May iniisip ka?
Oo.
Ano?
Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito
Thursday, September 30, 2004
Nasunugan si Sir Jun Cruz Reyes. Hindi ko sana gustong magbanggit ng pangalan dito, pero ayun na nga't sikat na sikat na pala ang balita. Public figure nga naman siya. Walang natira sa bahay niya sa Hagunoy. Wala pa akong balita kung paano nagsimula ang sunog, kung may nasaktan, kung saan siya nanunuluyan ngayon. Basta't 'yun lang ang alam ko: sunog ang lahat ng obra.
Hindi naman mansiyon ang bahay ni Amang. Dalawang palapag, may bakuran. Sa bakuran, may puno ng kuyapo na nakatanim sa parang isang isla sa loob ng maliit na pond. Kapag naglalagas puno ng kuyapo, makikita mo 'yung pond na punong-puno ng maliliit na dahon, sinliit lang ng butil ng bigas. Isang umagang mahangin, pagkatapos magkape, tumayo kaming apat sa tapat ng pond na iyon: ako, si Amang, si Patrick, si Dong. Nagkuwento si Amang; du'n siya magaling, e. Ang Quiapo daw, ang pangalan ng Quiapo, e nanggaling sa mga puno ng kuyapo na naglipana roon, bago pa maging lungsod ang lungsod.
Habang nagkukuwento si Amang, nakatitig ako sa pond. May humihihip na hangin noon, marahang marahan, at tila ba may sanggol na sirenang lumalangoy sa ilalim ng mga lumulutang na dahon ng kuyapo. Parang may binubuong hugis ang mga dahon. Parang nakikita ko noon ang buong nakaraan ko, ang buong hinaharap, at doon, doon sa bahagyang pagsasayaw ng mumunting sapa, halos pati ang ngayon, halos pati ang mismong noon, naaaninagan ko. Ngayon, wala na siguro ang puno ng kuyapo. Mukhang kailangan ko nang maghanap ng ibang orakulo.
Doon din sa bakurang iyon, may maliit na basketball court, maliit lang talaga; maaabot ko ang ring nang hindi tumitingkayad. Nagpako lang ng maliit na ring sa isang kuwadradong kahoy, at isinabit iyon sa tabi ng pinto ng bahay. Matapos naming sumilip sa mga kapalaran namin, doon sa maliit na sapa sa may puno ng kuyapo, tinuruan naming dalawa ni Patrick mag-basketbol si J.R., 'yung anak ni Amang. Simple lang, basics, pero may kilos ang bata. Nakuha yata sa kakalaro ng NBA Live sa PS2.
Ngayon, wala na ang basketball court, wala na ang PS2. Sa loob ng bahay, sa ibaba, maraming ashtray. Apat kaming nag-inuman noon, tag-iisang ashtray pa kami. Wala na rin ang mga ashtray; ash na lang ang mga 'yun.
Sa itaas, sa kuwarto kung saan kami natulog, kaming tatlo nina Patrick at Dong, maraming painting. Hindi ko alam kung papaano ilalarawan ang mga larawang iyon, basta, basta maganda. Painting ng mga sundalo, ng mga batang nakatalungko, ng mga taong inaapi, ng mga taong nag-aaklas. Wala na ang mga iyon, wala nang lahat.
Kung iniisip ninyong gamit lang ang mga iyon - suntukan tayo. Hindi lang gamit iyon. Obra maestra ang lahat ng iyon. At kahit ba hindi - ang PS2, ang mga ashtray, coffeemaker sa ibaba - walang puwedeng maging kapalit iyon.
May itinuro si Amang, dati, sa klase niya kung saan nagsit-in ako, kung saan kaklase ko si Patrick at si Javie. "Ang lesson natin ngayon, tungkol sa trajectory."
Hindi raw puwedeng manggaling sa wala ang alaala. Hindi puwedeng sabihin, sa isang kuwento, na "bigla akong napaisip," o "kabod kong naalala," o "nangyari lang na ginunita ko ang..." Kailangan ng gatilyo, kumbaga sa baril. Gayon sumasambulat sa buo niyang kagandahan ang isang kuwento.
Sakaling mapadaan ako sa Hagunoy, gayon na lang din siguro ang kuwentong maglalaro sa sentido ko: lahat, lahat, lahat, dinala ng gatilyong gawa sa abo.
Teka, teka, kailangan kong simulan sa ngayon. So, a las onse y media ngayon ng umaga, at ganito nga ang nangyari:
Teka, bago ang lahat, baka lang nagtataka kayo: ano'ng ginagawang gising ni Mikael, na sa katunayan e isang paniking nagsakatawang-tao, ngayong alas-onse y media ng umaga?
So, 'eto na nga, hindi ang nangyari sa tamang paraan at panahon ng pangyayari nila. Mga bandang alas siyete nang maalimpungatan si Mikael. "P're, akyat ka na, may bakante nang higaan sa 'taas." Pero hindi siya bumangon, dire-diretso lang siya sa pagtulog sa couch, dahil nga kailangan niyang gumising ng alas onse para maglaba. Dahil nu'ng linggo, nagpangako siya kay Pipo na pinsan ng mga Vallente, nagpangako siyang tutulong siyang maglaba, nagpangako siyang gigising siya ng alas nuwebe ng umaga para tumulong maglaba. E dahil nga paniking nagsakatawang-tao 'tong si Mikael, hindi siya nagising ng alas nuwebe. Nagising siya ng alas kuwatro ng hapon. Kaya mag-isang naglaba si Pipo.
E di ayun nga, alas siyete, naalimpungatan siya. Alam n'yo naman ang tao pag naaalimpungatan; parang wala sa tamang ulirat. Kaya nanaginip siya, 'yung panaginip na hango rin sa tunay na buhay, parang 'yung mga pelikula ni Ramon Revilla tungkol sa agimat na tuwang-tuwa siyang pinapanood noong kabataan niya.
Sa panaginip ni Mikael, ganito ang nangyari: natutulog siya sa couch. "P're, akyat ka na, may bakante nang higaan sa 'taas." E ayaw bumangon ni Mikael, kasi nga maglalaba siya nang alas onse. Ayaw rin niyang bumangon kasi antok na antok pa siya, kasi, sa totoong buhay, ganito ang nangyari:
Alas dos y media ng madaling-araw. May tumatawag sa cellphone; landline. E di hindi niya alam kung sino, hindi niya alam kung bakit naman may landline na tatawag sa cellphone niya ng ganitong oras na tulog pa ang lahat ng anghel sa langit, tulog pa pati ang Diyos. Sinagot pa rin ni Mikael ang telepono, wala naman siguro siyang pinagkaatrasuhang tao na tatawag ng ganitong oras.
Tama nga ang hinala niya, pati ang mga hinala ninyo: emergency. Si Allan. "P're, nandito ako sa Petron sa Quezon Av, 'yung sa tapat ng Pegasus (hindi siya doon nanggaling.) Pumutok ang gulong ko (na nang silipin namin kanina e makapal pa ang bulbol ko kaysa treading.) Punta kayo dito, may spare tire kayo diyan, di ba?" E nakainom silang lahat, pero sige, game, kailangan, e. E di alas singko y media na nang matapos ang adventure. Kumain sila ng mata ng baka sa world famous lugawan ni Mang PJ, na idol si FPJ, doon, sa looban, pagkatapos i-convoy si Allan papauwi sa makasaysayang kalye ng Lico, sa Gagalangin, Tondo, Maynila. Dahil nga pati 'yung spare tire na ipinalit sa pumutok na gulong ng auto ni Allan, kalbo na, at anim na beses nang tinapalan. Antok na antok na si Mikael at ang mga kasama niya nang makauwi uli sa P. Tuazon.
So, ayun nga ang nangyari sa totoong buhay, kaya napuyat si Mikael. Pero sa panaginip niya, dahil nga wala pa siya sa tamang ulirat, ito ang nangyari: sa buong akala niya, maglalaba siya ng mano-mano, walang washing machine. Kaya nang gisingin siya para lumipat ng higaan, nakita niya ang ring finger niya, ang ring finger ni Mikael, putangina, parang naputukan ng rabintador sa bagong taon. Buto na lang ang nakalambitin, parang nginatngat ng piranha.
Kaya bumangon siya para bumili ng bolpen, at 'yung takip ng bolpen ang isusuot niya sa ring finger niya, para kahit papaano, makapaglaba pa siya.
So, ganito talaga ang nangyari, alas onse y media nang maalimpungatan siya, at putangina, hindi naman pala sira ang daliri niya. Pero dahil ayaw niyang makalimutan 'yun, gusto niyang matuklas kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng panaginip niya, bumangon siya para isulat sa cellphone niya ang limang salitang "panaginip ring finger takip bolpen." Nang buksan niya ang telepono niya, may dalawang mensahe du'n: galing kay Carl: "pre, prctice nten sa fri, 8-10. tpos na bar ni easy. yeah!"
'Yung isa, galing kay _____: "galing kay ____ ______: nsunog ang bahay ni ___ ____ _____ kninang 4am. ubos lahat ng obra."
Wala naman sigurong nasaktan, wala naman sanang nasaktan. At bumangon na nga si Mikael, sa sama ng loob, sa kaba, sa kawalan ng ganang ituloy pa ang pagtulog. Pero 'yun nga ang nangyari. Kaya ngayon, ngayong alas onse y media na, imbis na maglaba, e nagsusulat si Mikael.
***
Nasunog ang bahay ng isa sa mga pinakamatulungin at kinapipitaganan kong kaibigan kanina. Isa siyang kuwentista, makata, pintor, iskultor, kusinero, karpintero, lahat na. Renaissance man talaga. Wala naman daw nasaktan.
Tangina, kahit na. Ubos ang obra. Kaya nga napapaisip ako: may langit kaya ang mga obra? Saan sila napupunta kung matupok ng panahon, kainin ng anay, at kung ganito ngang masunog? May museo kaya sa heaven, at kung mabuti kang artist, kung mabait kang artist at mapunta ka sa heaven, puwede mo kayang makita ang mga obra mo du'n sa museong 'yun? Ini-imagine ko na: kakaakbay si San Pedro, "O, San Pedro, 'eto ang unang painting ni ___ ____ _____ pagkauwi niya galing sa Negros, nu'ng panahon ni Marcos."
Art daw para sa ikasusulong ng lipunan. Pu-tang-ina. Sabihin nga ninyo sa akin kung walang lipunang pinanggalingan ang gumawa ng mga obrang nasunog kaninang alas kuwatro ng madaling-araw. Sabihin ninyo sa akin kung hindi gara-garalgal na kamay na hinubog ng pakikisangkot sa masa ang lumikha ng mga iyon. Sabihin ninyo sa akin kung nawala ang saysay ng ilan pang manuskritong nasunog nang hindi nalalathala.
Kung ginawa lang ni _____ para sa lipunan ang mga 'yun, ang lahat ng 'yun, kawawa naman ang obra. Mawawalan sila ng sariling saysay. Mawawalan sila ng heaven.
Basketbol noong Miyerkules. Dito sa covered courts ng Bgy. Marilag, sa Prject 4. Kalaro si Joel at ang bayaw niyang si Gelo at isang tribo pa ng kung sinu-sino.
Tumira ang isang bansot na kalaban. Sinabayan ko. Hindi ko nabutata, pero naiba ang tira, sumablay. Long rebound. Ako rin ang nakakuha. Tumatakbo na si Eson. Binalibag ko. Nasalo niya. Mag-isa siya.
Itinap-board ni gago. Sablay. "Pare, sori, sori talaga, sayang 'yung pasa mo," sigaw niya.
Naglakad ako papabalik, umiiling-iling.
Tumira ang kalaban. Sinabayan ko uli. Sablay uli. Tumakbo na ako papaakyat sa court namin. Ibinato ni Eson. Tatlong dipa ang layo sa akin, di ko nakuha. Naglakad ako papabalik, umiiling-iling. "Pare, sori, sori talaga," sigaw niya.
Nag-abot kami sa depensa. Nagsosori pa rin siya. Kinakausap ako. May tumira sa harap niya. Hindi niya napansin. Suwak. Naglakad ako papaakyat, umiiling-iling. "Pare, sori, sori talaga," bulong niya.
Tangina, mehn, maglaro ka na lang.
***
1. e4 c5 2. Nf3 Nc6 3. d4 cd4 4. Nxd4 d6
Ang tawag diyan, Sicilian Defense, Classical Variation.
'Yan ang ginamit ko nang talunin ako ng kuya kong dalawang milyong taon nang hindi humaharap sa chessboard. Walang hugas-kamay - hindi kami lasing, nakainom lang. Natalo talaga ako.
Ang sinasabi palagi ng mga kadugo naming intsik, ako daw ang nagmana kay Lolo Noni, 'yung tatay ng tatay ko na matalino (med student sa UP nang pumutok ang giyera,) pero masyadong ideyalistiko (nagbalak mag-gerilya, naunsiyami lang ng Lolo Lai Ah,) at basagulero (nakikipagbarilan daw sa mga Huk,) at masyadong mahilig sa alak (sakit sa atay ang ikinamatay ng tatay ng tatay ko - yo, yesyesyo.)
E putangina, baliw talaga 'yang mga kamag-anak kong intsik. Isipin mo - si Utol, wala namang formal training sa chess, tinatalo kami ni Erpats. Si Kuya na (secret natin 'to, a,) hindi naman gumradweyt ng college pero dinadaan sa diskarte ang lahat ng bagay. Si Kuya na ilang taon ding hindi makakuha ng trabaho dahil hindi makakuha ng NBI Clearance dahil may pending na kaso (frustrated murder, bok, two counts. Sabi niya frame-up daw, aysus, e ano ba naman kung aminin niya?) Si Kuya na nagturo sa aking mangarera, kaya nga kami uminom dahil tinamaan namin si Sakura Ijhay na sakay LD. Balboa, dehado, mehn, 182 sa limang piso.
Si Kuya pa raw ang black sheep ng pamilya. Tangina, tingnan nga nila ako - akong nagtapos sa 'Teneo ng sayans kors para, ahem, magturo ng panitikan sa mga atleta. Sino'ng black sheep? Sino'ng talagang nagmana kay Lolo Noni?
***
Nananiginip ako.
Nasa loob ako ng Shaolin Temple. Mayroong Wise Old Shaolin Monk. Sabi niya, "So, yew wannalearn mhaaay Kung Fu?"
"Yes, Master, teach me, teach me, o Wise Old Shaolin Monk," 'ka ko.
"Ahitin mo muna 'yang balbas mo. At magpagupit ka nga. Then yew'll learrrrrrn mhaaay Kung Fu!"
Ay sus. Nagising ako nang tumatawa.
***
May bago akong libangan. Iniisip ko ang lahat ng gagawin ko kapag nagkapera na ako.
Pag nagkapera (in no particular order):
1. Magwe-weights ako.
2. Magsa-stock ako ng pang-ahit.
3. Tatapusin ko na ang mga paper ko. (Kung ano ang kinalaman nito sa pagkakaroon ng pera, hindi ko rin alam.)
4. Mag-iipon ako.
5. Bibili ako ng maraming sitserya, magkukulong ako sa kuwarto, at basahin ko ang lahat ng backlog kong reading.
6. Pupunta ako sa Sta. Ana para manood ng karera, live.
7. Babalik ako sa Sagada.
8. Babayaran ko ang lahat ng utang nina Erpats at Utol sa tindahan ni Baratong.
9. Magpapagawa ako ng bookshelf.
10. Magbabawas na ako sa inom. (Kagabi, nag-bistro kami ni Lij, at aleluya, iced tea lang ang ininom ko. Ibig bang sabihin noon, nagkakapera na ako?)
11. Dadalawin ko si Bilog sa Cavite.
12. Bibili ako ng maraming brief, para sa tuwing magbabasketbol e hindi ako bili nang bili ng bagong brief.
13. Ipapa-shine ko 'yung leather shoes ko, at papalanstahin ko 'yung slacks ko.
14. Magde-date kami ni Lij sa isang matinong lugar.
15. Bibili ako ng Nizoral. Oo, binabalakubak ako.
16. Mag-a-update ako araw-araw ng blag.
17. Mangungumpisal ako. (Ulol, talaga lang, a.)
***
Anak namputa. Sino'ng niloko ko? Hindi naman matatapos ang listahang iyan, e.
***
Halata bang gusto ko lang naman talagang magparamdam dito sa blag ko?
Nga pala, puwede na siguro 'tong template na ganito. Hindi naman ako maselan. Pero hindi ko mailagay 'yung "comments" sa ibaba, e. Ewan.
Nabasa na ba n'yo 'yung comics na The Preacher? Taragis, mehn, hayup, ang galing.
At 'yung mga pukenanginang nangti-trip sa tag-board: kung 1) kaibigan kita, oks lang, pakyu ka; 2) hindi kita kaibigan, tangina mo, huwag kang magpapakita sa akin, ipapakain ko sa iyo'ng ipin mo, damuho ka, kung sino ka man.
Walang bagong salitang kayang ilahad
ang hikbi ng bayan ko.
Wala ring luma.
Gaya ng ganito ngang nagsasalita ako
sa pamamagitan ng isang tula;
maghahanap kayo ng iba pang ibig sabihin
bukod sa sinasabi ko na.
Pipira-pirasuhin ninyo ang bawat taludtod,
maghahanap kayo ng parikala,
titingnan ang mga imaheng gagamitin ko.
Ngunit kung sabihin kong dugo
o sunog na balat o durog na buto,
kung sabihin kong sa bayan ko,
nag-uulam ng tubig at asin ang mga tao,
umiinom ng burak, bumibili ng mamisong pag-asa
sa tuwing daraan ang kubrador ng jueteng,
hindi naman ninyo makikita ang mga iyon.
Tinta lamang sa papel ang mga ito,
salita lamang. Sakaling salatin ninyo
ang bawat salitang naisulat ko,
hindi kayo matitinik sa mga titik,
hindi kayo masasaktan.
Ni hindi ninyo malalasahan
ang abong nanikit sa dila ko
habang winiwika ang bawat linyang
ngayo'y binabasa ninyo.
Hindi ito tula. Huwag kayong magbasa.
Bitawan ninyo itong papel na ito.
Maglakad kayo sa lansangan.
Huwag kayong maingay.
Pakinggan ninyo: tinatapakan ninyo ang mga bubog
ng basag-basag na alaala ng bayan ko.
Huwag kayong maingay,
pakinggan ninyo: may kargang tinig ang hangin.
Panalangin. Hikbi. Mayroong tula.
Isinulat ko 'to, September 11. Ngayon ko lang na-post.
***
Kina Leo na naman ako natulog. Putanginang paper 'yan. "'Wag kang matakot, ale, hindi ako drug-user, kahit mapula ang mata ko. Inaantok lang ako, inaantok lang ako." Masikip, pero ayus lang. Birthday ng utol niyang si Mac (na utol na nga naming lahat) kaya uminom nang kaunti; hindi naman nalasing, pero lumipad na ang antok papalayo, papalayo. Naghanap ng katabi. Libro ang nakapa sa tokador. Yearbook. Ng Ateneo. Batch ko.
Iniisa-isa ang bawat aklat (lima 'yun, isa para sa bawat college, at isa pa para sa faculty at mga org,) bawat litrato. Kilala ko siya, hindi ko siya kilala; maganda siya, cute siya, mukha siyang katol, sayang, kung medyo ngumiti lang sana. Okey sana 'to kaya lang, sa timpla ng write-up, mukhang utak palitaw, utak puto-bumbong. O utak suman. Basta't utak kakanin.
Mayroon kayang tulad ko na, kung ganitong gabi ng pagkatuliro at pagkabagot at pagkaligaw-ng-ulirat, naghahalungkat ng mababasa at walang matatagpuan kundi yearbook? Nakikita kaya nila ang write-up ko? Ano kaya ang iniisip nila? Kung kilala kaya nila ako, sasabihin kaya nila sa sariling, sayang, ang gasgas ng ganitong write-up? Kung hindi kaya nila ako kilala, maiisip pa rin kaya nilang, sayang, ang gasgas ng ganitong write-up?
Gaya ko? Putangina, babasahin 'to ng mga anak ko. Masyado kasi akong mahiyain, masyadong pa-humble, false modesty. Dapat ako na lang ang tumira.
Putangina. Kung maibabalik lang.
***
Isang araw, mababagot ka at maghahalungkat sa lumang tokador, sa ibabaw ng inaanay na kabinet, sa ilalim ng hagdan. Makikita mo ang mga pahinang ito. Makikita mo ang mga dati mong kaibigan, dating kaaway, dating kakilala, di kilala. Aamuyin mo ang mga pahina, lalaruin sa pagitan ng hinlalaki at hintuturo. Pilit mong huhugitin sa alaala ang tinig nila, ang talas ng paningin, ang anyo ng balikat kung naglalakad.
Maaalala mo rin ang mga wala roon: ang mga naglilinis ng kubeta, nagtitinda sa kantina, mga naglalako ng sampaguita sa kahabaan ng Katipunan. Hindi mo na sila nakikita; marahil hindi na makikita pa. At malulungkot ka.
Lalabas ka sa kalsada, at sa harap ng di-maisawikang pangungulila, makararamdam ka ng sakit - para bang karayom na tumutusok sa iyang likuran.
Tutubuan ka ng pakpak.
Ngunit pipilasin mo ito, ihahagis sa lupa, yayapakan. At maglalakbay ka pa. Maglalakad sa tabi ng estero, sa ilalim ng tulay, sa bawat eskinita at sulok ng kosmos at ng sarili mong sentido. Makararating ka sa hangganan ng pangungulila. Iibig ka, at iibig pa, at iibig nang iibig pang lalo.
Titingin ka sa ibaba. Ilandaang talampakan ng alangaang.
Lumilipad ka na pala.
***
Ayon ito sa alaala. Lublob ako sa "pagkatibak" noon. Ngayun-ngayon ko lang napagtantong ang tunay na "pagkatibak" ay hindi dapat ipangalandakan, nakakahiya, nakakapanliit ipangalandakan..
***
Hindi mo ito nababasa, alam ko, at hindi na nga siguro mababasa pa, kahit kailan. Huwag mong isiping nagpapaapekto ako, hindi, hindi ako nagpapaapekto. O siguro, kaunti lang. Nagpasulat ka ng write-up sa akin, wala akong magawa, sino ba naman ako para tumanggi, kaibigan lang ako, kaibigang nahilingan. Wala naman akong ibang kayang gawin kundi makisama - hindi ko kayang magsulat, hindi ko kayang makipagsuntukan, putangina, hindi ko kayang uminom nang uminom nang uminom, wala na akong kayang gawin, kundi makisama.
Deadline 'ka mo ng write-up n'yo, wala kang ibang matakbuhan, ayaw mo naman 'ka mo ng parang taeng write-up sa yearbook. Mababasa 'yun ng mga magiging anak mo (huwag kang magmadali, darating din tayo diyan.) Wala ka ngang ibang matakbuhan.
Gawin kitang malakas, matapang, walang bahid ng anumang kasalanan, 'ka mo. Isulat ko pa 'ka mo sa Ingles. Sabi mo: "write it the Mikael way." Sabi mo, galingan ko, sabi mo, sabihin kong mahilig ka sa literature kahit panay nicholas sparks at paolo coelho ang binabasa mo, sabihin kong astig ka, basta.
Iyon ang lumabas. Hindi ka man lang nag-thank you. Hindi ka nag-text, o nag-reply sa email. Nagalit ka nga siguro.
Sorry. Pasensiya na. Hindi kita kayang gawing malakas, matapang, walang bahid ng anumang kasalanan. Hindi kita kayang gawing astig - at least, hindi kaya ng gusto mo. E ako ngang mismo nang sumusulat, di ko kayang gawing ganu'ng kaastig ang sarili ko, e. Ginawa ko ang lahat ng makakaya ko para kung sakaling mabasa nga ng magiging anak mo ito (huwag kang magmadali,) e hindi ka niya ikahihiya. Kikilalanin niyang tunay na tao ang ina niya, dugong dumadaloy, pusong tumitibok. Pasensiya na.
Itinuturing kitang kaibigan. Iyon ka. Hindi ba iyon ang inasahan mo? Pasensiya na. Pasensiya na.