abo sa dila

May iniisip ka? Oo. Ano? Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.

 
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
O, ha, Plurk, o, ha!
Radyo? Radyo?
Libreng humirit

Mag-exercise tayo tuwing umaga
Tambay ka muna
Lokal Kolor
Ano'ng hanap mo?
Basa lang nang basa
Tropa ko

    na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito

Friday, May 21, 2004
Kaibigan,

Kailan ka uuwi?

Nakakatawa sigurong makita ang tatlong salitang iyan: kailan ka uuwi. Nakakatawa, gayong mahigit isang buwan ka pa lang diyan, at hindi pa lumulubog nang husto sa balon ng gunita ang mga buntong-hininga mo sa amin noon, noong paulit-ulit kang tinatanong ng mga tao kung kailan ka aalis, kung bakit hindi ka pa nakaaalis, kung bakit narito ka pa. Ngayon, heto ako't parang ulilang pinsan sa malayong probinsya, nagtatanong, kailan ka uuwi.

Matagal na rin iyon, kaibigan; isang buwan. Kung babae kang aktibo sa pakikipaglambingan, at isang buwan kang hindi dinatnan, e siguro mangangatal na ang mga bisig mo sa kaba. Sampung araw lang ang higit sa isang buwan, iyon ang inilagi ni Kristo sa disyerto. Isang buwan - mahaba pa sa sembreak, sa Christmas break, mahaba nang di hamak sa lunch break o coffee break.

Maraming puwedeng mangyari sa tatlumpung araw na iyon, lalo na rito sa bayan natin. Nito lang weekend, nagpunta kami ni Lijah sa Sagada; umalis kami nang hatinggabi ng Huwebes at nakauwi naman nang hatinggabi ng Lunes. Ang ganda roon. Nag-caving kami noong Sabado, at nakakuwentuhan si Boston na tour guide namin. Oo, ganoon talaga ang pangalan ng mga tao roon-- kung hindi sobrang sagwa (sabihin mo nga kung hindi masagwa ang pangalang Poklis) ay sobra namang banyaga (ayan nga, si Boston, at may kakilala akong Bret ang pangalan.) Ang dilim sa loob ng kuweba--pag flashlight nga lang daw ang dala mo e walang matatanglawan ang flashlight kundi 'yung mismong linyang binabagtas ng ilaw niya. Kaya mga alcohol lamp na kaya yatang magpatakbo ng nuclear reactor ang dala ng mga tour guide. Tangina, tumiklop ang bayag ko sa lamig ng tubig nu'ng ilog na dumadaloy sa loob ng kuweba. Pag-ahon nga namin sa batuhan e mukha kaming si Mask Rider Black na kakadaan lang sa Rider Change; umuusok ang bawat kuwadrado-pulgada ng balat namin.

Noong Linggo, gumising kami nang alas-kuwatro ni Lij para umakyat sa tuktok ng isang bundok, para abutan ang pagbubukanliwayway. Habang naglalakad, mga kuwarenta y singkko minutos iyon, e dahan-dahang lumiliwanag, dahan-dahang pinipihit ni Kabunian ang dimmer ng bumbilyang tumatanglaw sa sanlibutan. Pero sabi nga ni Boston, parang hinintay Niya talaga kaming makarating sa tuktok; pinagpahinga pa nga kami, e. Inabot namin ang sunrise, at putangina, kaibigan, pooootangina, ang ganda.

Bago sumikat ang araw, binalot muna ng ulap ang lahat. Halos hindi na nga namin makita si Boston, na nakasalampak sa isang patag na piraso ng bato, sa tabi ng dalisdis, gayong iilang dipa lang ang layo niya. Tapos bumulong kaming tatlo - ako, si Lij, si Boston: ayan na. May isang karayom ng liwanag na sumilip sa mga ulap, tapos isang braso, isang troso, hanggang sa kitang-kita na ang hugis ng araw, na di naman mahapdi sa mata kung tititigan, dahil pinalalalamlam ng sapin-saping ulap. Tapos tinuro ni Boston ang nasa ibaba ng dalisdis.

Unti-unting gumagapang paakyat ang hamog, at para bang unti-unti ring tinataasan ang contrast sa monitor ng kalikasan; lumilitaw ang mga rice terraces. Nang mawala nang husto ang hamog, para bang nakangiti ang palayan, kumikintab-kintab pa ang mamamasa-masang luntian ng damo at dahon, parang may glitters, parang sinabuyan ng sako-sakong glitters 'yung rice terraces. Hindi ko alam kung guni-guni ko lang iyon, pero naamoy ko pa ang halimuyak nu'ng palay. Amoy alaala, amoy pag-ibig, kung matutukoy nga ang amoy noon.

Tapos kumanta si Lijah ng Knowing There Is Only Now, na hindi ko naman masabayan nang buo dahil "knowing there is only now" lang naman ang alam ko sa lyrics. At nang mapagod na siya sa kakakanta, pinatugtog namin sa phone niya 'yung isang minuto ng Dumaan Ako, na ini-record pa namin sa Conspiracy, paulit-ulit, hanggang sa mamaos si Cynthia Alexander, hanggang sa makiusap na ang init sa amin, na bumaba na.

Doon sa inn na tinulugan namin, may mga libro na nakatalaksan sa lobby. May mga okey na titles, pero karamihan di ko maintindihan. Ang sabi ni Angie, na bantay noong inn, iniiwan daw ng mga turistang foreigner; karamihan nga, mga French titles pa. Naalala ka nga namin, e.

Marami raw talagang foreigner na pumupunta roon. Siguro dahil mas interesado silang pumunta kaysa sa mga kababayan natin, o siguro rin dahil mas maraming foreigner ang kayang gumastos para makapunta roon; ewan. Kuwento nga ni Boston, minsan daw may nagpa-tour guide sa kaniya na isang grupo, panay powrendyers, sa kuweba. May Israeli, German, French, at 'Kano. Ito 'yung panahong masigla ang isyu ng US invasion ng Iraq.

E di siyempre, nagdebate ang mga gago sa loob ng kuweba. 'Yung mga French, "You Americans, you think you own the world! You can't go on bullying everybody so that you can get what you want from Iraq!"

Tango naman ang mga Germans, mga brusko, malalaking tao, macho.

Sagot naman ang mga 'Kano, "Well, who's gonna police the planet? You?"

Tango naman ang mga Israeli, na nagbabakasyon dahil katatapos lang ng tour of duty sa militar.

E di ayun, sigawan na, bangayan, nagkakainitan na, nagrorolyo na ng manggas ang mga ulol, nagkukuyom na ng kamao.

Biglang pinatay ni Boston ang lamp. Puta, ang dilim, madilim pa sa kilikili ng trabahador sa piyer, madilim pa kaysa pag nakapikit ka. Natahimik silang lahat, naging kabadong bulung-bulungan na lang ang tunog sa kuweba.

Sabi ni Boston, "Are you guys done? I won't turn on the lights until everyone shuts up."

E di natahimik sila. Champion na naman ang Pinoy.

Ang arogante talaga ng mga 'Kano, 'no? Doon sa isang restawran na kinainan namin, may isang grupo ng mga Kano, at siguro Fil-am 'yung kasama nila, na nag-uusap tungkol sa eleksyon. Hinihimay-himay nila ang pulitika at lipunan ng 'Pinas; ang lalakas ng boses, parang gustong paabutin sa Amerika ang analisis nila ng nangyayari rito. Siyempre, sa huli, mauuwi sila sa konklusyong tanga ang Pinoy, bobo ang Pinoy, di nagtutulungan, gahaman, magnanakaw ang mga binoboto, uto-uto ang mga bumoboto, at buti na lang si GMA ang nananalo. Kami ni Lij, ngumingiti ng mumunti. Parang humuhuni sa tainga namin, huwag na init ulo, beybi, beeeeeybiiii....

Heto nga, mahigit isang linggo na ang nakararaan, hindi pa rin natatanggal ang indelible ink sa hintuturo ko; indelible yata talaga. Inasar na nga ako ni Jonar, e: "Pare, hindi ka ba naliligo?" Pero okey lang 'yun, deyn ko naman talaga sadyang kinukutkot, e. Tatak 'to ng pagka-Pinoy ko, 'no. Tsaka para hindi na kuwestiyunin ang mala-twelve-years-old kong mukha kapag nanonood ako ng R-18.

Naalala ko tuloy 'yung isang linya du'n sa blog mo, na pinapanalangin mong sana nga, sana manalo si GMA. Hindi ko alam kung ano ang ibig mong sabihin doon. Pero naaalala ko, mahigit isang taon pa lang ang nakalilipas, nagmartsa ang mga org sa labas ng Ateneo, may dalang mga plakard, tapos nagmisa sa may gate 3, sa may parking lot. No blood for oil, ang sabi natin. Atenista, anti-giyera, ang sabi natin.

If there's one more gift, sabi natin, I'd ask of you Lord, it would be peace. Ang sabi natin, it would be peace here on earth. Korni na 'yung ibang lyrics nu'ng kanta, pero 'yun ang kinanta ng kung-ilampung Atenista.

Tapos, naalala ko rin, kabilang ang Pilipinas, kabilang ang gobyerno ni GMA, sa sangkaterba, sangkatutak, di-na-mabilang na mga gobyernong sumapi sa "Coalition of the Willing" ni Bush. Ilan ba? UK, Spain, Turkey... sino pa nga ba? Marami pa 'yun.

Naalala ko, sa isang pitak ng lupa sa loob ng Ateneo, sa gitna ng Rizal Lib at Colayco, nagsalita si Gus Rodriguez, si Eron, tumula ako, at kumanta ka ng "Imagine." At sa pagkakakanta mo, na para bang talagang humihiling, nakikiusap, nagmamakaawa sa aming mag-imagine, e halos naharaya ko na nga ang mundong walang giyera, walang patayan, walang sala. Halos ibinubulong ko na rin sa sarili kong, oo, nangangarap ka lang, Mikael, pero di ka nag-iisa.

Siguro kumakanta ka pa rin diyan; malamang nga. Halos nababanaag ko pa nga ang tinig mo, e. Pero baka alaala ko na lang ang naririnig ko. Malinaw pa rin naman.

Nito ngang Martes, pumunta kami nina Lij, Maita, Jonar, Naya, Aste, EJ, marami pang iba, sa Conspiracy; poetry reading kasi doon tuwing Martes ng gabi. Tinugtog ng banda nina Cholo, mga TunOrg ng UST, 'yung Every Little Thing She Does is Magic. Napahawak na lang kami ni Lij sa kamay ng isa't isa. Madalas, kinakanta niya 'yan. Naroon si Aste sa tabi namin, naroon ang gitara sa entablado. Sayang. Nasa malayo ka.

Magrerequest pa naman kami ng Nightingale, o Walang Hanggang Paalam, o Fly Me to the Moon, kung 'yun nga ang pamagat ng kantang nasa isip ko. Haay. Nostalgia ang tawag sa naramdaman namin noon. Siguro, nararamdaman mo rin iyon, diyan, paminsan-minsan, kahit papaano.

At alam mo bang may salitang Pinoy para sa nostalgia? Galimgim. Ang sarap sa tainga, 'no? Ang sarap laruin sa dila - parang natutuwa kami at mainam ang kalagayan mo diyan, parang mainam rin kami rito, parang kailan ka uuwi. Parang abo sa dila, abo sa dilang naroroon dahil wala nang ibang lugar pang dapat kalagyan ang abo. Dahil kahit papaano'y may sarap sa pait ng presensyang hinahanap-hanap, sa tuwing dadapo ang talampakan ko sa lupa ng Baguio, sa tuwing daraan sa harap ng Sweet Inspi, sa tuwing makakakita ng lumang kopya ng Heights, nagkalat sa mesa, tokador, sahig, sa bawat sulok ng silid at pusong di maipaliwanag ang nararamdaman, itong bahagyang, bahagyang pangungulila.


posted by mdlc @ 6:12 AM   0 comments
Thursday, May 13, 2004
Isa pa, isa pa, isa pang Chickenjoy.

***

Icarus

Sa dalampasigan ng Manila Bay
inanod ang kanyang bangkay.

Ay, anong himala!
Isang anghel!


Binuhat siya ng mga tao.
Lumuwa ang laman
mula sa kanyang mga sugat.
Kumawala ang sangsang
mula sa kanyang manas na katawan.
Nahulog sa buhangin ang mga butil
ng nabakbak na isperma.

Nalagas ang balahibo
ng lusak na pakpak.

Pinag-agawan nila ang bawat piraso.
Kakulay ng langit!
Kulay pilak!


Kakulay ng langit. Kulay abo,
nagpatingkad sa puti ng isang eroplanong
lumilipad papalayo,
lulan ang kanilang mga bayani.

Nang marinig ang ugong, tumingala sila
at kumaway.

posted by mdlc @ 5:16 PM   0 comments
Wednesday, May 12, 2004
Kung bakit ba sa tuwing marami akong ibang dapat pag-ubusan ng panahon e tsaka nangyayari ang ganito. Kagabi, nakatunganga lang ako, nagtotong-its kasama sina Erpats at Utol, umiinom kahit bawal. May report ako para sa dula mamaya, inaantok na ako, at tangina, sangkaterba pa ang reading ko.

Ang problema, hindi naman ako mapigil sa isang free-write session lang. On the spot revision pagkatapos. Kung sa dalawampung pahina lang sa notebook kong gusgusin, siguro e nakaubos ako.

Pero sino ba ako para magtampo? Tutal, bihira lang naman akong dalawin nang ganito.

O, siya, siya. Bagong tula.

***

Maynila

Kung ituturing kong ama
ang Maynila, marahil ay ituring niya akong
suwail na anak. Siya na rin ang nagturo:
ang hindi lumingon sa pinanggalingan
ay hindi magiging haligi ng asin.
Kaya nga't tumungo ako sa malalayong pook,
batid na sa bawat talampakang binagtas
ay may isang butil ng sarili kong nalagas
at lumason sa lupa.

Ngunit para bang may pako sa aking mga paa;
pakiramdam ko'y kinakaladkad ko
ang isang buong lungsod sa tuwing hahakbang.
Nalaman kong hindi arkipelago ang Pilipinas,
kundi mga pitak ng lupang
nakasambulat sa karagatan: Cebuano ang wika
sa Davao, palaging may bagyo
sa Batanes, ang Bayan ay totoo
sa isip lamang.

Ilang pusa na ba ang tumawid sa aking harapan,
na kagyat ko lamang malampasan
ay nagiging aswang?
Nakagat na ako sa alak-alakan, sa likod
ng tainga, sa mga bahaging malambot at masarap
ang laman. Saka ako tinitigan
nang para bang nagulat
sapagkat hindi ako nakiliti.

Sa paulit-ulit kong pagkadehado
ay naaalala kong pinagtatalunan pa rin
nina Santa Ana at San Lazaro ang pagkapatron
ng kabayo, at si San Miguel ang sasagot
sa lahat ng dalangin ko.
Sa bawat barong pagbihisan,
bawat kamang tulugan,
bawat digmaang masaksihan
ay tumatambad sa akin ang maalat na katotohanan:
mga pintong nakakandado,
ngiting iniukit sa yelo, nagpapaalalang
bisita lang ako dito.

Mahapdi ang bukambibig
ng mukhang nakahaharap ko
sa bawat paghilamusang palanggana:
ilan mang tao ang makainuman,
ilan mang lupalop ang madapuan
ay naliligaw lang naman akong talaga.

Matibay ang pako sa aking mga paa.
Ngunit bago maglakbay ay tinuklap ko na ito
gamit ang sariling mga daliri-- upang sa pag-uwi
ay may landas akong susundan:
isang kumpol ng namuong dugo sa bawat hakbang
at isang butil ng asin
sa bawat nalakbay na talampakan.

***

Dehins pa ako nakakapunta sa Davao o Batanes; kuwento-kuwento lang. Madali akong madala sa kuwento.

Teka, teka. Maggagayak na ako ng report. Unti-unti na akong nawawalan ng lakas. Ayan na nga't
posted by mdlc @ 1:37 AM   0 comments
Monday, May 10, 2004
Mayroon akong marka sa kanang hintuturo. Parang pinitpit ang kuko ko, parang pinukpok nang pinukpok hanggang sa mangasul, hanggang sa mamuo ang dugo. Para ba akong gerilya na nahuli ng mga kalaban; pinahirapan nang pinahirapan hanggang sa umamin: Nasaan ang kuta ninyo? Saan at kailan ang mga pinaplano ninyong pagsalakay? Sumumpa ka ng katapatan sa amin, kung ayaw mong mamatay.

Gayon ang karanasan ng pagboto - parang torture, kahit papaano. Dahil yung kutob na kahit ano ang mangyari e wala naman talagang mangyayari, yung kutob na iyon, para bang tinutuklap ang kuko ko sa kanang hintuturo, para bang pinapalipit ang bituka ko, ang kolektibong bituka ng sambayanang Pilipino. Gayon ang karanasan ng pagboto sa bayan kong sawi, sa Pilipinas kong mahal, mahal nang higit pa si kapirasong daliri. At oo, sa maniwala kayo o sa hindi-- higit pa sa buhay.

Ang sabi ni Ambeth Ocampo sa klase niya noong senior ako, sa History 165, hindi mo naman talaga puwedeng mahalin ang bayan mo. Paano daw naman kaya gagawin iyon? Hindi mo naman puwedeng halikan ang lupa, hindi puwedeng hawakan ang kamay kung manonood kayo ng sine, hindi ka ipagluluto ng arrozcaldo kung bumabagyo, hindi puwedeng katabi sa pagtulog. Hindi puwedeng katalik.

Pero ang uri ng pag-ibig na tinutukoy ni Ambeth dito e yung uri ng pag-ibig na nakakabuwisit, pag-ibig ng team captain ng basketbol sa head cheerleader. Kahit anong lawak ng haraya ng isang tao, hindi naman talaga siya makakikita ng commercial model sa hugis ng mapa ng Pilipinas. Ayan nga't mukhang fetus na inabort ang bansa natin. Yung pag-ibig na sinasabi niya e yung pag-ibig na nang-iiwan. Sex lang ang habol.

At kahit ano ang sabihin ni Ambeth, kahit ilandaang Atenista ang turuan niya, hindi ako maniniwala. Dahil mahal ko ang Pilipinas, at marami akong kilalang mahal din ang Pilipinas. Kahit pa ba hindi siya nakaka-holding-hands sa ilalim ng nakakikiliting ambon.

Yung batang nagbebenta ng sampaguita sa labas ng simbahan ng San Roque, nang para bang poon akong inaalayan ng mga hiyas, kapalit lang ng ilang baryang-biyaya, iyon, iyon, minamahal iyon. Yung drayber ng dyip na lumihis sa ruta para lang maibaba ako nang mas malapit sa kapilya ng St. Paul noong kasal nina Anna at Ken, minamahal iyon. Yung tinderang pumayag na bigyan ako ng isang pirasong Halls at isang istik ng Marlboro para sa dalawang piso, putangina, minamahal iyon. Pinagpapalit ang buhay para sa kanya, sa kanila.

Ang tao at ang bayan, ang taumbayan at ang bayan, iyon, iyon, iisa lang iyon. Iyon ang minamahal. Yung titser na habang kumakain ng tanghaliang tilapia kanina e inaayos na ang proseso para mabigyan ako ng balota, iyon. Iyon ang minamahal.

Pagsusulat ang napili kong propesyon, at siguro, mamarapatin ko nang sabihing ito na rin ang pumili sa akin. Nakapagsulat na ako ng ilang akda, kahit papaano, sa loob ng iilang taon pa lamang mula nang nagsimula ko; mga tula, sanaysay, kuwento na kahit papaano ay may nagbabasa naman, dahil nailalathala. Kakaiba ang kapangyarihang nararamdaman ng isang manunulat sa tuwing nakikita niya ang pangalan niya sa ilalim ng pamagat ng isang akda. Kakaiba ang kapangyarihang nararamdaman ko. Putangina, may nagbabasa sa gawa ko, at nalalaman niyang ako ang may gawa noon. Nakaaantig ako ng damdamin, nakapagpapabago ng isip, nakapagpapakislot ng dibdib. Ako iyon.

Pero kanina, kanina ko naramdaman ang pinakamasidhing kapangyarihang mayroon ako, sa dalawampu't apat na pangalang inilista ko sa balota. Ang lakas ng titik, ng salita, ng tinta-sa-papel. Ang lakas ko kanina. Kaya kong magpakain ng ilampung milyong mamamayan, kaya kong buhatin sa balikat ko ang isang buong sambayanan. Dahil bumoto ako. At hindi ko kailangang lagyan ng pangalan ko ang balotang iyon para maramdaman ang kapangyarihang taglay noon. Right thumbmark lang.

At alam ninyo kung ano ang mas astig? Mas astig ang katotohanang hindi lang ako nag-iisa. Kahit yung nagtitinda ng sampaguita sa San Roque (pagtanda niya,) yung drayber ng dyip sa Concepcion, yung tindera ng yosi sa harap ng SM Manila, lahat, singlakas ko. Kahit pa ba kumakain ako nang matino, nang tatlong beses sa isang araw, kahit pa ba alam ko ang pasikut-sikot ng New Criticism at ng kasaysayan ng Dulaang Pilipino, magsinglakas lang kami, tayo. Tig-iisang boto lang tayo.

Yung kapangyarihan na iyon, inaasahan ng kapwa kong gagamitin ko nang makatarungan, at hindi, hinding-hindi ko sila bibiguin. Kahit pa ba pitpitin ang kuko sa kanang hintuturo ko. Kahit pa ba ipako ang talampakan ko dito sa Precinct 1717A, District 3, Manila. Kahit pa ba matapos nang lahat ng mangyayari e wala rin naman pala talagang mangyayari, hindi ko sila bibiguin, kahit ilang ulit pang iharap sa akin ang pagkakataon. Dito lang ako. Steady lang ako dito.

posted by mdlc @ 12:24 PM   0 comments
Saturday, May 08, 2004
Mga Aralin sa Katutubong Anyo

I. Tanaga

1. Bangungot-Kolonyal

Sa simoy na dayuhan,
nabuwal ang kawayan--
nabiyak at nagluwal
ng t'yanak at tikbalang


2. Bulalakaw

Kumirot ang 'sang tala
kasabay ng gunita.
Bumulusok sa lupa.
Natunaw. Naging luha.

II. Dalit


1. Balikbayan Box

Nangungutya ang pag-asa
sa kahon mong 'pinadala:
inangkat na alaala
at binuwisang pagsinta.

2. Migratory Patterns

Nagsipagwasak ang pakpak
ng pumakanlurang tagak.
'Sang inakay ang umiyak
sa piling ng mga uwak.

3. Bugtong sa Tag-init

Ang bungang kupkop ng ulap,
di masungkit ni mapitas--
dahon palang nagliliyab
at marahang lumalapag.

4. Salawikain sa Tag-init

Nang sa pampang manahimik,
tinangay ng panaginip;
noong maglunoy sa tubig,
sa daluyong pa naipit.

III. Awit

Ang Buwan ay Isang Sugat

Gabing tulad nito nang gawin kong berso
ang bawat bituin. Pilak na anino
ang ilaw ng buwan sa 'ting mga noo.
Kumislap ang hamog sa piling ng damo.

Ngayon ay buhaghag, tayantang ang lupa;
karayom sa mata ang sinag ng tala.
Iisang taludtod sa iisang tula:
ang buwan ay sugat; ang gunita, sumpa.

***

Hindi ko malilimutan ang una naming pagkikita ni Ken. Sa McDo iyon, sa Katipunan, noong ipakilala ako ni Moll kina Gelo, Cholo, Kit at Ken, na mga miyembrong lahat ng Thomasian Writers Guild. May dala akong isang napakapangit, kahindik-hindik, kasuka-sukang tula, na babasahin ko sana sa Love Out Loud, isang performance poetry contest na gaganapin dapat sa Cravings noong gabing iyon.

Hindi natuloy ang Love Out Loud; ang sagot sa amin ng mga waiter ng Cravings, "Ano? Labaw ano?" Ang naaalala ko lang ay ang pagkagulat ko sa anghang ng mga salita ni Ken matapos niyang mabasa ang tula ko.

"Bakit ganyan kayong tumula sa Ateneo? Pare-pareho. Para kayong buffet table na iisa ang putahe."

Sumikat na ang linyang iyon; di kami nabibigong pagkuwentuhan at pagtawanan ang insidente sa tuwing mag-iinuman ang TWG nang kasama ako. Sumikat na sina Gelo at Kit, nagtatrabaho na si Moll sa isang istasyon ng TV, at may girlfriend na si Cholo. Kahit papaano'y umusad na naman ang panulaan ko, salamat nang di kaunti sa mga kaibigang nakilala ko noong mismong gabing iyon.

At si Ken, si Ken, ikinasal na noong Miyerkules. Wala akong dalang regalo; sa totoo nga'y mukha akong basahang pinaglumaan ng talyer noong dumating ako sa simbahan.

Kaya nga't heto, pareng Ken, para sa iyo, para sa ating lahat noong matadhanang gabing iyon, mahigit dalawang taon na rin ang nakalilipas: isang "Tulang Atenista," pinitas mula sa buffet table na iisa lang naman ang putahe, tahimik pa sa unang ambon ng Mayo, nagninilay nang parang walang sanggol na nagugutom sa mundo. Nawa'y pagpapalain kayo ni Anna sa pagsalaot ninyo diyan sa dagat ng pag-ibig-na-may-ngalan. Binabati ko ang mag-asawang Ishikawa.


Alitaptap
pasintabi sa kuwento ni Jonar

Gabi.
Isang bata ang nakatalungko
sa ilalim ng kalansay
ng isang puno.
Umiiyak.

Wala nang alitaptap.
Nasaan na kaya
ang mga alitaptap?


Hindi niya pinapansin
ang mga patak ng luhang
humuhulagpos
mula sa kanyang mga mata,
naglalakbay, umaalimbukay
sa alangaang, kumikinang,
kumikinang sa kalahating-liwanag
ng buwan.
Malualhati ang paglapag

sa lupa ng luha.
Wari bang nangingilin
ang lahat:

ang pangingisay ng mga bituin
sa bukbuking kalawakan, ang paghikbi
ng kuliglig sa di-kalayuan,

ang pagkirot ng kanyang pusong
pumapayapa nang unti-unti,

unti-unting

pumapayapa.

posted by mdlc @ 5:01 PM   0 comments
Nito-nito lang
Minsan
Da Bayaw Kolektib
Template by

Free Blogger Templates

BLOGGER

Salamat sa pagrereto