May iniisip ka?
Oo.
Ano?
Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito
Monday, February 23, 2004
Bihira ang madaling-araw kung kailan hindi ako lumalabas para manigarilyo. Kung minsan, kapag tinatamaan ng gutom at katamarang magluto, kakain ako sa Burger Machine sa kanto ng Laguna at Avenida. Jumbo Burger with coleslaw and cheese - dalawampu't walong piso ng paraiso. Saka ako tatawid ng Laguna para bumili ng sigarilyo at sopdrinks sa open-25-hours na sari-sari store.
Hindi ko kinakalimutang magdala ng bolpen at papel sa halos araw-araw na rituwal na ito. Dahil matapos kumain, uminom at manigarilyo, tatawid naman ako ng Avenida para umistambay sa nag-aabang na liwanag ng Ministop.
Hindi ako bumibili. Nagsusulat lang.
--------------------------
Hindi ko alam kung saan pinaghuhuhugot ng mga tao rito ang mga palayaw na ibinibigay nila sa kung sinu-sino.
Bayag ang pangalan ni Jonjon. Ang hindi ko maintindihan e kung bakit Bayag pa rin ang itinatawag naming lahat sa kanya, gayong alam naman namin na Jonjon ang pangalan niya. Hindi na nga kagandahang pakinggan ang Jonjon, lalo pa naming nilalapastangan. Siguro nga, talagang mukha lang siyang bayag - bilugan (lalo pa't ngayong nagpakalbo si gago,) at mabuhok, balbon.
Kauuwi lang ni Bayag noong bago magpasko; pinilit abutan ang libing ng ermats niyang namatay dahil sa kanser. Dito sa amin, kapag sinabing kanser, ang ibig sabihin e kunsomisyon.
Nag-waiter siya sa Saipan nang limang taon. Bago siya lumipad papunta roon, istambay lang siya, gaya ng maraming tao rito. Si Bayag ang unang nagturo sa aking maggitara. Gabi-gabi rin siyang nagbabasketbol, at nananaya sa karera tuwing may takbo. Kung naging hayskul ang kalye Makata, siya ang siguradong maiboboto na class clown.
Pero mga tatlong linggo pag-uwi niya, itinuring siyang pinakaastig na tao sa magkabilang Makata. Ang dami niyang kuwento, ang daming pera, ang daming pampainom. At gaya ng lahat ng bagay na mahahawakan, nauubos ang pera. Hindi walang-hanggang bukal ang kayamanan ng tao, lalo na rito sa amin.
Matapos ang tatlong linggong iyon, hanggang ngayon, istambay na ulit si Bayag. Class clown na ulit.
Buti na lang, dito sa amin, pinapasuweldo ang istambay. Binibigyan sila ng baston at pinagsusuot ng puting t-shirt. Nakaimprenta sa t-shirt na iyon ang malaking "B" at ang salitang "tanod."
***
Baratong naman ang tawag naming lahat doon sa tumatao sa sari-sari store, dito sa tabi ng bahay namin. Hindi ko alam kung ano ang Baratong, basta, salahulang pakinggan iyong salita; parang "tumbong" o "kandong."
Tatlo silang magkakapatid; hindi ko alam ang pangalan nu'ng dalawang iba. 'Yung isa, parang Hitler na Aprikano - may bigote, maitim at mukhang malnourished.
'Yung isa pa, may hitsu-hitsura. May sarili siyang traysikel na ipinapasada araw-araw. Itago na lang natin siya sa pangalang Pare.
***
Noong una, ang akala ko, Tahol ang tawag kay Tahol dahil mukha siyang aso. Totoo nga naman kasi, e. Mukha siyang Scooby Doo na may salawal.
Isa si Tahol sa mga mayayaman dito. May Starex at marami pang ibang sasakyan, may malaking warehouse na taguan ng mga piyesang ibebenta niya sa auto supply. Nagpondo pa nga siya ng bookies (ilegal na tayaan ng karera,) dati.
Kagabi, nanonood ako ng TV nang may narinig akong sigawan sa labas.
Ayuuuuun. Kaya pala Tahol ang tawag kay Tahol.
Puwede naman kasing sabihin nang maayos e gustong-gusto niyang itinatahol.
***
"Hoy, lumabas ka nga diyan at itabi mo 'tong traysikel mo!"
Labas naman si Pare. "Bakit? Pag 'yang sasakyan mo'ng nakabalandra sa Makata, umiikot ako sa malayo, a!"
"E hindi naman daanan 'yung tapat ng bahay ko, a! Ang kitid-kitid na nga ng makata, sa gitna ka pa paparada! Pag-aari mo ba 'to?"
"Anong hindi daanan? Ano 'yun, dagat? At ba't kung magsalita ka, parang pag-aari mo?"
Dumaan si Bayag. Parang nabasa ko'ng mga mata niya: Teka, mabigat ang kalaban, mahirap umawat. Tatawag ako ng resbak. Nilagpasan lang niya 'yung dalawang nagtatahulan. Naglakad siya - nang mabagal, para di halata - papunta sa Barangay Hall.
"Kung umasta ka parang ang tagal mo na dito, a! Hoy! Dito na ako tinubuan ng balbas sa Makata," tahol ni Tahol.
"Matagal na rin kami rito!"
Sa puntong ito, binuksan ko na ang pintuan at nanigarilyo sa may bukana. Ilang minuto pa, dumating na si Chairman.
Nakakatawa, pero sa loob ng hindi-sandaling pagsasagutan nina Tahol at Pare, wala ni isang mura na lumabas sa bibig nila. Pareho silang nangingilag, parang nagtatantiyahan. Parang nu'ng bata ako, pag may magsusuntukan: "Ano, sapakan tayo," na sasagutin ng "Sige, mauna ka."
Si Chairman ang unang nagmura.
"Anaknamputa, e tayu-tayo na nga lang ang 'andito naggaganyanan pa. Pare, paraanin mo na si Tahol. Ang kitid-kitid ng Makata, e. 'Kaw naman, paiikutin mo pa."
Alam ko 'to, a. Istayl 'to; pag may dalawang nag-aaway, ang hihilingan mong magparaya e 'yung mas risonable. Mangangatuwiran pa sana si Pare nang lumabas ang erpats niya at si Baratong. Akala n'yo rambulan na? Ako rin, e.
Kinutusan ng erpats si Pare, at sinabihan, "Itabi mo na nga raw 'yang traysikel mo, e."
Inaykupo. Napahiya pa si Pare.
Ayun. Tapos ang usapan. Pero si Tahol, natahak na'ng kalahati ng Makata e naririnig mo pa ring tumatahol.
Kaninang umaga, kakuwentuhan ko si Baratong, habang nagmo-morning fix ako ng Marlboro. Ang sabi ko, pagpasensiyahan na nila si Tahol, at talagang ganoong umasta 'yun, porke't mapera.
Ang sabi ni Baratong, "Kapag gumawa ako ng pelikula, gagawin kong kontrabida 'yang punyetang Tahol na 'yan. Alam mo'ng title nu'ng pelikula?"
Ano?
"Masyadong makitid ang Makata para sa ating dalawa."
'Yung lolo ko sa tuhod, si Co Laya, pumunta rito sa 'Pinas galing Amoy, China. Hindi ko na siguro tatangkaing tuklasin kung may mga kamag-anak pa ako roon. Gaya ng Lolo Laya, iniisip ko na lang na pagdating niya rito sa Pilipinas, babay na sa Tsina. Pati pangalan nga, pinalitan niya. Sa papeles, nakalista siya bilang si Carlos Co. Pero miski marunong na siyang mag-Tagalog, "Laya" pa rin ang itinatawag niya sa sarili niya, at natural, iyon din ang itinatawag sa kanya ng ibang tao.
At gaya nga rin ng Lolo Laya, pangalan na lang ang iniwang tatak ng pagka-Intsik ko - pangalang pinapasan kong parang maleta ng imigrante, o siguro ng simpleng taong tumatakas sa lahat, sa lahat ng dapat takasan.
...
Pinipilit ko na lang tanggapin na kahit ano'ng gawin namin, hindi na kami aasenso. Ganito talaga siguro ang buhay kung titser ang nanay mo't istambay naman ang tatay mo. Ako, doon na rin papunta: titser na istambay; nagtse-check ng papel habang tumitingin sa mga dibidendo ng karera sa Santa Ana. Kung sana namana ko ang sipag ni Ermats o ang dashing good looks ni Erpats, ibang landas siguro ang tinatahak ko ngayon, ibang karera ang pinagkakaabalahan.
Pero ito na kami, ito na ako, at unti-unti na akong napag-iiwanan ng lahat. Paalis na para maging masahista (oo, sige, Occupational Therapist) sa ibang bansa si Ate. Si Kuya, pamilyado na rin, at nagsisimula na ring magsarili, kahit nariyan lang sila sa kabilang apartment.
Habambuhay na akong bunso, at sagad na sa kakapalan ng mukha ko kung matutuwa pa akong maging only child. Hindi ko pinangarap ito.
...
Mayroon kaming maliit na puwesto sa loob ng Chinese Cemetery. Parang mausoleong-hindi. May bubong, mababang pader, sala-salansang rehas, sariling pugon na hinahagisan noong pera para sa mga kaluluwang Intsik.
Warat-warat na kisame, nababakbak na pintura, putik na nagsasabato na sa mga sulok.
Doon nakahilera ang mga ninuno ko. Siguro, pati ako, ihahanap na rin ng puwesto doon. Pati siguro mga apo ko, at apo nila. Hangga't karga nila ang apelyidong 'to.
...
Hindi lahat ng Intsik, masipag at mayaman. Hindi lahat ng Intsik, magtitinda ng taho o lugaw alang-alang sa kinabukasan ng magiging anak, apo, apo sa tuhod, sa talampakan. Hindi lahat ng Intsik, nakaka-engganyong kidnapin. May mga Instik na katulad ko lang - mababaw ang pangarap, para madaling abutin. Titser na istambay. Hindi lahat ng Intsik katulad ng mga bida sa Mano Po.
May mga Intsik - maraming mga Intsik - na bahagyang pagkasingkit, apelyido, at isang tabong dugo na lang ang ikina-Intsik. May mga Intsik sa pangalan na lang.
Kayo na ang bahalang mag-isip kung ano ang itatawag sa kanila.
-------------------------
Ilang sipi mula sa Itago Natin Siya sa Pangalang Diwata:
Ang akala ko, sa kuwento lang nangyayari ang mga kasaysayang tulad ng sa iyo. Kung sa bagay, ano pa nga ba itong ginagawa ko kundi nagkukuwento, nagkukuwento tungkol sa buhay mo. Ikaw na rin ang nagsabi - pagbigyan na sana kita, pakiusap, patagong pangarap mo ang gawing kuwento ang buhay mo, ang maraming makabasa ng tungkol sa iyo.
Heto ka ngayon: hubad, marungis, totoo. Gaya ng hiniling mo. Huwag kang magtatampo kung itatago kita sa pangalang iba sa iyo.
...
Marami sigurong magtatanong kung totoo ka, o magdududa't magsasabing kathang-isip lang kita. Masyado kang malaking kabalintunaan, masyadong malawak para sa panlasa ng karaniwang mambabasa. Kung minsan masyadong marumi, mabaho; minsan nama'y masyadong malinis - imakulada, dalisay, parang papel na wala pang sulat. Kung minsan, masyadong madilim, parang kalyeng walang ilaw sa gabi; minsan masyadong maliwanag, nakakasilaw. Para kang hindi totoo.
Pero sino ba ang mambabasa para maghusga kung ano ang totoo o hindi totoo? Gaya nga ng madalas mong sabihin: lahat naman tayo, paminsan-minsan, kahit papaano, nagsisinungaling.
------------------
E ano nga ba naman ang trip ko't pinagsasasabi ko pa 'to? Hindi ko rin alam. Basta palagi, pag may naisip ako, kahit anong puwedeng magkaroon ng kabuluhan sa kahit kaninong kapwa ko, para akong may abo sa dila; gusto ko na lang dumura nang dumura nang dumura, maibahagi lang itong walang-delikadesang dalumat na dumapo sa disilusyanado kong sentido.
Mahigit isang linggo ko ring hindi nabalikan 'tong buwakananginang blog na 'to. Hindi naman sa maraming ginagawa; sa totoo lang, mahigit isang linggo rin naman akong pabanjing-banjing. Kung saan-saan rin ako pumunta, kung anu-ano ang ginawa, kung sinu-sino ang kinausap.
Hindi ko naman kinailangang gawin 'yung mga ginawa ko.
Gusto ko lang. Masarap manood ng All Star, maglamiyerda, tumunganga, matulog, magsalsal.
Oo, mas masarap kaysa sumulat.
Kailangang mabuhay muna, sabi nga nila.
At putangina, natatakot ako, at nabibigla. Parang may dambuhalang ibong nakaupo sa dibdib ko. Walang humpay sa kapapagaypay ang mga pakpak niya.
Para na naman akong may abo sa dila. Gusto ko na namang idura nang idura nang idura, lahat, lahat ng alaala.
Pinipilit ko ngayong isulat ang lahat ng nangyari, pero hindi ko kaya. Masyadong mabilis ang mga ito. Madali akong mapagod. Pilit hinahabol ng kamay sa lapis sa papel ang lahat ng lumipas na pangyayari, pero hindi ko maabutan. Hindi ko kaya. Putang-ina, hindi ko kaya.
Para akong nakatayo sa gitna ng highway. Sa likod ko, mga rumaragasang gunita. Sa harap, ang karipas ng paglimot. Ayan na, ayan na. Saan ako pupunta?
Pikit. Sigaw.
Lundag.
Lipad.
----------------------
Ayun na nga.
Hindi kami close ni Lola Ludy. Hindi ko nga alam ang itatawag ko sa kanya, kasi lahat ng kamag-anak kong intsik, ang tawag sa kanya, Auntie Ludy o Tiya Ludy. Dito lang sila nakatira, malapit sa mismong kanto ng Makata at Laguna. Asawa siya ng kapatid ng asawa ng kapatid ng tatay ng tatay ko. Totoo. Ang tagal kong inisip no'n, a.
Noong Miyerkules, nu'ng isang linggo, naglakad kami ni Erpats papunta sa kanto ng Severino Reyes at Batangas. May dala kaming chessboard at isang kahang sigarilyo.
Vasquez ang tawag sa lugar na pinuntahan namin. Vasquez Memorial Chapels.
Pumunta kami doon para silipin si Lola Ludy, nakahiga sa loob ng marmol na ataul.
Sinabit lang ako ni Erpats. Sabi ko nga, hindi talaga kami close ni Lola Ludy. Hindi ko siya hinihingan ng aginaldo tuwing pasko, at di rin siya nagkukusang magbigay. Ang mga pagkakataong nakasalubong ko siya at napagmanuhan, nakita mula sa malayo at nginitian, iyon lang ang naaalala ko. Kapirasong himulmol lang si Lola Ludy sa lona ng nakaraan ko.
Isang beses lang akong tumambay sa auto supply nila. Bagong taon noon, mga grade five o six siguro ako. Kasama pa rin si Erpats, na inaanak si Kuya Louie. Tatlo silang anak ni Lola Ludy, lahat ampon, lahat nag-iinuman noong gabing iyon, kasama si Erpats.
Lahat tarantado. Adik. Si Kuya Dan, pinaghihinalaang pusher. Si Kuya Louie, dating miyembro ng akyat-bahay. Walang biro. May tato pa nga siya, bilang patunay.
Iyong isa, hindi ko na maalala ang pangalan, pero sigurado ako, anuman ang nakalista sa baptismal certificate niya, saang lupalop man siya naroroon ngayon, sigurado ako, tarantado rin siya. Walang biro.
At tuwang-tuwa akong nakikinig sa huntahan nilang apat habang unti-unti silang nalalasing.
Tuwang-tuwa akong sumusunod kay Kuya Louie tuwing lumalabas siya para magsindi ng kuwitis, fountain, sinturon ni hudas, sawa.
Tuwang-tuwa ako.
Ngayon, nakakatawang isipin: Recuerdo ang pangalan ng auto supply nila. Salitang kastilaloy. Sa Filipino, pandiwa: paggunita.
Pero iyon lang ang naaalala ko.
Noong gabing pinipilit kong gunitain ang lahat ng himulmol na dulot ni Lola Ludy sa nakaraan ko, doon, sa burol, may matandang babaeng lumapit kay Erpats. Niyakap siya.
Pagbitaw, tiningnan nila sa mata ang isa't isa. Diretso. Sabay silang tumango.
At ito, ito ang maaalala ko, habambuhay: ang dalawang salitang nabasa kong pumuslit sa mga labi ni Erpats, mahina pa sa bulong.
Nanaginip ako kagabi. Isa-isang natatanggal ang mga ngipin ko, nalalaglag, parang hinuhugot ng imbisibol na plais. Masakit.
Pamahiin 'yun - pag nanaginip ka raw na nalalaglag ang mga ngipin mo, ang ibig sabihin, may taong mamamatay. Kakilala mo.
Huli 'tong nangyari sa akin ilang buwan na'ng nakararaan. Sunud-sunod 'yun, isang linggong dire-diretso, nananaginip akong nalalagas ang mga ngipin ko. At sunud-sunod din , tatlong magkakasunod na gabi, tatlong magkakaibang burol ang pinuntahan ko. Sa lola ni Jeline. Kay Tita Nancy. Kay Alex.
Parang biglang nauso ang mamatay o mamatayan. Parang friendster o Zagu, o 'yang mga aku-akustik na 'yan, sina Nyoy Volante, et al. (Sino bang nanay na nasa tamang pag-iisip ang magpapangalan ng Nyoy sa anak niya? Topak talaga. Pero ibang kuwento na 'yun.)
Parang dala lang ng panahon. Ano kaya'ng tawag du'n? Tagyao? Taglipas? Taglagas, ng ngipin?
Ang sabi nu'ng kapatid ni Tita Nancy, pag nakapanaginip daw ako ng ganu'n, kumagat daw ako sa sanga ng puno. Agad-agad, pagkagising ko, 'yun ang una kong dapat gawin. Bago pa sa pagmumumog o pag-ihi. Para raw hindi na magkatotoo 'yung pamahiin.
Sa loob-loob ko, pa'no kung dito nakatira sa Blumentritt? Walang puno. Kakagatin ko ba 'tong upuan naming Narra? 'Yung poste ng Meralco sa labas? Hahalungkatin ko ba sa bodega 'yung krismastri, at 'yun ang kakagatin ko? Kung hindi, hahayaan ko na lang bang mamatay o mamatayan ang mga taong malapit sa akin?
Sa loob-loob ko, kawawa naman kaming mga taga-lungsod. Kasalanan pa pala ng industriyalisasyon 'yung edad ng lola ni Jeline, 'yung kanser ni Tita Nancy, 'yung pagpapatiwakal ni Alex. Sisisihin ko ba'ng mga humaharurot na dyip, ang mga sementadong lansangan, lahat, lahat ng elemento ng metropolis, nitong minamahal kong Maynila, sisisihin ko para sa di maiiwasang paglipas ng panahon?
Sa loob-loob ko, pag taga-Maynila ka't walang makitang puno, ibig bang sabihin nu'n, di mo na hawak ang kapalaran mo? At ang mga taong may puno sa bakuran, kaya nilang iwasang mamatay, mamatayan, magluksa?
Lugi. Suntukan na lang.
Haha. Kaya pala mas mahaba ang buhay ng mga taga-probinsya.
----------------
Si Lucky, nasa Dubai. Nagpapakasasa sa maraming pogi at maitim na balbon. Siya'ng nagpadala sa e-mail nito.
TANDANG TANDA NAMIN NI KUYA ANG SAYA AT LUMBAY SA PODER NILA INAY AT
ITAY...LALO NA ANG MGA MAGAGANDANG LESSONS NA NATUTUNAN NAMIN SA KANILA!
1. Si Inay, tinuruan niya ako ng HOW TO APPRECIATE A JOB WELL DONE.
"Kung kayong dalawa ay magpapatayan, doon kayo sa labas. Mga punyeta kayo, kalilinis ko lang ng bahay."
2. Natuto ako ng RELIGION kay Itay.
"Kapag yang mantsa di natanggal sa carpet, magdasal ka na!"
3. Si Itay, tinuruan kami ni Kuya kung ano'ng ibig sabihin ng TIME TRAVEL.
"Kung di kayo tumigil ng pagngangawa diyan, tatadyakan ko kayo ng todo hanggang umabot kayo sa isang linggo!"
4. Kay Inay ako natuto ng LOGIC.
"Kaya ganyan, dahil sinabi ko."
5. Kay Inay din ako natuto ng MORE LOGIC.
"Kapag nalaglag ka diyan sa bubong, ako lang mag-isa ang manonood ng sine."
6. Kay Itay naman natuto ng FORESIGHT si Kuya.
"Siguraduhin mo na lagi kang magsusuot ng malinis na brief, para pag nakascore ka sa syota mo e hindi kahihiyahiya."
7. Si Inay naman ang nagturo sa akin kung ano ang ibig sahibin ng IRONY.
"Sige ngumalngal ka, kung di bibigyan talaga kita ng iiyakan mo!"
8. Kay Inay ako natuto ng science of OSMOSIS.
"Punyeta, itigil mo ang kadadakdak at tapusin mong kainin ang inihanda kong hapunan para sa iyo."
9. Si Inay ang nagpaliwanag sa akin kung ano ang CONTORTIONISM.
"Tingnan mo nga 'yang dumi sa likod ng leeg mo, tingnan mo?!"
10. Si Itay ang nagpaliwanag sa akin kung ano'ng ibig sabihin ng STAMINA.
"'Wag kang tatayo diyan hangga't di mo natatapos kainin ang lahat niyang gulay mo!"
11. At si Inay ang nagturo sa amin kung anong ibig sabihin ng WEATHER.
"'Alangya, ano ba itong kuwarto n'yong magkapatid, parang dinaanan ng bagyo!"
12. CIRCLE OF LIFE. Ang paliwanag sa akin ni Inay ay ganito:
"Malandi kang bata ka, iniluwal kita sa mundong ito, maari rin kitang alisin sa mundong ito."
13. Kay Itay ako natuto kung ano ang BEHAVIOR MODIFICATION.
"Tatadyakan kita diyan, huwag ka ngang mag-iinarte diyan nang parang nanay mo!"
14. Si Inay naman ang nagpaliwanag sa amin kung ano'ng ibig sabihin ng ENVY.
"Maraming mga batang ulila sa magulang, di ba kayo nagpapasalamat at mayroon kayong magulang na tulad namin?"
15. Si Itay naman ang nagturo sa akin ng ANTICIPATION.
"Tangna kang bata ka, hintayin mong makarating tayo sa bahay...."
16. At si Itay pa rin ang nagturo kay Kuya kung ano ibig sabihin ng RECEIVING.
"Uupakan kita pagdating natin sa bahay....!"
17. Si Inay naman ang nagturo sa aking kung ano ang HUMOR.
"Kapag naputol yang mga paa mo nang pinaglalaruan mong lawn mover, 'wag na 'wag kang tatakbo sa akin at lulumpohin kita!"
18. Kay Itay naman natuto si Kuya ng HOW TO BECOME AN ADULT.
"Kung di ka matutong magsalsal e hindi ka nga tatangkad."
19. Si Inay ang nagturo sa akin kung ano'ng ibig sabihin ng GENETICS.
"Nagmana ka nga talaga sa ama mong walanghiya."
20. Kay Inay din ako natuto ng WISDOM.
"Pag umabot ka na ng edad ko, saka mo pa lang maiintindihan ang lahat."
21. At ang paborito ko sa lahat na natutunan ko kay Inay at Itay ay kung ano ang JUSTICE.
"Isang araw magkakaroon ka rin ng anak, panalangin namin na sana matulad sila sa 'yo... haliparot!"
Ilandaang bote ng beer na ang nakalilipas mula nang nakainuman ko sina EJ, Kokoy, at Allan Idol, sa Dencio's , sa isang ligaw na bubog ng basag na lungsod na ito, kung saan kinse pesos lang ang beer, tahimik ang tugtog, at malamya ang dilaw na ilaw.
May sinasabi si EJ noon: pinaniniwalaan niyang lumulutang ang tula sa ere; may tula sa anumang bagay, tao, situwasyon.
Ang sabi ko pa noon, hindi. O siguro, baka nagkakatalo lang kami sa depinisyon, nahahadlangan ng mga rehas ng wikang itinatangi namin, itinatangi nating lahat. Ang sabi ko, baka sining ang tinutukoy niya. Sining, at hindi tula - dahil pangunahin sa tula ang paggamit ng wika.
Nagsulat pa ako sa Matanglawin ng sanaysay na sinusubok pabulaanan ang sinabi niyang iyon. Tsk, tsk. Nakakahiya.
Kamakailan lang ako namulat, sa isang ligaw na iglap ng kumukulong dalumat.
May binibigkas ang tula na di nabibigkas - o, siguro, gagana rin ang kabaliktaran: may nabibigkas ang tula na di nito binibigkas. Doon ito kumikilos - sa nibel ng literal na umaamba, lumiligid, sumasalamin sa mas dakilang nibel ng metaporikal. Sadyang di sinasabi ang tunay na nais sabihin. Sa tensiyon sa pagitan ng dalawang nibel na ito tumatahan ang tula.
At hindi lahat ng anyo ng sining ay mayroon ng katangiang iyon. Ngunit maaari, maaaring maabot iyon, anumang wika ang gamit. Lona, tinsel, pintura. Melodi at nota. Indak, saliw, indayog. Lahat, lahat ng maiisip mo: liwanag, bulaklak, kutsara. Miski sinulid, miski siguro plantsa, kung kaya.
Parang mailap na paruparo, maaaring dumapo ang tula, saan man. Ang tulang di nasasabi, naisin man. Lumulutang.
Ang galing. Iyon nga ang ikinatula ng tula. Paulit-ulit nang naipukpok sa akin ang paliwanag na ito - sa workshops, sa klase, ng mga libro. Pero noon lang ako napaso sa matinding realidad na iyon. Pagkapaso, pagkamulat tungkol sa tula at sa mga maidudulot nito sa landas na nais kong tahakin sa buhay.
Napaisip ako: sa kabila ng lahat ng pagsasanay ko sa pagbasa at pagsulat ng tula, ito nga ba ang nais kong gawin? Di rito kumikilos ang mambabasang nais kong pag-alayan ng akda. Gusto nila ng panitikang nahahawakan; gaya ng gusto nila ng pagkaing makakain, ng bubong na puwede nilang masilungan, ng damit na maaaring gawing kalasag laban sa maginaw na madaling-araw. Wala nang sala-salamin; panitikang nakaiiyak, nakatutuwa, nakapagpapamuhi, iyon na. Siguro, iyon lang. Nadarama.
At napaisip na naman ako: alin bang anyo ng panitikan ang kayang gampanan ang tungkuling ito? Kaya ko bang magsulat noon? Ng maraming, maraming ganoon? Ganoon lang?
Natatakot ako.
----------------------------------
Nakikini-kinita ko ang panahong titigil ako sa pagsulat ng tula. Ang panahong magsasawa ako sa pagpapaliguy-ligoy, sa pagkalabit ng kuwerdaas na nag-aasam ng tugtuging dakila, ng tunog na di kailanman mababanaag ng kanino mang tainga.
Nakikini-kinita ko ang panahong susulat ako ng kuwento, maraming kuwento. Siguro, nobela; maraming nobela. At babasahin iyon ng mambabasa dahil nakikita niya roon ang gusto-niyang-maging, dahil napapadpad siya sa lupalop kung saan ang lahat ng pag-iral ay parang ambong dumadampi sa kampana - mga patak, maraming maraming patak na sumusunod sa kurbado ng korteng ito. May bida at kontrabida. May laman ang tiyan ng bawat tao, o tila hindi nananawagan ng ilalaman. Lahat may pag-asang yumaman. Isang lupalop kung saan walang iniiwang tanong ang pagtiwalag ng huling hininga. Nakikini-kinita ko rin ang panahong titigil ako sa pagsulat ng mga ito.
Nakikini-kinita ko ang panahong wala na akong ibang isusulat kundi sanaysay. Personal na sanaysay ko. Personal na sanaysay ng mga kathang-isip ko, mga kathang isip na naaantig lamang ng sanaysay: ang nibel ng pagsasabi ng gustong sabihin kung paano ito dapat sabihin. Walang pagtakas. Nakalatag ang lahat; matalik, personal.
At makikita ng lahat ng mambabasa ang marami nilang mga sarili sa buhay ko, sa buhay ng mga kathang-isip ko. At maaantig sila.
Magsasanib ang katotohan at katha sa iisang mundo. Magtatagpo ang tunay at di-tunay, ang gunita at pangarap, ang balat at dalumat.
Mabubuhay ang lahat - hihinga, masusugatan, magdurugo. Minsa'y magtatagumpay, at minsan, masasawi. Mabubuhay ang lahat, at mamamatay rin. Ang bawat puntod sa bawat sementeryo sa bawat bayan sa buong daigdig, magkakaroon ng katumbas na sanaysay.
Ito ang pangarap ko sa sandaling ilalagi ko sa mundo.
Kayo na ang bahala kung tula ninyong ituturing ito.
Madalas mangyari sa akin 'to. Maghahanap ng papel at ililista ang mga takdang dapat gawin.
Tenkyu note kay Ninong.
Mag-analyze ng dividendazo.
Mag-check ng papel.
Ayusin na, sa wakas, 'yung buwakananginang blog na 'yun.
Magsulat nang magsulat nang magsulat.
At maiiwan lang siyang papel, walang ekis sa maliliit na kahong idinodrowing sa gilid ng bawat dapat gawin. Walang takdang nagawa.
Ginagawa ko rin ito kung may ideyang pumapasok sa isip ko. Magsusulat ng maikling intro o ilang linyang ligaw, at ipapangako, pangako, pangako, isusulat ko ito kapag nagkapanahon. Isusulat ko, uupuan ko ito. Uupuan ko ito.
At naroon pa rin ang mga intro at linyang ligaw na iyon, santambak na pirasong papel, parang mga tuyong dahon sa bakuran. Parang dumaraing: "Kung hindi mo na rin kami gagamitin, mabuti pang sunugin mo na kami. Mas pakikinabangan pa kami ng alangaang." Kung naging itlog ang mga akdang pinagpangakuan kong uupuan, malamang nabagok na'ng mga 'yun.
O baka napisa na nang kusa, sa sobrang pagkainip. Naging dambuhalang mga ibong tutukain ako-- sa mata, sa dulo ng mga daliri, sa dila hanggang sa hindi na ako makapagsalita, di na makapagpangako. Magpakailanman.
Tama nga siguro si Naya du'n sa itinext niya sa akin kamakailan lang, 'yung isinulat ng aleng Margaret ang pangalan.
Walang ibang paraan para makasulat kundi ang magsulat.