abo sa dila

May iniisip ka? Oo. Ano? Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.

 
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
O, ha, Plurk, o, ha!
Radyo? Radyo?
Libreng humirit

Mag-exercise tayo tuwing umaga
Tambay ka muna
Lokal Kolor
Ano'ng hanap mo?
Basa lang nang basa
Tropa ko

    na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito

Tuesday, April 20, 2004
Una kong pinangarap ang maging astronaut. Tuwang-tuwa ako noong nakita ko sa isang feature sa TV 'yung mga mamang naka-spacesuit, na mataas pa kay Michael Jordan kung tumalon. 'Yung pagpagaypay ng bandila ng Amerika (teka, may hangin ba sa buwan?) 'yung paggala ng space buggy (na Pinoy ang nag-imbento,) sa sugatang sahig ng buwan, iyon, iyon ang trip na trip kong masdan. Hindi ko naman alam dati na kailangang genius ka para maging astronaut, kailangang magaling ka sa Math at Physics, kailangang pang-Olympics ang katawan mo. Kaya minarapat kong pangaraping maging astronaut.

Pero nagbago ang lahat nang makalaro kong minsan ang anak ni Ninang Brenda na si Tootsie. Sa mga natatawa sa pangalan niya, sige lang, tumawa lang kayo. Nakakatawa naman talaga, e.

Lalaki siya, at hindi iyon ang tunay niyang pangalan. Wooshoo, sigurado akong lahat kayo, may nakakahiyang pangalan din nu'ng bata kayo, parang pangalang aso: Piton, o Jekjek, o Yanyan.

Ito ang takbo ng usapan namin ni Tootsie:

"Ano'ng gusto mong maging paglaki mo?" Uto-uto ako. Ang akala ko, curious lang talaga si Tootsie.

"Gusto kong maging astronaut. Gusto kong makapunta sa moon. Ikaw?" Siyempre, curious din ako.

"Talo ka sa akin. Paglaki ko, magiging ako si Superman." Nakupo, eksaktong kapapanood ko lang ng Superman the movie na iniri-replay sa Channel 4.

"Kaya mo 'yun?" Tanga, Mikael, hindi, hindi niya kaya iyon.

"Oo! Nagpapraktis na nga akong mag-fly ngayon, e. Pati 'yung x-ray vision. O, tingnan natin... ayun! Yellow ang panty ni Tita Josie!" Oo, malibog si Tootsie.

"Ay, talaga? Ako rin, gusto kong maging Superman." Hindi ako malibog, at least hindi noon. Inggitero lang. Ang gusto ko, lumipad. Hindi 'yung x-ray vision.

At naging ambisyon kong maging si Superman, bago maging piloto, bago maging archeologist, bago maging miyembro ng Greenpeace na ikinakadena ang sarili sa mga barko.

Naalala ko ang mga ito noong linggo, nang pumunta kami sa Tutuban ni Lijah. Doon, nakakita ako ng pambatang costume ni Superman. Ay, ay. Isa na namang gatilyo ng alaala.

Melchor ang pangalan ng pinsan ko. Bago ako payagang maging batang kalye, siya lang ang kalaro ko. Nagpupunta siya sa bahay nang may dalang mga laruan – mga tau-tauhan, baril-barilan, mga cartridge ng famicom, mga bagay na wala ako. Kung magkasawaan sa laruan, magre-wrestling kami sa ibabaw ng kama nina Erpats, hanggang sa may umiyak o may dumugo, kung alin man ang mauna.

Isang araw, narinig ko ang pamilyar niyang katok sa gusgusin naming pinto. Dali-dali kong binuksan iyon, at tumambad sa paningin ko si Superman. Si Melchor na naka-costume ng Superman, naglulunoy sa hangin ang kapa, nakapamewang, nakangiting parang sinasabing ililigtas kita, huwag kang mag-alala, ako ang bahala sa iyo. Mamatay ka sa inggit.

Dali-dali ko siyang hinatak tungo sa kuwarto nina Erpats para ipakita ang sarili kong Superman costume. Sa tayantang at alinsangan ng tag-araw na iyon, habol-hininga kong isinuot ang isang kupas na pajama, at pinatungan ng lumang brip ni Kuya. Hinanap ko sa labada ang pawisang T-shirt na binurdahan ng "S" ni Ermats, pagkatapos kinuha ang naghihimulmol kong tuwalyang pampaligo, at ibinalabal ito sa likod ko.

Isa akong payatot at kayumangging Superman. Mukha siguro akong tanga sa paningin ni Melchor noon.

Siyempre, sidekick lang ako ng tunay na Superman. Kung minsan, ako pa ang kalaban. Wala akong x-ray o infrared vision, hindi ko puwedeng pagniyebehin ang paligid ng mundong hinaharaya namin. Ako ang may kasalanan kapag may nababasag na poon, o kapag napupundi ang ilaw dahil sa kakakalampag namin sa kuwarto. Hindi ako umiiyak kapag pumuputok ang labi ko sakaling napalakas ang mga suntok ni Melchor, ang tunay na Superman. Wala akong karapatan; kayumangging Superman lang ako.

Dumating ang panahong nanawa na ako sa paglalaro sa loob ng bahay. Habang famicom at GI Joe pa rin ang nilalaro ni Melchor, dinadayo ko na ang Ipil at Anacleto para makipaglaro ng teks at dampa at trumpo. Hindi pa niya nakakalakhan ang Superman costume niya e nakikipagsuntukan na ako sa magkabilang Makata, at alam ko nang iwasan ang riles, ang Bugallon at Almeda dahil mahilig mangursonada ang mga istambay doon.

Pagkagradwyet ko ng hayskul, ibinili ako ni Ermats ng gitara. Simple lang, Lumanog lang, pero may-pick-up 'yung gitara at pinong-pino ang tunog. Isang araw, dumaan si Melchor sa bahay dahil nautusan siyang mag-abot ng kung-ano kina Erpats. Inabot niya akong naggigitara. Makalipas ang ilang araw, kumatok siya ulit para hiramin ang gitara ko, ang una kong gitara. Pinahiram ko naman.

Nang umabot ng tatlong buwan at hindi ko pa rin nakikita ang gitara ko, ako naman ang kumatok sa bahay nila, dito lang sa kanto ng Severino Reyes at Laguna. Kuku'nin ko 'yung gitara, 'ka ko. Kung hindi mo na ginagamit, 'ka ko. Namimiss ko na, e, 'ka ko.

Ang sabi niya, may tinatapos lang siya sandali, siya na ang magdadala sa amin, maya-maya. Nang pagkalipas ng ilang araw e hindi pa rin siya kumakatok, binalikan ko ang gitara. Naiwan daw niya sa bahay ng kabarkada. O sige, next time. Ilang ulit pa akong bumalik sa loob ng isang buwan, pero palaging wala, palaging wala pa siya, palaging isasauli niya, pangako. Hindi ko na siya kinulit. Gitara lang ba ang ipagpapalit ko sa dugo?

Pero isang araw, kumatok sa amin ang Uncle ko, kasama si Melchor. Kesyo pasensiya na raw, pero naipanghataw ng isang kabarkada sa kaaway ang gitara ko. Ipapagawa na lang daw nila sa Quiapo.

Ang sabi ko, aysus, kayo naman, para 'yun lang. Okey lang. Gitara lang ba ang ipagpapalit ko sa dugo? Hindi ko na sinubukang kuhanin ang gitara ko mula noon. Hindi naman ako tanga para umasang pupunta pa siya sa Quiapo para ipagawa iyon; 'yun ngang isang iskinitang layo para sabihing "sorry" e inabot siya ng kalahating taon para gawin, 'yun pa kayang Quiapo, mapuntahan niya. At saka sino bang seryosong naggigitara ang aasang pino pa rin ang tunog ng gitarang pinanghampas na sa kaaway? Putangina.

Hindi ko na siya nakita mula noon. Sa huling tsismis ng angkan, nasa China raw si Melchor ngayon, doon ipinatapon. Nakabuntis, at ipinalaglag ang bata. Nahulihan ng marijuana sa ilalim ng kama. Nakick-out ng UST.

Doon, doon siya lumilipad ngayon, doon ginagamit ang X-ray vision niya para makita kung ano ang hitsura ng puke ng singkit, doon ginagamit ang infrared vision para sunugin ang panahon. At ako, ang kayumangging Superman, narito. Narito pa rin sa lupain kung saan ang ulan ay kakulay ng kupas kong kapa, narito’t nagsusulat, nagtuturo, umaasang Panginoon, huwag, huwag naman sana akong magka-estudyanteng katulad ng pinsan kong si Melchor.


posted by mdlc @ 3:58 PM   0 comments
Friday, April 16, 2004
Isang nakaw na silip mula sa kalipunang Tektonik: Marahan, Di Maramdamang Pagkilos:

Despedida

Nagliliyab sa alinsangan
itong gabing bisperas ng iyong paglisan.
Gumuguhit ang alak sa lalamunan
ng mga nagsasalu-salo, dumidiretso sa sikmurang
umaasang tuloy-tuloy na ang pagdiriwang.

Sa wakas, matatapos na ang kanilang kalbaryo.
Makaalis ka lamang. Makaalis ka lamang.

Matapos mamaalam ang huling bisita,
mag-isa mong liligpitin ang pagkaing natira.
Huhugasan mo ang mga plato at baso,
wawalisin ang mga upos ng sigarilyong
nagkalat sa malagkit sa semento.
Tatagaktak ang pawis mula sa iyong noo.

Isang patak ang gagapang tungo sa iyong bibig.
Iyan ang lasa ng kanilang pag-asa.


Usapang Long Distance

May mga pananahang
hindi kayang lunasan
ng pag-uwi.

Sa bawat pagtawag mo sa telepono,
iyon ang nababanaag ko sa tinig mo.
Walang piyok, walang biyak sa pagitan
ng mga katagang nais ko sanang
singitan ng, Sandali lang,
nag-aalburuto na naman ang inaanak mo,

o kaya'y, Kumusta na?

Ngunit hindi na kita kailangang
kumustahin para malaman kung anong oras na
sa dakong iyan ng mundo,
kung gaano kasarap ang lutong Amerikano,
kung paano hindi nabibili ang boto,

kung ilang suson ng damit
ang kailangan mong isuot
dahil sa sobrang lamig.

Dito, kaibigan, papalit-palit
ang isip ng panahon. Tila di niya makilala
ang kanyang sarili-- kanina lamang
ay para akong gusgusing baryang
tinutubog ng alinsangan,
ngunit ngayon, ayan na nga't

pumapatak ang ulan.
Sumisingaw ang init
mula sa aspalto.
Tinatalukbungan ng aso
itong makipot na piraso ng lungsod
na kinalalagyan ko.

At nahaharaya ko--
ang bawat patak ng ulan,
bawat bubog ng nababasag na alangaang,
kumikintab, lumalaki. Namumuo--
kristal sa papawirin,
tanangbuhay na ikinuyom sa palad
ng isang iglap. Dumadapo, kumakagat
sa bawat kuwadrado-pulgada ng balat.

Nangungutya.
Halos parang niyebe.
posted by mdlc @ 2:02 PM   0 comments
Wednesday, April 14, 2004
Matanong akong bata.

Hindi ako ganitong kaingay o kadaldal dati; ngayon na lang 'to; tinubuan na ako ng buhok sa kilikili nang magsimula akong maging masalita. Dati, noong maliit at supot at bansot pa ako, tahimik lang ako. Pero mahigit kalahati siguro ng bawat bukambibig ko, tanong. Bakit sinasabitan ng madre ng rosaryo 'yung dulo ng baril ng soldier? Bakit si Kuya at si Ate, nagpupunta sa iskul? Ba't ako, hindi? Bakit sa bird ko lumalabas 'yung weewee, bakit nasa loob ng wooden box si Lola, bakit umiiyak si Ninong, bakit ganito, bakit ganyan? Madalas naman, dito sa bahay, e sinusubok sagutin ng mga tao ang mga tanong ko. Kung minsan, hindi.

Noong hayskul, noong mga panahong nagrerebelde ako, nakuha ko pang isumbat kay Ermats ang epekto ng di nila pangingiling sa kakulitan ko. 'Ka ko, kaya ako lumaki nang ganito e dahil madalas n'yo akong pagsinungalingan noong bata ako, basta't mapatahimik lang. Bakit green ang tree? Kasi sinabuyan ng green na pintura ni God. Bakit kailangan ko nang matulog? Kasi, pag hindi, magagalit si Santa Claus at hindi ka bibigyan ng gift sa Chrsitmas. Saan kayo pupunta? Diyan lang sa kusina, magtitimpla ng gatas. At buong araw kong panonooring magplantsa si Ate Dayday habang hinihintay na makauwi ang mga magulang ko galing sa kusina, galing sa pagtitimpla ng dededehin ko.

Habang lumalaki't nagkakaisip ako, unti-unting bumibihira ang pagtatanong ko. Nakakatakot nang magtanong. O siguro, nakakatakot makaharap, makatitigan nang mata sa mata, masinsin, ang mga sagot sa tanong ko.

Nito ngang mga nakaraang araw e nauubos sa pagtunganga at panonood ng TV ang buong maghapon ko. Nalilito ako kapag tinatanong ko ang sarili ko: Saan ka kukuha ng pangmatrikula sa M.A. mo? Ano na'ng nangyayari sa mga isinusulat mo? Seryoso ko ba talaga diyan sa napili mong trabaho? Kuntento ka bang ganyang hindi nakapag-aabot sa magulang mo, kahit man lang pambili ng sabon at toothpaste na ginagamit mo?

Nasaan ka na ngayon? Saan na ang pinatutunguhan ng buhay mo?

Subukin ko mang sagutin, ito at ito lang din ang nasasabi ko: diyan lang, sa tabi-tabi, gagawa ng paraan, didiskarte, magtitimpla ng milagro.

Pero buong maghapon akong nakatunganga, nanonood ng TV, nangangarap. Oo, oo na, sige na nga-- bahagyang nagsisisi. Nalulungkot habang maluha-luhang nag-aabang ng mga sagot ang isang limot na bahagi ng sarili kong ang pinakamalaking kasalanan ay ang maging matanong, masyadong, masyadong matanong.

posted by mdlc @ 2:44 AM   0 comments
Monday, April 12, 2004
Freshman year nang magsulat ako tungkol sa Semana Santa - tatlong maiikling kabanata ng kung anong kagaguhan. Tatlong madaling-araw kung kailan tulog pa ang Diyos e gising na ako, nakatitig sa papel, pinipiga ang ulilang lapis, sinusubok gampanan itong pinaniniwalaang tungkulin sa mundo, itong saysay, kung bakit ako napiling ilagay ng Kung Sino ngayon, dito.

Noon, nagsulat ako tungkol sa munti naming piraso ng mundo, sa isang lupalop na bininyagang Tondo. Sa bangkay ng pusang nasagasaan ng tren, sa mga taong grasang naglipana mula Solis hanggang Dinalupihan, mula Abad Santos hanggang Avenida. Sa gulong nangingiling lang tuwing Semana Santa. Ang sabi ko pa, sa tatlongdaan, animnapu't limang araw sa isang taon, pipitong araw lang ang pahinga ng mga sanggano dito sa amin. Iyong natitiring tatlongdaan, limampu't walo, iyon, iyon ang penitensiya, para sa kanila.

Isa't kalahating taon na rin ang nakararaan, nakasama ko sa isang workshop ang dalawang kaibigang ilantad natin sa pangalang Glen at Ken. Napagkasunduan naming gumawa ng tula tungkol sa isang misteryosong pamahiin. Si Glen, nakasulat na, ilang ulit nang nakapagpa-publish ng tulang iyon. Si Ken, ewan ko kung naisulat na niya. Masyado nang maraming nangyari sa kani-kaniya naming mga buhay, at sa paminsan-minsang tagayan na lang kami nakapaghuhuntahan. Ako, heto. Hindi pa tumutupad sa usapan.

Ngayon, hindi ako nakapagsulat noong mga araw na tinaguriang lumalabas ang mga engkanto't masasamang ispirito, iyong tatlong araw mula nang nalagutan ng hininga sa krus sa Hesukristo hanggang sa pagbangon niya noong matadhanang umagang iyon ng linggo. Apat na taon na akong hindi nakapagsusulat sa mga araw na iyon.

Okey lang. Tumunganga lang talaga ako. Pero ito ang natutunan ko sa dalawampu't isang taon ko nang inilalagi sa mundo: hindi kinakailangang patay si Kristo para lumitaw ang mga diyablo. Nariyan lang sila, narito, nagtatago, umiidlip sa mga kanto ng kani-kaniya nating mga sentido, ng kani-kaniya nating Tondo.

----------------------------------------

Pasa-pasang mga Kuwento

Alam n'yo ba kung paano pinapatay ang kakataying kambing?

Ang aso, isinisilid sa sako, pagkatapos hinahampas ng tubo. Kakapain lang ng matador kung nasaan ang leeg ng aso, tapos hahawakan niya iyon nang mahigpit, para masakal na rin ang aso. Tapos hahampasin niya nang hahampasin nang hahampasin ang ulo. Hanggang sa tumigil sa kakapiglas ang aso. Nanlalaban nga kasi.

Hindi nanlalaban ang kambing. Kaya nga hindi na kinakailangang isilid sa sako.

Pero wala ring matador ang kayang humampas nang humampas nang humampas sa ulo ng kambing. Kasi, kapag hinampas mo siya, titiklop lang ang kambing. Pipikit nang maamong maamo, parang nagpapakyut, parang mangongomunyon, parang tatanggap ng katawan ni Kristo at magsasabing, "Ame-e-e-e-en." Naaawa ang mga matador. Miski ikaw, maaawa ka rin.

Ang ginagawa ng matador, kukuha ng lumang bote ng 1.5 na Coke, o kahit ano, basta plastik. Tapos gugupitin ang puwitan noon para makagawa ng embudo. Isusuksok niya ang embudo sa bibig ng kambing. Tapos bubuhusan niya ng dalawang bote ng Datu Puti. Para timplado na pati 'yung bituka ng kambing, na masarap ipang-papaitan, 'yung lutong Ilokano na may sabaw, na madalas hinihigop ng mga nakikipiyesta kapag lasing na. Iyon na rin ang ikamamatay ng kambing. Oo, nakakalason ang suka. Subukan mong uminom ng isang boteng Datu Puti, malalasing ka rin.

Habang sapilitang ibinubuhos sa lalamunan ng kambing ang suka, parang nai-imagine kong, anytime, mag-aantanda ang matador at sasabihing, "Dugo ni Kristo?"

At hindi makakasagot ang kambing, dahil nga may nakasumpak na ginaralgal na bote ng Coke 1.5 sa bibig niya.

Pareho lang ang epekto. Patay ang kambing, may pulutan ang nakikipiyesta, ebribadi hapi. Wala namang nagawa para sa kambing 'yung trobol sa paggagayak nu'ng embudo at pagbili ng Datu Puti.

Para sa matador 'yun, at para sa lahat ng mga taong nanonood sa tabi niya, na baka maiyak kapag hinampas niya nang hinampas nang hinampas sa ulo 'yung kambing, at para sa mga batang nagpaligo, nagpakain, humimas nang napakarahan sa balahibo ng kambing habang pinapataba pa ito. Kung ako nga 'yung kambing at papipiliin akong gilitan sa leeg o painumin ng maasim na toma, magpapagilit na lang ako.

Para sa atin iyon. Ang galing talaga ng tao, 'no? Ang dami niyang naiisip na paraan para mapadali ang buhay niya. Hindi niya kayang panindigan ang pagpapahirap na ginagawa niya sa kapwa niya.

Isipin mo; guilt na lang nga ang bayad sa pagpatay niya sa kambing - hindi na nga siya ili-lethal injection, hindi na nga ikukulong, e. Haay, ang tao nga naman. Hindi niya kayang titigan, mata sa mata, ang mga sinasaktan niya. Kasi, baka makita niya ang sarili niya doon.

Oo, tama. Tangina, nakakatakot nga iyon.

***

Isang araw, nakasakay si Leo sa dyip sa Guiguinto, sa Bulacan. Sa bandang likod siya nakaupo, kaharap ang isang magandang dalaga, 'yung tipo ng gandang masarap ibili ng bulaklak, i-holding-hands sa sine, ipakilala sa magulang.

Nang bumaba sa may palengke ang babae, siyempre, sinundan ng tingin ni Leo. Hindi na niya napansin ang dalawa pang taong sumabay ng pagbaba sa palengke. Pero dahil hindi naman presko sa tsiks, hindi na nagpakilala si Leo. Tinapakan na ng tsuper ang silinyador, at bumitaw na ng tingin sa babae si Leo.

Biglang humiyaw ang babae. Oo, narinig rin ni Leo ang nakangingilong kaskas ng gulong sa kalsada, pero mas mahalaga sa pandinig ng isang beinte-dos anyos na lalaki ang tili ng isang dalaga.

Titingnan sana ni Leo ang magandang babae, pero mas mahalaga sa paningin ng sinuman ang imaheng tumambad sa kanya:

Isang trak, 'yung trak na sinlaki ng bilding sa Makati, 'yung trak na dalawang milyon ang gulong na mas malaki pa sa iyo at sa akin na pinagpatong. Basta, malaking trak. At ang drayber ng trak na tumatakbo para tingnan kung anong gulo ang nangyayari sa tapat ng palengke.

Isang matandang lalaki, mga seisenta anyos siguro, may hawak na bayong na walang laman, dahil papunta pa lang siya sa palengke. Umiiyak. Hindi, humahagulgol. Hawak ang manipis na buhok, na halos mapilas na. Paikut-ikot na lumalakad, parang naghahanap ng kausap, pero walang makakausap, dahil sa lakas ng hagulgol niya. Dahil ang lahat ng tao, nakatitig lang, walang magawa kundi tumitig lang.

Isang tumpok ng putik, dugo, balat at laman sa likod ng trak. Kalahating katawan sa ilalim ng isang dambuhalang gulong.

Noon lang nabanaag ni Leo ang inihihiyaw ng matandang lalaki: "Nakupo, Diyos ko po, asawa ko, nakupo, Diyos ko po, ano'ng ginawa mo..." paulit-ulit, hanggang sa wala na muling mabanaag si Leo sa gitna ng paghagulgol.

At nang makita ng drayber ng trak ang nagawa niya, inangat niya ang dalawang kamay, hinawakan ang magkabilang pisngi, at dahan-dahang napasalampak sa bangketa nang parang hindi makapaniwala sa nangyari, nang parang walang nangyari, walang nangyayari, wala nang mangyayari pa, sa kanya, sa kahit kanino, magpakailanman.

Hindi na maalala ni Leo kung ano ang tumakbo sa isipan niya habang papalayo ang dyip at unti-unting naging tuldok sa alikabok at abot-tanaw ang litratong iyon. Pero ang sabi niya, matapos niyang ikuwento sa akin iyon, "Pare, malamang, tumakbo sa isipan ko ang tatakbo sa isipan mo, sa isipan ng kahit kanino, kapag nakita nila iyon."

Hindi ko alam kung ano iyon, dahil hindi ko nakita ang insidente sa harap ng Pamilihang Bayan ng Guiguinto. Ayaw kong malaman. At sigurado ako, ayaw rin ninyo. Takot, takot na takot tayong lahat.



posted by mdlc @ 3:40 AM   0 comments
Nito-nito lang
Minsan
Da Bayaw Kolektib
Template by

Free Blogger Templates

BLOGGER

Salamat sa pagrereto