May iniisip ka?
Oo.
Ano?
Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito
Tuesday, June 15, 2004
5, 4, 3, 2, 1, game.
***
Madaling-araw na naman. Hindi ko alam kung mayroong diyos ng madaling-araw na nagbiyaya sa akin nito, pero mayroon man o wala, nagpapasalamat ako. Papaano ba naman, maayos na ang body clock ko.
Grade five yata ako mula nang huling maging ganito ang schedule ng katawan ko. O baka mas maaga pa. O baka dehins pa nagiging ganito kaayos ng body clock ko, habambuhay. Kaya ko nang sundan ang schedule ng isang magsasaka. Isipin ninyo: aantukin ako nang bandang alas-diyes y medya, alas-onse, magigising nang alas-kuwatro y medya, 'yung gising na nakakagago, 'yung pagkadilat e dilat na dilat na talaga, mulat na mulat, na para bang may milyong karayom na nakatingkayad sa kama, itinutulak ako papalayo, papabangon.
Ang problema nga lang, pagdating ng mga alas-dos, naghahanap ng siyesta ang katawan ko. Yehey.
Wala na akong masabi tungkol dito.
***
Nabasa ko sa diyaryo kahapon, ang sabi raw ni Ruffa Mae e ginawa talaga ang Marinara para sa kanya. (Kuwelanovela ang putangina. Kuwela-novela. Basta't natutugma yata puwedeng ikabit sa "novela," e. Tela-novela. Panaderya-novela. Arinola-novela.)
Ang sabi ni Lolit Solis, dapat daw talaga kay Osang 'yun, dapat si Osang 'yung gaganap du'n sa triplet na sirena, sosyalayt, at taeng-nagkatawang-tao. Kaya lang tinanggal sa kanya, dahil nga tumaba siya. Siguro dahil nag-away sila ni Vicki Belo, na tropa yata ni Manay Lolit. Siguro mangkukulam si Vicki Belo, na kayang magpataba o magpapayat ng tao, gamit ang dasal lang. O ang orasyon, tawas, ang kulam nga. Ewan.
Basta't di ayun nga, ayon kay Lolit, di nakuha ni Osang ang parte. Ang sabi pa ni Lolit:
"Sirena si Marinara, hindi balyena." Pootangina. 'Eto habang nag-aabang ng Game 4 ng Finals, kaharap ang pandesal at hotdog at itlog at maligamgam na Milo. 'Eto 'yung hirit na tatatak sa iyo buong araw, parang LSS kung baga sa kanta. Sirena raw si Marinara, hindi balyena. Hwekhwekhwek. Dapat gumawa sila ng bagong telenovela, bida si Delia Atay-atayan. Buhay pa ba 'yun? Hudas, Barabas, Hestas! 'Yung biyenan ni Dolphy sa John en Marsha?
Teka, bago 'yun, a. Sirena-novela, katulad nang kay Claudine. Balyena-novela. Free Willy, mehn, weeeee. Delia Atay-atayan.
Haaargh. Putang-ina. Tinatarantado lang tayong lahat. Puta-novela.
***
Nami-miss. 'Yan: nami-miss. May kaibigang nag-teks sa akin dati (puwede ring may dating nag-teks na kaibigan, puwede ring may dating kaibigan na nag-teks,) itinatanong kung ano ba ng Filipino ng nami-miss.
Ang sagot ko, siyempre, nananarantado: puwede 'ka kong "nabibinibini." Puwede ring "naisasablay."
Sa totoo lang, wala akong naisip-- at wala pa ring naiisip na direct Filipino translation ng "nami-miss." Ang sabi nga ng mga linguist, buhay ang wika, talagang may mga salita na naa-assimilate na sa Filipino (ayan nga, halimbawa, assimilate, direct, translation) dahil sa sobrang dalas gamitin. O kaya 'yung direct translation ay unti-unti nang nagkakalumot dahil sa panahon. Di ba ang weirdo kung sasabihin kong "tuwirang salin" kaysa "direct translation?"
Ang sabi naman ni Sir Mike, talagang walang direct translation ng kahit ano; hindi naman porke't roof ay bubong na, hindi porke't pagkain ay food na, hindi porke't puso ay heart na. Ang misericordia ba ay awa o malasakit? Ang reverie ba ay panagimpan o salamisim? Ang farewell ba ay paalam, o ingat ka, o putangina mo, maholdap at mapatay ka sana sa biyahe? Ang sabi pa ni Sir Mike: "Ang translation, parang heart transplant. Kailangang mabuhay."
Para ngang, "nasaan ka na kaya," o, "paumanhin kung nasaktan kita, pero nasaktan mo rin ako," parang, "nababasa mo kaya ito," na pare-pareho namang ang ibig lang sabihin ay, nami-miss kita.
***
Wala naman akong nami-miss, naalala ko lang ang lumang teks na 'yun, kaya't naisipan kong isulat.
Hindi, mali, mali.
Lahat naman tayo, palagi, may nami-miss na kung-sino, kahit papaano.
Kung aking sasabihing
limutin mo ako, ang ibig kong sabihin,
huwag. Ang ibig kong sabihin,
masdan mo ang mga ibong nakadapo
sa kawad ng kuryente kung kumikirot ang umaga
sa ulan ng nakaraang gabi, masdan mo
ang mga mumunting sapa ng putik
at tubig-ulang naiwan sa sugatang lansangan.
Dinggin: maingay ang mga ibon,
kinukurot ng matatalas nilang huni
ang iyong pandinig, may hagupit
na umaalingawngaw sa bawat ugong
ng dumaraang sasakyan. Dinggin at isipin
kung nalulusak ba sa piling ng gunita
ang mga gabing hinaplos ng ulan ang mga palad nating
hinanap ang isa't isa, isipin
kung paano umaapaw sa panghihinayang
ang bawat buntong-hininga,
kung ang alaala ba ay parang ibong
kayang bugawin, parang tubig-ulang
kayang tangayin ng hangin. Kung aking sasabihing
limutin mo ako, hinihiling kong
tanggapin mong lilimutin din kita,
hinihiling kong maniwala kang
hindi kita maaalala
sa pagkirot ng mga umagang
pinagdurusahan ko rin.
Sa tatlong anak ng Lolo Laya at Lola Siyanang, dalawa ang babae. Iisa lang lalaki: ang bunso, si Severino, na Lolo Noni kung tawagin namin.
Ang sabi ng mga nakakaalala, si Lolo Noni daw ang ang isa sa mga pinakamatalino sa angkan namin. Honor student sa elementary at sa hayskul, at nakapasok ng UP. Nasa ikalawang taon siya ng pag-aaral ng medisina nang bombahin ng mga Hapon ang Pearl Harbor at pumutok ang digmaan.
Gustong sumali ng Lolo Noni sa USAFFE noon. Nabaon na sa limot kung bakit niya gustong maggerilya; kung sinampal ba siya ng isang sundalong Hapon o inapi ba ng Kempeitai minsang pauwi galing sa eskuwela, hindi na natin malalaman, wala nang buhay para umalala. Madaling limutin ang mga bagay na hindi naman nagbunga; papaano kasi, ano mang pagpupumilit niya kay Lolo Laya, hindi siya pinayagang makisali sa gulong nangyayari sa paligid nila noon, nangyayari sa buong mundo.
Sa ilang taon ng giyerang iyon ay naging masunuring mamamayan ang pamilyang Co. Umaakyat pa sa lumang bahay ang mga sundalong Hapon para makipagkuwentuhan sa Lolo Laya, na noong mga panahong ito ay ginagalang na ng buong baranggay.
Bihirang magwala ang Lolo Laya, at nangyari ito nang minsang nalaman niya na kasama ang Lolo Noni sa mga asset na esudyante ng kilusang gerilya. Nagtatago sila ng baril para sa mga rebolusyonaryo, iniimpok sa isang safe house malapit sa Malacañang. Dahil nga sikat na ang Lolo Laya, di nagtagal ay umabot sa kanya ang balita. Ayun, sermon at bugbog ang inabot ng binatang Noni.
Sa sobrang panggagalaiti, nagmaktol siya at tumigil sa pag-aaral, na ikinatuwa naman ng Lolo Laya. Mas mainam, dahil nga mapapalayo na sa peligro ang nag-iisa niyang lalaki. Dahil siguro sa pagkabagot sa bahay ay naisipan nang mag-asawa ng Lolo Noni. Natipuhan niya ang isang balingkinitang dalagang tubong Imus, Cavite. Remedios ang pangalan niya, si Lola Meding kung tawagin.
Pero di rin nagtagal ay iniwan ng Lolo Noni ang asawa at tatlo nang anak sa Maynila. Para magkaroon ng sariling kabuhayan, at bilang pampalubag-loob na rin siguro dahil hindi siya pinayagang sumali sa Huk, ay ipinagpatayo siya ng beerhouse ng pamilya, sa Olongapo, malapit sa Subic, sa base ng mga 'Kano.
Dahil nga likas na matalino ang Lolo, at dahil na rin dolar ang kinikita mula sa mga G.I., mabilis na tumubo ang negosyo niya. Ang sabi ng mga nakaabot, kasing dami daw ng puno ng Akasya sa Pampanga ang mga beerhouse na naging pagmamay-ari ng Lolo Noni. Ako rin, hindi naniniwala; sobrang dami naman yata noon. Pero kung ganito ang naaalala ng mga tao, ang ibig sabihin, siguro nga, marami.
Umabot sa puntong hinihingan na siya ng tong ng mga Huk. Para daw sa proteksiyon niya; proteksiyon mula saan, ang Huk lang ang nakakaalam. Pero kahit siguro itanong ko sa kung sinong nabubuhay pang Huk, wala siyang maisasagot. Ang Huk kasi noong panahong iyon ay hindi yung Huk na gerilya, hindi yung Huk na nakikipagpatayan sa mga Hapon na ang gamit lang ay itak at baril na kakamutin mo lang ang sugat sakaling tamaan ka. Ito yung Huk na bandido, yung Huk na bersyon natin ng Mafioso.
Siyempre, hindi pumayag ang Lolo ko. Iyon ngang Hapon na may tangke at tora-tora, na inaapi ang bayan niyang sinilangan, balak na niyang palagan, ito pang Huk na huk-hukan lang naman talaga? Ang sabi pa niya, na tumatak sa isipan ng lahat ng nakaaalala, kahit daw singkong singkit ay hindi makakakuha ang mga bandido sa kanya.
Kaya nga't sa tuwing may Huk na dadalaw sa mga beerhouse niya para manghingi ng tong ay pumapalag, at minsan nakikipagbarilan pa ang Lolo Noni. Minsan, tinatambangan pa siya ng mga ito sa isang madilim na iskinita. Malas lang nila dahil mabilis pa sa kunehong nakikipagtalik kung bumunot ng baril ang Lolo. Hindi na raw mabilang ang mga bandidong napatay o nagulpi ng lolo ko.
Pero sa Maynila, alam ng Lolo Laya ang nangyayari. Dinagdag pa rito ang nerbiyos ng Lola Siyanang at ng dalawa niyang anak na babae, ang kaba na baka iwan niyang ulila ang bagong panganak kong tatay at ang mga tiyuhin ko, kaya't napilitan na ngang kumilos ang Lolo Laya.
Isang araw, may dumating sa Subic na tauhan ng Lolo Laya. Pinapauwi kaagad sa Maynila ang Lolo Noni; nag-aagaw-buhay na raw ang tatay niya, at gusto siyang makita bago tuluyan nang maputulan ng hininga. Dali-daling sumabay pauwi ang Lolo Noni, baril lang ang isinukbit sa baywang, hindi man lang nagdala ng pambihis na salawal.
Pagdating sa bahay, inabot niya ang Lolo Layang nakaupo sa tumba-tumba, umiinom ng kape sa balkonahe. Sermon na naman ang sumalubong sa kanya.
Nanggagalaiti ang Lolo Noni, gustong bumalik kaagad sa Subic para ipagpatuloy ang negosyo, gusto nang dalhin doon ang pamilya niya, malayo sa Maynila, malayo sa Lolo Laya. Pero napakiusapan siya ng mga kapatid na pag-isipan muna, doon na matulog, magpalipas muna ng gabi; tutal, bihira naman siyang mauwi. Bakit nga naman hindi? Ano ba naman ang isang gabi, sa isip niya. Pero sa unang silip ng araw sa bintana, ang sabi niya sa sarili, aalis na sila ng mag-anak niya.
Kinabukasan, tulog pa ang Diyos nang magising ang Lolo Noni para maggayak ng gamit para sa biyahe. Hindi na siya nakabangon. Ikinadena siya ng Lolo Laya sa kama, habang natutulog.
Ano mang pagkawag at pagkislot ang gawin niya, hindi siya pinawalan. Wala namang magawa ang mga kapatid at nanay niya, at mas lalo na ang asawa't mga anak na hindi pa man lang tinutuli. Sige na raw, pakiusap at ibebenta lang niya ang ari-arian sa Subic - hindi puwede. Ipagbibilin lang niya sa tauhang pinagkakatiwalaan - hindi puwede. Kukuhanin lang niya ang masuwerte niyang salawal - hindi puwede.
Nang mahimasmasan ay pinawalan din siya ng Lolo Laya. Pero sinabihan siya ng ama na kung aalis ay huwag na huwag na siyang magpapakitang muli. Walang problema para kay Lolo Noni. Sinabihan din siyang kung aalis ay huwag na huwag niyang dadalhin ang mga apo, kundi ang Lolo Laya mismo ang tutugis sa kanya. Hindi na nakapalag ang lolo ko, si Lolo Noning nakikipagbarilan sa mga sanggano, si Lolo Noning walang kinatatakutan.
Magmula noon, naging aburidong istambay ang Lolo Noni; nagwawala kung maubusan ng Ginebra sa tindahan, nanunutok ng baril kung may makasagutang kapwa istambay. Takot ang lahat ng taga-Blumentritt sa Lolo Laya kong maton, pero di naglaon ay gumawa na rin ng sariling pangalan si Noning lasenggo, si Noning war freak.
Dose anyos ang tatay ko nang mamatay si Lolo Noni. Ang sabi ng mga nakaabot, sakit daw sa atay. Kung araw-araw ka ba namang lumaklak ng Ginebra sa loob ng halos labindalawang taon, malamang nga ay sakit sa atay ang ikamatay mo.
Pero para sa akin, lason ang ikinamatay ng lolo ko. Oo, lason ng alak, pero lason rin ng saradong isipan, lason ng tradisyong hindi makaintindi sa ideyalismo niya, ng mga paniniwalang nagkadena sa kanya sa kama, nagtulak sa kanyang uminom nang uminom nang uminom, umaasang matatabunan ng alak ang dugong nanalaytay sa bawat pulgada ng ugat niya.
Ang sabi sa mga alamat ng Intsik, nagmula raw ang daigdig sa isang itim na itlog. Pagkatapos ng labingwalong libong taon, nagising sa Pan Gu, ang Diyos na natutulog sa loob ng itlog. Nang mabiyak, doon nagmula ang buong mundo. Si Pan Gu ang naging ninuno ng lahat ng tao.
Ang sabi naman sa alamat ng mga Pinoy, sa kawayan nagmula ang daigdig. Nang mabiyak, lumitaw sina Malakas at Maganda, na malakas at maganda. Kaya nga dapat, lahat ng Pilipino, malakas at maganda. Paminsan-minsan, naiisip kong ituring ang sarili kong Pilipino lang, buong-buong Pilipino, para malakas na rin ako, at maganda.
Pero matapos ng dalawampu't isang taong inilagi ko sa mundo, hindi ko pa rin masigurado kung saan ako nanggaling. Basta't ang alam ko, may sangkap sa kalamnan ko, isang piraso ng mga binaong gunita ng mga ninuno, isang tabong dugo, na humihiyaw, humihikbi. Makilala lamang.
***
Yung lolo ko sa tuhod, si Co Lai Ah, napadpad dito sa Pilipinas galing Amoy, sa Tsina. Hindi ko na siguro tatangkaing tuklasin kung may mga kamag-anak pa ako roon. Gaya ng Lolo Laya, iniisip ko na lang na pagdating niya rito sa Pilipinas, babay na sa Tsina. Pati pangalan nga, pinalitan niya. Sa papeles, nakalista siya bilang si Carlos Co. Pero miski marunong na siyang mag-Tagalog, "Laya" pa rin ang itinatawag niya sa sarili niya, at natural, iyon din ang itinatawag ng ibang tao sa kanya. Laya ang pangalan ng taong bida sa isang kuwentong naging alamat na para sa buong angkan namin.
Hindi pa sumisikat si Bruce Lee ay naturingan na ang Lolo Laya bilang "Kung Fu Boy from China." Noong araw, bago mapuno ng mga talyer at auto supply ang lugar namin, madalas siyang makita ng mga istambay kung madaling-araw, kumikilos nang mabagal na mabagal, para bang nagsasayaw. Hindi pa uso ang TV noon, kaya't di nila alam na Tai Chi ang tawag doon. Mukha sigurong tanga ang Lolo Laya noon, kaya't di napigilang bumungisngis ng mga istambay sa tuwing makikita siya.
Minsan, may binili sa Binondo ang Lolo at sumakay ng kalesa pauwi sa Blumentritt. Nang pababa na, nagkaalitan sila ng kutsero. Masyado kasing mahal ang sinisingil na pasahe. Pagkatapos ng ilang minutong tawaran, sigawan, at murahan, naasar na ang lolo ko at binigyan ng isang matinding right hook sa nguso ang kabayo. E ano pa nga ba ang mangyayari? Ayun, pumalakda sa kalsada ang kawawang kabayo. Kung bakit yung kabayo ang sinuntok niya, at hindi ang kutsero, hindi na natin matutuklas iyon. Pero nakita siya ng lahat ng istambay, at magmula noon ay hindi na sila bumubungisngis sa tuwing nakikitang nagta-Tai Chi si Layang singkit, si Layang beho, si Layang imigrante mula sa Tsina. Magmula noon, nakilalang maton ang lolo ko sa tuhod.
Siyempre, dati, tulad ng lagi, kasama sa imahen ng machong maton ang pagiging babaero. Hindi ito napabulaanan ng kasaysayan ng Lolo Laya. Saan ka nga ba naman makakikita ng lalaking may isang kalaguyong sinusustentuhan sa kapitbahay habang may isa pang itinatago sa loob ng kuwadra, kasama ang mga kabayo, bukod pa sa dalawang asawang kinakasama sa ilalim ng iisang bubong. Oo, dalawa ang asawa ng lolo ko sa tuhod.
Nagpakasal kaagad siya pagkarating dito sa Pilipinas. Hindi naman siya mahirap na pesante sa Tsina, kaya't kahit papaano, nakapagbaon siya ng kaunting kabuhayan nang pumunta siya rito. Hindi naman limpak-limpak na salapi ang dala niya; kaunti lang, eksakto lang para makapagsimula ng pamilya at makapamuhunan ng ipapangkain sa magiging mag-anak niya.
Taga-Maynila rin ang Lola Maria. Naisakay siya ng Lolo noong nagsisimula pa lang ipasada ang bagong kalesa na siya niyang napiling gawing kabuhayan. Nagkaligawan, nagpakasal, sinubok gumawa ng pamilya. Kaya lang, may problema: hindi nakakapagdalantao ang Lola Maria. Sigurado akong nalungkot ang Lolo Laya, pero ano pa nga ba ang magagawa niya? Hindi naman damit ang tao, damit na puwedeng isauli sa pinanggalingan kung huli na nang mapansing may tastas pala sa kilikili, kupas pala ang laylayan, may butas pala sa bahaging malapit sa puso. Kaya't tuloy ang pagsasama ng dalawa.
Pagkatapos ng ilang taon ding pagsusumikap ng Lolo Laya ay nakapag-ipon siya ng pera, sapat para magdagdag ng dalawa pang kabayo sa kuwadra at magtayo ng sariling negosyo.
Maraming naging kustomer ang Lolo Laya. Naghahatid siya ng kung anu-anong gamit sa kung saan-saang lugar: punda't unan sa Bulacan, kubyertos sa Pateros, kalan sa San Juan. Sa Malabon, isang magandang babae ang naging kustomer niya, si Marciana.
Dahil masigasig rin namang kustomer si Marciana ay napadalas ang pagbiyahe ng Lolo Laya patungong Malabon. Nakapag-usap sila nang madalas, at di naglaon, umabot sa puntong nagkakahingahan na ng problema ang dalawa. Naging matalik silang magkaibigan, at dahil guwapings ang lolo ko, madaling tumubo mula sa pagiging magkaibigang iyon ang pagiging magnobyo.
Noong mga panahong ito, parang naging binatang tinutubuan pa lang ng buhok sa kilikili ang lolo ko. Nag-aahit at nagpapabango siya sa tuwing magtatagpo sila ng mestisang taga-Malabon, mamamasyal sa Luneta, magmemerienda sa Escolta. Pero tila di na siya iniwan ng problema pagdating sa mga babaeng napupusuan niya, napupusuan nang tunay. Sa Malabon, kung saan umuuwi si Marciana pagkagaling sa pamamasyal sa Luneta at pagmemerienda sa Escolta, kung saan naghahatid ng naibentang gamit ang lolo ko sa tuhod, doon, may nag-aabang gabi-gabi sa babaeng mestisa. May asawa't dalawang anak na si Marciana, bago pa man niya makilala ang poging Intsik na taga-Blumentritt.
Para sa Lolo Laya, hindi naman ganoong kalaking problema nito. Ilang ulit na rin naman siyang nagsusustento ng ibang babae, at nagsisimula na ring umasenso ang negosyo niya. Pero kung ngayon ngang sinasabing malawak na ang isip ng mga tao ay katakut-takot na tsismis na ang aabutin ng isang babaeng nasa ganoong situwasyon, mas lalo pa noon, noong hindi pa nauuso ang blusang walang manggas, noong ang ideya ng malanding babae ay yung nagsusuot ng paldang nakikitaan ng sakong. Naging malaking dilema ito para kay Marciana.
Pero ano nga ba ang magagawa ng isang tao kung sa tuwing makikita ang napupusuan ay biglang bumabara ang puso sa lalamunan? Dati, tulad nang lagi, tulad nang sa habang panahon, hahamakin ng sinuman ang lahat, lahat sa ngalan ng pag-ibig. Hindi nga lang siya pumayag ituring na tulad ng ibang mga mumurahing babae na naging kabit ng Lolo Laya; ang gusto niya, kung sasama siya, ituturing siyang asawa. Maninirahan siya sa bahay kung saan din nakatira ang lolo ko sa tuhod; ayaw niya ng dinadalaw lang siya kung kailan may panahon.
At ayun na nga; hindi nagpapigil sa mga anak at asawa si Marciana, sumama siya kay Laya, kay Layang intsik na pogi at mahusay mambola, kay Layang may asawa na. Si Marciana, na nanay ng tatay ng tatay ko, siya ang babaeng nakamulatan ko, nakamulatan ng buong angkan namin bilang ang Lola Siyanang.
Pero kahit nga nagkaasawa't anak na ay di pa rin tumigil sa panti-tsiks ang Lolo Laya; sabi ko nga, nagtatago pa ng kalaguyo sa kuwadra ng kabayo ang lolo ko.
Ito ang pinipili kong paniwalaan: siguro hindi naman talaga masamang tao ang Lolo Laya. Hindi lang naging lubos ang ligaya niya kasama ang Lola Maria, dahil nga hindi sila magkaanak. Wala naman siguro sa plano niya ang maging babaero. Nagsimula siguro sa pagpapapogi sa ibang babae, pangit-ngiti, pabigay-bigay ng maliliit na regalo. Dahil nga may hitsura naman, di naiwasang may pumatol na isang dalaga. Pagkatapos, dalawa, tatlo, apat. Kahit na nagkakilala’t nagsama na sila ng Lola Siyanang, tuloy pa rin ang pambabae. Kahit pa ba nagkaroon sila ng tatlong anak, hindi pa rin natigil sa pamamangka sa dalawa, o tatlo, o apat na ilog ang Lolo Laya. Halos hanggang sa araw ng kamatayan niya noong sanggol pa lang ang bunso niyang apo, nakikipagtagpo pa siya sa kung sinong babae man ang flavor of the month niya noon. Tumatak na sa pagkatao niya ang pagiging babaero, tulad ng balat at matang parang pinitpit, parang laging galit, tulad ng dugong binaon pa niya galing sa Tsina.