May iniisip ka?
Oo.
Ano?
Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito
sakit ng ulo
Sunday, August 20, 2006
Minsan, kapag nangyayaring nakaupo ko sa inidoro, humihitit ng unang yosi mo para sa araw, o simpleng naglalakad lang, tumatawid sa kalsada nang hindi tumitingin sa kanan o kaliwa, minsan, iniisip mo kung ano bang mga bagay ang hilig mo, gusto mo; ano ang sana mayroon ka, sana marami, sana maganda. Tapos matatawa ka na lang sa sarili mo, dahil lumalabas yatang mahilig ka sa sakit ng ulo.
Mahilig ka sa mga bagay na nagpapasakit ng ulo mo: chess, mga larong kailangang may isipan; kahit papaano, sa mga tulang hindi sobrang daling pasukin; mahilig ka sa pagkaing mamantika-- nakupo, sinigang na baboy na melts-in-your mouth ang taba, litsong kawali.
Mahilig kang umalma sa mga bagay na dapat pinag-iisipan muna kung dapat bang umalma: kanina, nanood ka ng laro sa Araneta, nang maeject sa Buyco ng U.P. dahil sa pagsiko kay Macky Escalona, nang dumaan si Buyco sa harap mo, ayun, minura mo, solid, "Putangina mo! Putangina mo, kalbo! Pangit!" sabi mo, tapos tsaka mo na lang naisip na baka lumingon siya at akyatin ka sa stands at pirasuhin sa apat tapos ikalat sa malalayong isla 'yung mga parte ng katawan mo, saka mo na lang naisip 'yun, na putcha, siyet, muntik na yata akong mamatay du'n, a.
Mahilig ka sa beer. Kagabi uminom ka, ang dami mong nainom, Colt tapos San Mig Light tapos Jack Daniels na may Coke tapos Light ulit, di ka naman nalasing nang todo, natatandaan mo pa naman ang nangyari, o siguro sa tingin mo natatandaan mo, tapos iniisip mo na putcha may mga sinabi ka bang mali, nakasakit ka ba ng kapwa kagabi? Hindi mo alam, sana hindi, naaalala mo ang naaalala mo pero malabo 'yun, malabo sa puntong hindi mo na alam kung lahat nga ba natatandaan mo, malabo ang mga sulok at kanto. Iniisip mo ang lahat nang ito kanina habang parang may dalawang kunehong nagyayarian sa loob ng ulo mo, may dalawang kuneho at isang bulldozer at animnapung holen sa loob ng isang supot na umaalog-alog sa tuwing hahakbang ka.
Minsan naiisip mo, baka sadyang pinanganak kang ganyan, mahilig gumawa ng mga bagay na pagsisisihan mo rin sa dulo, salamat sa paalala pero putangina oo nga ano hindi ko pala namalayan na ginawa ko 'yun o sinabi ko 'yun, oo, 'yan ang naiisip mo minsan, ilang relasyon na bang sinimulan mo na nauwi lang sa wala, ilang bagay ang pinasok na di naman natapos, ilan ang hinawakan na binitawan din? Gusto mong sabihing marami pero lahat naman siguro ng tao marami ring ganu'n, at oo, sinasabi mo nga 'yun sa sarili mo, pero hindi pa rin nawawala ang sakit ng ulo mo, ang bigat ng dibdib na parang lumolobo, parang may tinik, parang may tinik na nanganganak ng tinik pa at tinik pa ulit.
Oo, tama, minsan kapag naiisip mong parang bukod sa mga problemang pinangsho-shoryuken sa iyo ng mundo e may mga problemang ikaw na lang din ang gumagawa, natatawa ka na nga lang, hindi 'yung tawang tahimik, a, hindi 'yung tawang sa isip lang. Ito 'yung tawang medyo mapapailing ka pa, parang tawang galing sa lalamunan, ngising may tunog, 'yung tawang kapag may kasalubong ka habang naglalakad at nakita ka e iiling din, o mapapatawa, iisiping ang weirdo naman, iisiping sana okey lang siya kasi ako rin minsan nagagawa ko 'yun, iisiping siguro problemado lang 'yung taong 'yun.
Walang ginagawa ang mga bituin Kundi pagmasdan ang mga mangingibig.
Isang gabi, kapag ikaw ay umiibig, Tumingala ka sa mga bituin. Malasin mo ang kanilang ningning, Ligaya mo’y sinasalamin.
Mabait ang mga bituin. Sa mga mangingibig Isa lamang ang hiling: Umibig, umibig at umibig Nang may magawa ang mga bituin.
Walang ginagawa ang mga bituin Kundi pagmasdan ang mga mangingibig.
Isang gabi, kung masawi ka sa pag-ibig Tumingala kang muli sa sa mga bituin; Pati liwanag, nagiging dilim At tamis ng puso’y dahan-dahang umaasim.
Malupit ang mga bituin. Sa mga bigo sa pag-ibig Labis ang hinihiling: Umibig, umibig at umibig pa rin, Nang may magawa ang mga bituin.
2.
Noong bata ako, isa sa mga paborito kong laro ang teks. Dugong sugarol kasi siguro. Kung naaalala pa ninyo, may kanta 'yan habang nagbibilang ka ng teks: "Isa-sa-dalawa-pandekoko-palaman-pekpek."
Paborito kong mga pamato: Jaime Labrador, Sakristan Mayor; Tatak ng Kriminal; at saka 'yung mga pamana pa sa aking Boy Tornado, Anak ni Zuma, at Nardong Putik.
Sandali. Senti trip bigla.
Ayun. Wala lang.
3.
Matapos ang mahaba-haba ring panahon:
Basag na Awit ng Isang Binatang Gusto Sanang Makilala si Ana
“Malupit ang mga bituin. Sa mga bigo sa pag-ibig Labis ang hinihiling: Umibig, umibig at umibig pa rin, Nang may magawa ang mga bituin.” - Eduardo Jose Calasanz, “Awit Kay Ana”
Marahas ang hagupit ng ulan sa mga ilaw-poste, Ana, at binabasa ko itong tulang inialay sa iyo,
iniisip kung nasaan ka ngayon, kung sa dakong iyan ng mundo ay umuulan din. Ana, malambot ba ang iyong higaan?
May katabi ka ba ngayong gabi? Tumanda ka kaya, Ana, o nakulong na lamang sa pagkadalagang biyaya
nitong tula? Sa isip ko’y babangon ka upang pakinggan ang mahapding tinig ng pumapatak na tubig. Ana,
lalapit ako sa bintana at katabi kita roon, hinihimas ang pasemano, inaabangan ang unang liwanag.
Bubulong ako at tinig mo, hindi katahimikan, ang sasalubong sa nangangatal kong hininga.
Basag ang liwanag na sinasalamin ng tubig-ulang naipon sa mga pitak ng kalsada, Ana, at sa isip ko’y maginaw rin
sa dakong iyan ng mundo. Naghahanap ka rin ba ng kayakap? Ilang ulit ka nang nilisan? Ilang ulit nang lumisan? Ana,
sa isip ko’y may kumot na nakabalabal sa iyo. Nakatingin ka sa malayo, iniisip kung paanong ang mga butil ng ulan
ay parang mga bituing bumubulusok, pagod sa habang-panahong pagkakalambitin sa kalangitan.
Ana, sa isip ko’y pumipikit ka. Ana, sa isip ko’y malungkot ka pa rin. Sa isip ko’y may hawak kang
isang pirasong papel, isang tula, binabasa mo ito nang paulit-ulit, gabi-gabi, at tumitingala kang paulit-ulit, at ngayong gabi,
Ana, kung hindi lamang kinukublihan ng mga ulap ang kalawakan, sabay nating isasauli
ang mapangutyang titig ng mga bituin.
4.
Sori kung bihira akong mag-post dito. Ewan; ang sabi nila, kapag maraming nangyayari sa buhay mo, hindi ka nakakapagblog. Siguro nga. Sa akin naman, minsan, o sa kasong ito, wala talagang masyadong nangyayari. Same old, same old. Mataba pa rin ako at walang pera. Ngayon lang, kaya ako nakasulat dito: sobang daming dapat gawin, pero tinatamad pa akong magsimula.
Naaalala ko pa dati ang mga panahong itong blog ang paborito kong patungan, uwian, paboritong pagbuhusan ng mga sentimientong "Tangina mo, World!" Blog, pasensiya na, pero ngayon, pampagana ka na lang, panulak. Huli ka na sa pila.
5.
O baka naman dahil lang gusto ko nang palitan ang template at hindi ko mapalit-palitan, wala akong mahanap na maayos na ipapalit? Siguro.
Kung may makakatulong sa akin, kung may bukal ang pusong makagagawa ng template, plis, plis, plis? Ililibre kita ng dalawang boteng beer. Pramis.
Isa siyang Ibanez AFS175T, Artcore Series. Sa totoo lang, hindi ko inasahang magiging ganito siya ka-playable, pero manipis pala ang neck. At pati ang sustain, puta ang ganda. Maliwanag ang tunog, bilog na bilog, pero may kagat ng lutong. Mahal ko na siya.
2.
May gig nga pala kami sa Sabado, ika-5 ng Agosto, sa Mayrics. 100 yata ang entrans, may beer. Sa Lunes naman, ika-7, sa Mag:Net Katipunan ang tugtog namin; 150 naman du'n. Sana makapunta kayo. Alam kong hindi pinipitas sa puno ang pera, pero, astig sana kung mapapanood ninyo ulit ang Chupacabraz, pati ang poetry reading bago nu'n, pati kung paano ko lambingin itong Ibanez.
3.
Congrats kay Michael Co, na nanalo du'n sa Fiction Contest ng Fully Booked. Hindi ako 'yun, a. Marami kasing nagtetext, akala ako. Congrats sa kanya, at congrats din kay Ian Casocot. Husay.