanap, palagi at palagi, pero hindi naman matagpuan.
Tapos, si Carl, na steady lang, steady talaga, parang kung paano siyang humawak ng bass, parang kung paano siyang magsulat ng fiction, sabi niya, "Doooood, isipin mo, nu'ng unang, unang beses kang nagsulat, nu'ng una kang nagkainteres sa tula, bakit?"
Di ko nabigyan ng makatarungang sagot si Carl noon. Pero ngayong madaling araw ko lang naalala, at naisipang bigyan ng makatarungang sagot si Carl. Kaya matagal-tagal na rin mula noong nag-update ako nang matino dito sa blahg, kasi pakiramdam ko, ayaw ko nang sumulat.
Kaya nga sasabihin ko: nito ko lang naisip na hindi ako Evil-- dahil hindi ako nagsimulang tumula para sa tsiks, sa pogi points, o para maaalala ako ng mga taong iiwan ko, para isang araw e maipapakita ko sa magiging apo ko ang isang lumang aklat at masasabing, "O, tingnan mo, o, pangalan ni Lolo 'yan, o, pangalan ni Lolo 'yan." Pasensiya na, pero noong unang beses akong tumula, wala talaga sa isip ko ang pagbabagong panlipunan. Ang hilig ko noon e Counterstrike at Winston Lights, at tatlong bote pa lang ng beer e bangenge na 'ko noon.
Bakit nga? Ito ang sagot ko-- bakit nga ba? Hindi ko alam.
Pero sa wakas, parang full circle na; hindi ko na yata kailangang humanap ng dahilan.
***
E di natahimik kaming lahat sa hirit ni Carl noong gabing iyon. Sabi na lang ni Joel, matapos ang ilang ilang na sandali, na parang lahat kami, sa kani-kaniyang sariling sansinukob, e napapangiti-- sabi ni Joel, pustahan na lang tayo. Kaming tatlong mga tumutula: ako, si Joel, si Easy, pustahan: kailangang makapagsulat ng tula, ipapakita sa susunod na tugtog. Pag hindi, ililibre mo ng tatlong boteng beer 'yung sinumang makakasulat.
Natural, noong Writer's Night, wala akong naiabot na tula. Si Joel, dahil nag-uulyanin na yata, wala ring naisulat, nakalimutan daw niya 'yung pustahan, o siguro mas lasing siya sa akin nu'ng gabing 'yun.
Ang nakakatawa, si Easy pa, si Easy na taon na ang binibilang mula nu'ng huling nakasulat ng tula, si Easy pa ang nakapagpakita ng magandang tula noong Writer's Night.
(Sa next entry ko, na ipinapangako e hindi sa susunod na buwan pa, ikukuwento ko kung bakit noong Sabado ng gabi e ayaw bayaran ni Joel 'yung utang niya kay Easy na tatlong bote. Kesyo raw nakasulat na siya ng tula, pero mahabang kuwento kung paano at sa anong situwasyon niya natapos ang tula niya.)
Noong Sabado, magkakasama uli kami habang nanonood ng boksing sa RPN 9. Nakakalahating case ako ng beer, at nabayaran ko na si Easy. Pero hanggang kanina, hanggang ngayon, sa totoo lang, pakiramdam ko, may utang pa rin ako.
Kaya nga hayaan n'yo na 'kong tapusin 'to, para sa wakas, makapagsulat na ako, ginaganahan na ako, ngayon na, ngayon na, ngayon na.
Huwag ninyo akong tatanungin kung ano na ang nangyayari sa buhay ko dahil hindi ko kayo masasagot, dahil wala akong maisasagot, dahil "wala" ang tanging maisasagot ko. Dahil malamang sa hindi, kasinungalingan lang din ang maihahain kong tugon sa pangungumusta ninyo. Wala akong problema, ewan, mayroon siguro, o wala pero gusto kong isiping mayroon, o mayroon, pero gusto kong sabihing wala.
At kung tatangkain kong pahabain 'to-- hindi, hindi ko tatangkaing pahabain pa 'to, hindi mahabang-mahaba. Marami akong gustong isulat, pero hanggang gusto lang, hanggang gusto na lang muna. Hindi ko tatangkaing pasayahin 'to.
May lulungkot pa ba sa-- saan? Sa alin?
Hindi ako nalulungkot. Tingnan n'yo nga't nakangiti ako.
Ito ang tanging pagmamay-ari ko, ang tanging pagmamatapangan kong angkinin: kalahating kaha ng basang sigarilyo, at itong madaling-araw na manhid, manhid, manhid, manhid.
Hindi raw ako marunong magsinungaling. Madali akong mahalata. Parati akong ngumingiti kapag may sinasabi akong kasinungalingan.
Ngumingiti para ikubli ang pait na naglulunoy sa ibabaw ng aking dila.