May iniisip ka?
Oo.
Ano?
Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito
Bintana, Madaling-araw
Wednesday, April 26, 2006
Susubukin mong hindi magsalita ukol sa kasalanan, ukol sa kung paanong isinusubo ng lungsod ang mga hibla ng iyong pananalig, kung paanong isang hatinggabi ay susuko ka sa anyaya ng alimpungat at babangon at maghahanap ng kayakap ngunit walang makikita, mamumulat ka sa mabigat na katotohanan ng iyong pag-iisa, at pilit lalamukutin ang mga dila ng kadilimang naglalaro sa iyong kurtina, naiintindihan mo, narinig mo na ito, dati pa, kailan pa ba kinailangan ng paliwanag? Hindi ngayon. Alam mong kailangan mong manalig sa mga nakikita, heto ang baso ng tubig na palagi mong ititinatabi sa pagtulog, ang gusgusin mong kumot, heto ang mga bubog ng iyong paniniwala, nabasag ito kanina nang makita mo ang isang batang hinahalukay ang estero, nang bigla siyang lumingon at tumingin sa iyo at ngumiti, nang mabilis mong inilayo ang sariling paningin, at nagpatuloy sa paglalakad, bakit, nandiri ka ba? Aminin mo, natatakot kang isang araw ay singilin sa iyo ang mga pagkukulang mo sa mundo, natatakot kang magising nang mag-isa, habambuhay, ngunit hindi mo ito kasalanan, wala kang kasalanan, ngunit natatakot ka pa rin, at wala kang makapitan sapagkat ayaw mong maniwala. Ngunit madaling-araw na, at naniniwala kang maya-maya ay may dadampi sa iyong liwanag, at paglabas mo ng bahay, sa kanto, naroroon pa rin ang pulubing araw-araw na sinasalo rin ang liwanag na ito, at naniniwala siyang, muli, daraan ka, at naniniwala siyang, maaari, sa wakas ay tititigan mo siya at bibigyan ng ilang pirasong barya. Naniniwala siya sa maaari. Gaya mo. Alam mo, hindi ba, alam mong babarahan ng ikinuyom na pananalig ang iyong lalamunan? At ano ang pananalig? Gusto mo lamang maibsan ang iyong pag-iisa, at ngayon, madaling-araw na, dilat ka na, matatabig mo ang baso ng tubig at mababasa ang kumot at pipilitin mong huwag nang makatulog. Paano pang ikakaila ang sapilitang pagkamulat? Paanong iibsan ang pagkislot sa dibdib, pagtibok ba ito o nakasanakayang pagkirot, paanong iibsan? Alam mo, alam mo na, miski ang dilim ay tumatawid patungo sa liwanag. Humihikab ang kalawakan, ang buong lungsod, nangungusap ang bintana. “Huwag mo akong ipinid,” wika niya, “Mayroon ka nang parating na bisita.”
Kanina, natagpuan ko ang sarili kong nagsisigaw sa TV: "Putangina, putangina, Pau, puso, puso!"
Bago ang araw na ito, kung tatanungin ako kung sino ang paborito kong basketball player sa NBA, sasabihin ko, si Pau Gasol ng Memphis Grizzlies. O sige na nga, isa lang siya sa mga paborito ko, pero kung mayroon din akong boto sa All-NBA First Team e tiyak na siya ang ilalagay ko sa slot ng sentro. Dahil sa petiks na trabaho ni Shaq sa Miami, at sa maagang pagtatapos ng season ni Yao Ming, pero mas lalo na dahil sa career season niya ngayon.
Pero tama nga ang kasabihan natin ukol sa playoffs: This is where the season starts. At putangina, putangina, Pau, puso, puso! kung ayaw mong umuwi nang maaga.
Case in point: paulit-ulit, 'yung play nila para sa mabigyan siya ng matinong entry pass sa poste. Magbibigay si Pau ng back-pick sa two-guard (si Eddie Jones, o si Mike Miller,) kaunting bangga para makapuwesto, tatangap ang two-guard sa quarter-court, at iaabot sa kanya nang malalim-lalim. Ano ang gagawin niya? Aatras nang kaunti (lalayo sa ring, mga kababayan! Lalayo!) didribol-dribol, mag-aabang ng double-team, at ipapasa. Sa puntong ito, mayroon na lang lima, anim, pitong segundo sa shotclock, at mapipilitan nang itirang-alahoy ng kung-sino ang bola.
Suskupo. Putangina, Pau, alam mo ba ang pinagdaraanan ng mga teammate mo para maibigay sa iyo ang bola sa ganoong kagandang pusisyon? Nakita ko kanina, si Eddie Jones, binigyan ka ng pick, at sinagasaan siya ng parang saging sa ilalim ng isang pison ng dambuhalang si DeSagana Diop.
Alam ko, alam ko; mas gusto ko ang mga player na naiintindihan ang laro, na namamasa kahit hindi gipit, na pinaiikot ang bola para ma-involve ang lahat. Mas gusto ko si LeBron kaysa kay Dwayne Wade dahil dito; mas gusto ko si Steve Nash kaysa kay Chauncey Billups, si Boris Diaw kaysa kay Kwame Brown.
Pero, Pau, (puso, puso!) playoffs na, parekoy, playoffs na. Bago ka mamasa, ipakita mo muna sa kalaban mong agresibo ka, na dudurugin mo sila kapag pumetiks sila sa pagbabantay sa iyo, na latak lang ng tae sa puwet mo si Eric Dampier dahil ikaw ang All-star ng team mo.
Haaay. Hindi pa nananalo ng ni isang laro sa playoffs ang Memphis, mga kababayan. na-sweep sila nitong huling dalawang taon. Oo, masyadong malaking panalangin naman ang talunin nila ang Dallas sa serye. Pero kaunting puso lang naman Pau, puso, puso, para hindi mabigo kaming mga umaasa sa iyo.
E di magpopost ng tula ng may tula. 'Yung mahaba. Ganitong kahaba:
Thin Air Robert Hass
What if I did not mention death to get started or how love fails in our well-meaning hands or what my parents in the innocence of their malice toward each other did to me. What if I let the light pour down on the mountain meadow, mule ears dry already in the August heat, and the sweet heavy scent of sage rising into it, marrying what light it can, a wartime marriage, summer is brief in these mountains, the ticker-tape parade of snow will bury it in no time, in the excess the world gives up there, and down here, you want snow? you think you have seen infinity watching the sky shuffle the pink cards of thirty thousand flamingoes on the Sengereti Plain? this is my blush, she said, turning toward you, eyes downcast demurely, a small smile playing at her mouth, playing what? house, playing I am the sister and author of your sorrow, playing the Lord God loves the green earth and I am a nun of his Visitations, you want snow, I'll give you snow, she said, this is my flamingoes-in-migration blush. Winter will bury it. You had better sleep through that cold, or sleep in a solitary bed in a city where the stone glistens darkly in the morning rain, you are allowed a comforter, silky in texture though it must be blue, and you can listen to music in the morning, the notes nervous as light reflected in a fountain, and you can drink your one cup of fragrant tea and rinse the cup and sweep the room and the sadness you are fighting off while the gulls' calls beat about the church towers out the window and you smell the salt smell of the sea is the dream you don't remember of the meadow sleeping under fifteen feet of snow though you half recall the tracks of some midsized animal, a small fox or a large hare, and the deadly silence, and the blinded-eye gray of the winter sky: it is sleeping, the meadow, don't wake it. You have to go to the bottom of the raveling. The surgical pan, and the pump, and the bits of life that didn't take floating in the smell of alcohol, or the old man in the bed spitting up black blood like milk of the other world, or the way middle-aged women from poorer countries are the ones who clean up after and throw the underwear away. Hang on to the luxury of the way she used to turn to you, don't abandon it, summer is short, no one ever told you differently, this is a good parade, this is the small hotel, the boathouse on the dock, and the moon thin, just silvering above the pines, and you are starting to sweat now, having turned north out of the meadow and begun the ascent up granite and through buckthorn to the falls. There is a fine film on your warm skin that you notice. You are water, light and water and thin air and you're breathing deeply now-- a little dead marmot like a rag of auburn hair swarms with ants beside the trail-- and you can hear the rush of water in the distance as it takes its leap into the air and falls. In the winter city she is walking toward you or away from you, the fog condensing and dripping from the parapets of old apartments and from the memory of intimate garments that dried on the balcony in summer, even in the spring. Do you understand? You can brew your one cup of tea and you can drink it, the leaves were grown in Ceylon, the plump young man who packed them was impatient, he is waiting for news of a scholarship to Utrecht, he is pretty sure he will rot in this lousy place if he doesn't get it, and you can savor the last sip, rinse the cup, and put it on the shelf, and then you go outside or you sit down at the desk. You go into yourself, the sage scent rising in the heat.
Kinailangan pa ba ang nuknukan-ng-init na mga umaga para ipaalala sa akin na, muli, tag-araw na nga?
2.
Mamarkahan ng paskil na ito ang pag-eermitanyo ko. Ilang araw kayang aabutin ito? Marami akong kailangang tapusin. Ayaw ko na munang lumabas nang bahay. Pipilitin kong huwag magpabulabog sa pag-usad ng mundo. Tangina mo, World, huwag ka munang magulo.
Isa pa, umuwi sa Lucena ang Tangi Kong Buntong-hininga.
3.
Heto ang litrato ni Vitaliano de Lara, 90-anyos:
Kung titingnan nang maigi, marahil ay mapapansin ang dalawang ga-kurot na lubog sa kanyang ulo. Dulot ang mga ito ng isang operasyon halos isang dekada na ang nakararaan, nang magkaroon ng clot sa kanyang ulo.
Nagtatalo ang angkan sa kuwento kung paano ba siyang nakakuha ng clot na ito. Ayon sa salaysay ni Pedro de Lara, bunsong anak ni Vitaliano, umakyat sa kisame ang nakatatandang de Lara upang tiradurin ang mga dagang maingay na nagtutugisan at nagkakaladyaan doon. Nang mapaapak sa marupok na bahagi ng bubong ay bumulusok daw pababa si Vitaliano, at inabutan nang nakahandusay doon.
Ayon naman kay Christopher de Lara, nag-iisang anak ni Pedro, umakyat sa bubong ng bahay si Vitaliano upang kalikutin ang antena. Malabo raw kasi ang reception ng World Wrestling Federation nang araw na iyon. Nadulas sa isang tumpok ng tae ng manok si Vitaliano, at bumulusok pababa.
Marahil ay hindi na matutukoy ng madla ang tunay na dahilan ng aksidente ni Vitaliano de Lara. Sa kabutihang-palad ay wala namang nakikitang panghihina sa kanyang katawan. Ipinakakain pa rin niya sa mga manok niyang panabong ang Centrum at iba pang bitamina na ibinibigay sa kanya ng panganay na si Severina de Lara Co. Mahilig pa rin siya sa wrestling, at galit pa rin sa mga daga.
4.
Heto ang listahan ng mga bagay na hindi ko pahihintulutang bumulabog sa akin:
4.1. poker 4.2. biglaang inuman 4.3. bagong palabas sa sine 4.4. ang minsan-sa-isang-taong pagbiyahe namin ni Utol sa Quiapo para bumili ng bagong mga DVD
5.
Kinailangan pa ng inuman para ipaalala sa akin na, oo, mag-iisang taon na nga.
Kapag binabalikan ko ang huling tag-araw, nakupo, puta, nakakahiya nang kaunti. Haha. Hindi ko maisip kung paano kong nakayang iparada ang kalungkutan nang gayon. Sinilip ko ang archives nitong blog at nakita kong walang entry mulang Enero hanggang Abril ng 2005. Siguro lang, noong mga panahon na iyon, mas madaling maghimutok, para sa akin. Maraming nangyari at matagal kong piniling manahimik. Na-miss ko yatang magsalita.
At isa pa, sa totoo lang, noon, malungkot naman talaga, malungkot na masaya, malungkot na masaya na masarap danasin. Isa sa mga pinakamahalagang natutunan ko noong huling tag-araw: Hindi yata dapat mabuhay nang may intensyong mag-ipon ng alaala. Ayaw ko na uling dumanas habang iniisip na, Dapat kong maalala ito. Bakit pa? Lumublob na lang tayo, at bahala na ang panahon kung ano ang ipahihintulot nitong maalala mo. Maalala ko.
Siguro nasasabi ko ang lahat nang ito ngayon dahil, oo nga, tapos na, at bagaman masarap balikan ang mismong sahig at dalampasigan at mga mumunting silid ng mga tagpuan, marahil sa ngayon e dapat na muna akong makuntentong maglagalag sa lupalop ng gunita.
6.
At ito ang naaalala ko:
Dumaguete, Sa Pagitan
May mga pananahang hindi kayang lunasan ng pag-uwi. Kung ano ang pag-uwi, hindi ko alam. Kung ano ang aking nalalaman? Matalas ang mga kanto sa lupalop ng mga pagitan. Sa pagitan ng laot at dalampasigan, pinupunit ng mga alon ang namumuong alinsangan. Hinihiwa ng mga sinag ang naghihimulmol na kalawakan. Sa kabila ng dalampasigan, may isang lungsod na dinarantayan ng dagat. Wala ako roon;
narito ako't gumugunita: Sa pagitan ng pananatili at paglisan, may isang iglap ng alinlangan. Nakalisan na ako, ngunit mapikit lamang ay dumaragan sa alaala ang lungsod na iyon: ang pasahan ng liwanag sa pagitan ng mga araw, ang maikling promenada sa lamlam ng takipsilim, ang buntong-hiningang maya't maya kung dumalaw. Sa pagitan ng paglimot at gunita, may pagnanasang magwika: May mga pananahan na di kayang lunasan ng pag-uwi. Kung ano ang pag-uwi, hindi ko alam,
marahil, hindi ko na malalaman. Kung ano ang pananahan? Itong tinik na nakasilid sa dibdib, tumutubo, umuukit ng titik at pagnanasang makabalik. Sa pagitan ng lantsa at ng hinahapunan nitong daungan, may lubid na nilulumot, binabakbak ng tubig-alat. Sa pagitan ng gunita at pagwiwika, may isang lungsod na dinarantayan ng dagat. May isang lungsod na dinarantayan ng dagat—- nasasabi ko ito nang di napapipikit,
pagkat tumindig na ako kung saan nababali ang tubig, at tinanaw ang—- alin? Wala kundi ang mga butil na nagkumpol sa aking mga paa, parang mga lungsod na kumikinang sa abot-tanaw na iisang dipa.
7.
Heto ang isang listahan ng mga bagay na maaaring kumaladkad sa akin papalabas sa ermitanyo mode ko:
7.1. inuman sa lunes 7.2. pagkatakam sa mga pagkaing matamis 7.3. pagkaubos ng internet prepaid 7.4. kawalan ng kakayahan/gana/inspirasyon na magsulat 7.5. suweldo
8.
Heto pa ang isang litrato ni Vitaliano de Lara, kasama naman si Bianca Denise Meridor Co, 7 taong gulang.
Ayon sa mga kuwento, noong kabataan daw ni Vitaliano ay kaya niyang magpasan ng dalawang kabang bigas, at lakarin mulang San Leonardo, Nueva Ecija hanggang Baliuag, Bulacan nang dala ang mga ito.
Malabong totoo ang kuwento, pero masarap pa rin itong paniwalaan.
9.
Heto ang listahan ng mga bagay na siguradong makapagpapalabas sa akin sa bahay:
9.1. sunog o lindol 9.2. pagpunta sa bangko sa Miyerkules upang tumupad ng pangako 9.3. pagkatakam sa malamig na Pale Pilsen 9.4. pagdalaw sa Lucena, bandang dulo ng susunod na linggo
10.
Sa Kabila ng Lahat
Matagal na mula noong nagsawa akong matakot sa hindi ko nakikita. Wala pa ring nagbabago hanggang ngayon. Magaspang pa rin ang hihip ng hangin. Ang mga ahas sa kagubatan, alam kong nasa kagubatan pa rin, patuloy na naghuhunos, bagaman sa tuwing hahanapin ko sila’y wala akong natatagpuan kundi ang tuyot at maninipis nilang balat.
Gayundin sa lungsod. Humuhuni pa rin ang langit sa tuwing ipipinid ko ang aking mga labi. Akala siguro nito’y hindi ko siya naririnig sa tuwing nananahimik ako. Nagtataka rin kaya ito, tinitimbang kung may awit ding nagliliyab sa abuhin kong kalooban? Sa kabila ng lahat,
hindi ko alam. Hindi ko alam kung anong tayantang na lupalop ang nasa kabila ng lahat, kung anong halimaw ang payapang natutulog, humihilik, nag-aabang na mahagilap ko ang anumang naglaho mula nang magsawa akong maniwala. Sa isip ko, isang araw, kakaharapin ko ang halimaw na iyon, walang sandata kundi patpat at gusgusing pananalig. Maaamoy niya ang aking pangamba,
at ngingiti siya, at ibabahagi ang dalumat na alam ko na, dati pa: “Naiintindihan mo? Walang nagbabago.” At saka siya titindig. Tatakbo ako papalayo, ngunit hahabulin ako ng numinipis at numinipis niyang tinig. “Bakit ka natatakot? Alam mong magwika man ako, wala akong ibang tinig na magagamit kundi ang sa iyo.” At pipikit ako, ipipinid ang mga labi,
dahil sa kabila ang lahat, hindi ko alam kung akin pa ring talaga ang tinig na iigpaw mula sa nag-aapoy kong lalamunan.