abo sa dila

May iniisip ka? Oo. Ano? Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.

 
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
O, ha, Plurk, o, ha!
Radyo? Radyo?
Libreng humirit

Mag-exercise tayo tuwing umaga
Tambay ka muna
Lokal Kolor
Ano'ng hanap mo?
Basa lang nang basa
Tropa ko

    na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito

isa na namang tula, hindi na naman sa akin
Thursday, March 23, 2006
The Reading
W.S. DiPiero

After the fluttered knocks on the near green door,
the room fills with their various lights and flesh.

I know (through smoked glass, or gels) most of the faces.
Harry Grabenstein, my oldest friend, ushers them in.

In blue lamplight, my first girlfriend touches the nipple
moist under her blouse. Farther around the jagged circle

my father sits, scrubbing one hand with the other,
reading, or waiting for, some new message there;

he chokes as usual on the brink of speech,
torturing his flesh instead, while my sister,

grown older than he, custodial, painfully kind,
fails to heal him with her gaze and touch.

Toward the back I see a runt version of myself,
stubbing a cigarette in my palm. And cousin Tom,

in the studded leather jacket, gleaming punk silk,
dear Tom grins and tries not to spit on the rug.

In the unbodied loop and sway of breasts and arms
the faceless woman of my familiar dream is there,

lifting to my mouth the cool wooden bowl of milk.
To touch her, my hand must pass clean through.

She'll remind me, and I'll need to hear it said,
that the pilgrims who are or will be in this room

have come to listen, that I had better start soon,
before it gets late and everyone decides to leave.
posted by mdlc @ 5:52 PM   0 comments
tangina mo talaga, world
Monday, March 20, 2006
1.

Minsan, di ba, minsan, kapag galing ka sa isang mahabang araw, kapag pagod na pagod ka o kaya gutom galing sa eskuwela o trabaho, kapag pakiramdam mo e partikular na naging makabuluhan ang araw mo (marami ka bang natapos sa trabaho? may natulungang kaibigan? sumuweldo?) kapag ganun, di ba ayaw mong darating ka sa isang magulong bahay?

1.1. Hindi naman mahaba ang araw ko; hindi naman din sobrang makabuluhan dahil wala namang makayanig-mundong nangyari, walang mabigat na trabahong natapos, walang naghihingalong kaibigang natulungan, hindi naman ako sumuweldo. Pero kanina, pagdating ko, ang una kong naisip, Tangina, hindi ba puwedeng umayos na tayo?

1.2. Ganyan ang drama ng pamilya namin. Hindi ko pa pala naipapaliwanag kung ano ang drama-- sa totoo lang, ang gusto kong sabihin e Putangina kailan pa ba nahilig sa drama ng pamilya ko. Ba't ganito? Ano'ng nangyayari sa amin? Na normal lang naman yata sa lahat ng pamilya, o normal sa lahat ng tao.

1.2.1. Sa puntong ito e naaalala ko ang usapan namin ng isa kong tropa noong Lunes, habang hinihintay ang sukli sa tindahan kung saan siya bumili ng sigarilyo at Chippy. May pinag-uusapan kaming isang lumang problema, at tinanong niya kung okey lang ako ukol doon, at ang sabi ko, "Oo naman. Wala na sa akin 'yun; alam mo namang hindi ako mahilig sa ganoong klaseng drama." At ang isinagot niya, "Alam ko namang wala kang hilig sa kahit na anong drama, e."

1.3 Noong bata ako-- noong batang-batang pa ako, noong hindi pa ako ganito, noong wala pa akong kahit na anong say sa nangyayari sa bahay namin-- kapag may mga ganito e tumatahimik lang ako, lumalayo sa gulo, gumagawa ng kung-anong bagay para ipakita sa mga kapamilya kong wala akong pakialam.

1.3.1. Kapamilya. Ang sarap sabihin, sa totoo lang, kahit pa ba kahit papaano e may pait na dumadapo sa dila ko tuwing babanggitin ko iyon sa konteksto ng pamilya ko; may pait, parang abo.

1.3.2. Sa totoo lang, proud ako sa amin, e. Sa pamilya ko. Dito ko natutunan kung paanong tawanan ang kahit anong problemang dumarating. Madalas kaming masaya, madalas magtawanan; madalas, mga sarili lang din namin ang pinagtatawanan namin. Masaya 'yun. Pero sa dinami-rami ng kagaguhang nangyari sa amin-- kay Utol, lalo na-- ewan. Minsan bumibigay na lang kami. Minsan aabot sa puntong nakakahiya nang tumawa, dahil ang pagtawa e para na ring pagpapakita ng kamanhiran. Minsan, aabutin ko ang nanay ko at ang ate kong umiiyak, o lumuluha, katulad kanina, at kapag umupo ako para maghubad ng sapatos e biglang pupunta sa banyo ang nanay ko, at ang ate ko naman, tatanungin kung kumain na ba ako.

1.3.2.1. Kalahati sa akin, ayaw maki-drama. O siguro, mahigit sa kalahati, ewan. Pero may bahagi ring nahihiya, gustong makisawsaw, may gustong patunayan, dahil alam kong sa isip nila, bata pa rin ako, ako ang bunso nilang iskolar, ang bunsong nakapagtapos sa matinong eskuwela, ang bunsong hindi na dapat inaabala sa maliliit na drama nila.

1.4. Ngayon, ewan ko kung pakiramdam ko e tumanda na ako, tumatanda na. Pero kanina, gusto kong suntukin ang pader, gusto kong sumigaw, gusto ko silang sigawan. Gusto kong sabihin sa kanilang huwag naman ninyo akong iliban. Pero dahil nga nakaugalian na rito sa bahay ang pagpapagaan sa mabigat, ang sabi ko, kalmadong-kalmado, "Oo naman, kumain na ako. Mukhang may hapenings na naman dito, a. Ano'ng meron?"

2.

Tengga ang utol ko. Istambay, bum, walang trabaho. Pinipilit niyang dumiskarte pero sa ngayon e wala talagang madiskarte; hindi siya makakuha ng matinong trabaho dahil-- dahil basta; sabihin na lang natin na mabigat at malupit at hindi kaaya-aya ang kasaysayan niya, lalo na dati nu'ng binata pa siya, nu'ng gago pa siya. Nagkatrabaho na siya, matagal-tagal din siya du'n, sa kompanya ni Ninong. Pero talagang hindi yata niya kayang humawak ng trabaho. Hirap siyang magdisiplina pagdating sa oras-- parang ako. Natanggal siya sa trabahong iyon bago sumapit itong huling pasko, at ngayon, tengga siya, istambay, bum.

2.1. Bukod sa tengga, istambay, bum, mayroon din siya nu'ng kung tawagin sa pelikula e "anger management problem." Madaling mag-init ang ulo niya; madalas niyang sigawan ang mga pamangkin ko, madalas niyang awayin ang hipag ko. Ang basa ng nanay ko, na isang sikolohista, ang "anger management problem" na ito e nakaugat sa isang kalagayang kung tawagin sa pelikula e "depression." Napapalala pa ito dahil mayroon din siya nu'ng kung tawagin sa pelikula e "alcoholism."

2.1.1. Hindi ito 'yung alcoholism na palagi kong ikinakailang mayroon ako. 'Eto 'yung alcoholism na kapag nakainom na siya e nagtutulak sa kanyang magbasag ng bote sa harap ng bahay niya, hamunin ng suntukan ang mga kainuman niya, sugurin ang nanay ko at tatay ko at pagmumurahin sila at sisihin sa lahat ng kagaguhang nangyari sa buhay niya.

2.1.2. Pero hindi naman siya mahirap pakisamahan, lalo na kapag hindi siya umiinom. Ginagawa niya ang lahat para maging productive sa loob ng mga parametro ng pagkatengga: naglalaba siya, nagluluto, naglilinis. Minsan lang talaga siguro, mahirap na lang maging productive, at mas lalong mahirap tumawa na lang sa harap ng lahat ng kaletsehang inihahain sa kanya ng marahas na putanginang world na 'to.


2.2. Minsan nahihiya akong magsabi ng kahit na anong magpapaalala sa kanya kung gaano kabadtrip ang situwasyon para sa aming lahat. Hindi dahil takot akong makasagupaan siya dahil nga hindi ko siya inaatrasan kapag sinusumpong na naman siya ng anger management problem niya. Siguro simpleng malasakit lang. Siguro ayaw ko lang idiin sa kanya kung gaanong kabadtrip ang situwasyon para sa aming lahat. Siguro dahil kapamilya ko siya, kuya ko siya, siguro dahil mahal ko siya, at putangina, ayaw kong nakikitang nalulungkot ang kapatid ko at wala siyang magawang kahit-ano, wala akong magawang kahit na ano para maibsan ang lungkot na 'yun.

2.2.1. Hindi ko pa pala naipapaliwanag: ang tanging ipinamana ng lolo ko, ang tanging patunay ng pagkaintsik ng angkang pinanggalingan ko, e itong apat na up-and-down na apartment sa kalye Makata, dalawang kanto ang layo sa riles, dito sa Sta. Cruz, Maynila. 'Yung isa, tinitirhan namin. 'Yung isa, pinauupahan; 'yung isa, medyo barag-barag na (at wala pa kaming pampaayos) kaya't ginawa munang tambakan ng kung-anu-ano. 'Yung isa, tinitirhan ng kapatid ko.


2.3. Kaya nga sinanay na namin ang sarili naming makisama kay Utol. Pero si Taba, ang ate ko, hindi ko katulad. Hirap siyang intindihin si Utol. Hindi ko kayang ipaliwanag kung bakit ganoon ang ate ko-- ang alam ko lang, minsan umuuwi siya galing sa trabaho at pagod na pagod na siya at daratnan niyang nasa bahay ang mga pamangkin ko, hindi pa kumakain, hindi pa naliligo, hindi pa gumagawa ng mga assignment, at aasikasuhin niya ang mga ito. Ang alam ko, minsan nagpapahinga siya, natutulog sa sala, at kakatok ang kuya ko o pamangkin para pabuksan ang water pump. Ang alam ko, dati pa, hayskul pa ako, magmula nu'ng mapansin ni Taba kung gaanong kabigat ang kunsumisyong dala ni Utol sa amin, nagsimula na siyang manlamig sa panganay naming kapatid.

2.3.1. Huwag mo pala akong tanungin kung nasaan ang hipag ko. Sa totoo lang, wala akong pakialam. Hindi siya kasali, ayaw ko siyang isali sa kuwentong ito.

2.3.2. Kung nalalabuan ka, naka-tap sa amin ang linya ng tubig ng kuya ko. Gayundin ang kuryente. Minsan nababadtrip din ako sa dami ng bayarin, pero ewan. Siguro, silipin mo na lang 2.2. para sa mas maayos paliwanag.

3.

Ang totoo, hindi kasali si Utol sa mga kadramahang inabutan ko ngayong gabi. Tahimik siyang nasa bahay, nanonood siguro ng TV o nagbabasa. Siguro gusto ko lang isakonteksto ang kuwento kaya ko siya ipinakilala sa iyo.

3.1. Mayroon akong ayaw mamana sa erpats ko, na sa totoo lang e, pakiramdam ko, unti-unti ko nang nakukuha. Ito 'yung ugali niyang sige lang nang sige, 'yung ugaling walang pakialam sa bukas, 'yung ugaling hangga't may bubunutin, e di bumunot; at kung wala na, kung ubos na, e di magtiis.

3.2. Hindi naman masama iyon, di ba? Ang ibig ko sigurong sabihin, hindi naman palaging masama 'yun. Sa isang banda, masaya ang buhay kapag ganu'n; sa isa pang banda, sanay naman akong magtiis kapag wala na. Hindi naman ako matampuhin kapag kailangan kong mag-ulam ng itlog o lucky me pansit canton, o kung kailangang huwag muna akong mag-load ng cellphone dahil sa isang linggo pa ang susunod na suweldo. Ganito siguro ang dynamics ng gayong pag-iisip: willing akong magtiis bukas, basta masaya ako ngayong gabi.

3.2.1. Naaalala ko, dati, sa lumang apartment sa Abada, mayroon kaming isang kutson na kung tawagin namin ay "auto b." Kapag may bisita, kung sino mang may dala ng bisita ay matutulog kay auto b para mahigaan ng bisita niya ang puwesto sa bunk bed. Kaya auto b ang tawag sa matress e dahil "auto-buni" ang epekto nito sa sino mang hihiga.

3.2.2. Naisip ko, baka namana ko kay Erpats ang pagiging procrastinator ko. Umabot kasi sa puntong auto b na rin ang tawag sa akin ng mga kabarkada ko-- hindi dahil may buni ako, pero dahil kapag may kailangan akong gawin ngayong araw, e iinom muna ako, at ino-"auto bukas" ko ang mga gawain ko.

3.3. Pero minsan, kay Erpats, minsan, hindi na tama. Ayan nga't ilampung taon na kaming ganito at wala pa ring asenso, walang naipon, walang kahit-ano. Buti na lang mahusay mag-budget si Ermats. Minsan, kapag bagong suweldo, aabutan ko siya ng limandaan. Isang libo kung maganda ang nairaket. Kinabukasan, wala na. Ipinambili na ng blue seal na yosi, ipinantaya sa karera. Minsan, kapag ganado siya, dadalaw pa sa casino.

3.3.1. Ewan. Ang katuwiran ko, putcha, ibinibigay ko 'yun sa kanya para may panggastos siya. Kung uubusin niya kaagad 'yun, kung kuntento siyang mag-abang ng susunod kong suweldo para magkaroon uli siya ng panggastos, ganu'n talaga. Malaya niyang pasya 'yun.

3.3.2. Hindi ko pa pala nababanggit na tengga rin ang erpats ko, istambay, bum. Dati pa 'to, hayskul pa ako. Ang sabi niya noon, matanda na raw siya, at hindi na niya kaya nang may sinusunod pa ring boss. Hindi pa siya matanda noon, sa totoo lang. Hindi pa siya matanda nang kausapin niya ako at magpaumanhin dahil nag-resign siya sa trabaho, tutal naman daw e may umuupa sa tatlong apartment (noon 'yun,) tutal naman daw e wala naman akong binabayaran na tuition. Hindi pa siya matanda noon; ngayon, matanda na siya. Nakaraos naman, at natutunan ko nang tanggapin ang erpats ko.

3.3.3. Heto ang isa sa mga pinakamahalagang natutunan ko sa buhay so far: Hindi kailanman magiging makatarungan na hilingin mo sa kapwa mong magsakripisyo siya para sa iyo. Bakit mo hihilingin 'yun? Bakit hindi ikaw ang magsakripisyo para sa kanya? Paulit-ulit ko 'yang sinasabi sa sarili ko, bago matulog.


4.

Tinanong pala ako ng ate ko kung kumain na ako dahil nagluto siya ng pares. Masarap magluto ng pares ang ate ko, at ipinagtira talaga niya ako dahil alam niyang paborito ko sa lahat ng mga specialty niya ang pares beef na medyo maanghang pa.

4.1. Kanina, ang sabi ni Ermats kay Erpats, "Kapag kumatok ang mga bata ('yung mga pamangkin ko,) itanong mo kung ano ang ulam nila. Tapos bago pa sila makasagot e ku'nin mo 'yung hipon sa kaserola at iabot mo sa kanila. Huwag mo nang gagalawin 'yung kakaunting pares dahil hindi pa nakakatikim si Mikael nu'n." At saka sila umalis ni Taba papuntang simbahan.

4.2. "Buti na lang kumain ka na," ang sabi ni Taba, nang makauwi na ako. "Ang tagal ko pa namang pinakuluan nu'ng baka para lumambot," sabi niya. "Ang dami na nga nilang kinuha kanina, e," sabi niya. "Bakit naman ganu'n si Daddy."

4.3. Hindi ko alam kung paanong nangyaring iniabot ni Erpats sa pamangkin ko ang kaserolang may lamang pares kasabay ng kaserolang may lamang hipon, pero sa palagay ko, nang makita ni Erpats na kakaunti na lang ang hipon, naisip niyang ibigay na rin ang pares kay Julianne ('yung panganay kong pamangkin.) Naisip niya sigurong okey lang sa akin, tutal malamang e kumain na naman ako ng hapunan. Naisip niyang pagkain 'yun, susmaryosep, pagkain 'yun, at hindi dapat tinitipid, hindi dapat ipinagdaramot.

4.3.1. Oo naman, okey lang sa akin. Putangina pagkain 'yun e! Putcha. Ano ba naman.

4.4. At ayun nga, nag-away sila-- si Ermats at si Taba laban kay Erpats. Nakakahiyang ganito-- kay liit-liit na bagay. Pero lumabas ang lahat ng binanggit ko sa #2 at #3. Hindi naman ganoong kababaw ang pamilya ko para pag-awayan ang isang kaserola ng pares beef. Ito siguro ang dahilan kung bakit kapag sinasambit ko ang salitang pamilya e hindi ko alam kung ngingiti ako o titingin sa malayo. Madalas, ngumingiti na lang ako habang tumitingin sa malayo.

5.

Sa kalmadong paraan, nasabi ko ang sentimiento ko kina Ermats at Taba. Makikita ang sentimientong 'yun sa 4.3.1.

5.1. Pero matapos noon, umakyat ako at binuksan ang kompyuter, at isinulat ito. Oo, nagsulat ako: tumahimik na lang ako, lumayo sa gulo, gumawa ng kung-anong bagay para ipakita sa mga kapamilya kong wala akong pakialam.

5.1.1. Pero iba, e, iba. Hindi ako walang pakialam. Dati pa, miski noong bata ako, hindi naman ako walang pakialam. Paano ba sasabihing may pakialam ako pero putangina puwede bang umayos na tayo?

5.1.2. Hindi ko alam. Kaya nga ang ginawa ko na lang e umupo at sinabing, Kayo naman, o. Hayaan n'yo na. Para 'yun lang, e. At saka ako naglabas ng sangkaterbang tsokolateng binili ko sa Farmer's, malapit sa istasyon ng MRT, kinse pesos sa 50 grams. Masarap 'yung tsokolateng 'yun. Ang sabi ko pa sa kanila, Ayon sa research nakakapagpasaya ang tsokolate. At saka ko sila pinilit kumain ng tig-isang piraso.

5.1.2.1. At kusa naman silang kumain ng ikalawa at ikatlong piraso ng tsokolate. At saka ako pinaalalahan ng nanay kong uminom ng maraming tubig, dahil nga mataas ang blood-sugar ko, at masama sa akin ang maraming tsokolate.

5.1.2.2. Hind ko na binanggit sa kanyang siya ang ngata nang ngata nu'ng tsokolateng iniuwi ko. Tutal, para naman sa kanila talaga 'yun, e. Ang sabi ko na lang, Tirhan ninyo sina Julianne, a. Baka naman sabakan ninyo 'yan bago matulog. Sinabi ko 'yun kahit alam ko namang hindi na sila kailangang paalalahanan nu'n. Sinabi ko 'yun para makapagsalita lang, para matawa sila, para magkuwento sila ng pagkabadtrip nila kay Erpats at kay Utol, pero sa pagkakataong ito, habang may bahagyang tawanan na, habang nakangiti na kami pare-pareho.

6.

Sa totoo lang, minsan nahihirapan na akong pumagitna rito. Minsan, pakiramdam ko, lahat ng mga kapamilya ko bibigay na-- sa dami ng problema, sa hirap ng buhay, sa simpleng kamalasan lang. Siguro signos nu'n ang padalas at padalas na pagdapo ng drama dito sa mumunti naming tahanan. Minsan, pakiramdam ko, ang hirap nang magpatawa.

6.1. Siguro isang araw e bibigay na lang ako at ilalabas ang ulo ko sa bintana at sisigaw ng isang malakas na malakas na "Putangina mo, world! Pu-tang-ina mo talaga." Sa araw na iyon, aalingawngaw ang tinig ko sa buong Tondo, sa buong Maynila, maririnig mo, maririnig ng lahat ng kaibigan kong tulad mo'y nagbabasa rin nitong blog na 'to. Pero sa ngayon, okey pa naman ako, okey pa naman, kaya pa, kayang-kaya pa.
posted by mdlc @ 12:58 AM   11 comments
isang tulang hindi sa akin
Saturday, March 18, 2006
Big Ideas
Lawrence Raab

I read the papers and think about hatred:
and the way ideas, especially big ideas,
look more and more like excuses for hatred.
Once hatred sets you free
you can turn to it when you need it,
but after a while, if you have a knife
or a gun, more guys on your side,
you don't need it, and you destroy the village
because you can, because it's in your way.
Every morning: more reports of suffering.
It's terrible, we say, it's awful.
But we can hear how brittle
and abstract that sounds. It's terrible
to know about it. Where is the idealism
of my youth? Where was it
even then? All around us
the war we were trying to avoid kept pressing in,
and kids like me were getting stoned and listening
to Jimi Hendrix and The Doors and then
walking off into the jungle and dying.
I don't feel guilty for refusing to fight.
I don't feel good about it either.
And I think even then I knew too many

different things to learn to hate so purely
it could have swept me cleanly and completely
out of myself. Perhaps that's what
civilization means, knowing too much
to be able to feel only one way.
But who hasn't imagined
committing some unforgivable act?
What does it prove that most of us don't?
We watch the news, we read the papers,
afraid, sometimes, of what we understand.
posted by mdlc @ 4:03 AM   3 comments
huli sa uso
Monday, March 13, 2006
1.

Sige na nga, makikiuso na ako, kahit sobrang laos na nito. Sagutin mo, a? Prens naman tayo, di ba?

2.

Nagbabasa/comment/editnarinkahitpapaano ako ng paper ng isa sa mga alaga kong atleta ngayon. Tungkol 'to sa mga skin-whitening products, at kung paano raw 'yun nagsasalamin ng colonial mentality.

Ang dami kong gustong isingit. Medyo nakaka-- ewan. Nakakafrustrate siguro. Hindi dahil pangit ang paper (in fairness, not bad siya para sa isang junior na undergrad,) pero dahil alam naman nating mas komplikado ang dynamics ng "colonial mentality" at neocolonialism kaysa gaya-gaya, puto-maya lang, at mas mapapaganda ang paper nitong alaga ko kung may kakayahan siyang maglublob sa mga inihihirit ng mga post-colonial theorists.

Paano kong ipapaliwanag ang sabi ni rakstar Homi Bhaba:

"...colonial mimicry is the desire for a reformed, recognizable Other, as a subject of a difference that is almost the same, but not quite." Paano? Paanong idaragdag na bayolenteng proseso ng pang-aapi ito dahil para tayong asong pinaaamoy ng mamantikang tapa, tapos hinuhugot nang hinuhugot, papulga-pulgada, kapag lumalapit na ang mga nguso natin? 'Yung "slippage" na sinasabi ni What's-up-my-Homi-Bhaba, paanong ipapaliwanag 'yun?

O, paano kong ipapaliwanag na kahit papaano e naeempower tayo dahil sa panggagaya? Na sa kabila ng panggagaya e may kubling pag-aaklas? Na kapag nakita tayo ng colonizer na gumagaya e naiinsulto siya, at isa 'yun sa paraan natin ng pagbawi?

At bakit ang nagpapasirku-sirko sa isip ko ngayon e 'yung dambuhalang mga billboard sa Katipunan?

Ewan. Tangina, ewan.

3.

Kamakailan ko lang napakinggan 'yung "Chandeliers" ng The Care. Pootangina, p're, oo nga. Totoo ang bali-balita. Halos walang pinagkaiba sa tema ng Pinoy Big Brother.

Hahahaha. Postcolonial mimicry ba? O simpleng katamaran lang? Sobra 'to, a. Ginaya na, pinagkakitaan pa, at ang pinakamasahol du'n, inisip nila na sa buong Pilipinas e wala pang nakakarinig ng Chandeliers, kaya makakalusot sila. Siyet. Hindi na 'yung artistic integrity, e. 'Yung common sense na lang. Grabe.

4.

Oo, nagtututor ako ng atleta. "Academic coach" ang tawag sa akin. Suwabe, di ba?

Sa totoo lang, medyo hindi ako natutuwa kapag sa tuwing binabanggit ko 'tong raket na 'to e napapatingin sa sahig ang kausap ko at napapatawa at nagsasabing, "Bobo, 'no?" Kasi hindi naman, e, hindi naman sila bobo.

Nagkataon lang na ang tutok nila (dahil na rin sa mga pinasukan nilang hayskul at elementary) e nasa pagiging atleta. Pero mayroon naman sila nu'ng natural na pagiging palatanong, at tumutugon naman sila sa mga ideya, marunong ding umalma sa mga sinasabi ko, marunong sumang-ayon kung naiintindihan nila. Tang'na, p're, dehins sila bobo. Gutom din silang matuto. Nagkataon lang na hindi kasing-solido ng sa atin ang pundasyon nila, pagdating sa larangang akademiko.

At saka e ano kung mas marami tayong nababasa kaysa kanila, ano kung mas maalam tayo sa kasaysayan o sa math o sa pagtula? 'Yun na 'yun, 'yun na ba 'yun, mas astig na tayo? Sukatan na ang nabasa? Ang dami ng naisulat? Sino ang nagsabi? Papaano kung pagdating mo pala sa langit e sinusukat din ang assist-to-turnover ratio, ang field goal percentage?

Ang punto ko, putcha, please, pag nagkasalubong tayo, huwag mo naman akong hihiritan nang sablay tungkol dito.

Saka, isa pa, kani-kaniyang raket lang 'yan, mehn.

5.

Tula pala. Astig 'to, p're:

To Help The Monkey Cross the River
Thomas Lux

which he must
cross, by swimming, for fruit and nuts,
to help him
I sit, with my rifle, on a platform
high in a tree, same side of the river
as the hungry monkey. How does this assist
him? When he swims for it
I look first up river: predators move faster with
the current than against it.
If a crocodile is aimed from up river to eat the monkey
and an anaconda from down river burns
with the same ambition, I do
the math, algebra, angles, rate-of-monkey,
croc and snake-speed, and if, if
it looks like the anaconda or the croc
will reach the monkey
before he attains the river's far bank,
I raise my rifle and fire
one, two, three, even four times, into the river
just behind the monkey
to hurry him up a little.
Shoot the snake, the crocodile?
They're just doing their jobs,
but the monkey, the monkey
has little hands, like a child's
and the smart ones, in a cage, can be taught to smile.

6.

Uhmmmm, a, e... Wala lang. Chess tayo?

Ha? Ang labo, 'no?

Hehehe. Oo nga.
posted by mdlc @ 2:13 AM   3 comments
huli man daw at magaling, hindi pa rin tatanggi sa libreng beer
Friday, March 10, 2006
1.

P're, pasensya na kung medyo nahuli ng ilang araw ang post ko. Ang dami lang kasing inaasikasong raket (tangina wala pa ring nagbabayad?) at kung anu-ano pa. At saka, oo, tinamad din akong magpaskil dito.

2.

Naaalala ko nu'ng isang araw: nakasakay ako sa dyip, sa harap ako nakaupo, at dumaan kami sa harap ng isang rally. May plakard na nakataas: "Mag-ingay! Bumusina laban sa 1017!"

Ang sabi ko sa tsuper, habang nakangiti, "Manong, busina naman diyan." Ngumiti rin si manong, pero ang sabi niya, "Hindi, pare. Gusto ko lang namang magtrabaho nang tahimik. Sa totoo lang, 'yang mga rally na iyan, pinipigilan lang akong magtrabaho nang tahimik."

Oo, may punto, tama. Sa totoo lang, hindi na ako nagsalita-- malapit na ako noon sa bababaan ko. At nahiya na rin ako kay manong. Pero kung nakapagsalita noon, ito ang sasabihin ko:

"Kuya, magkano'ng naiuuwi mo sa isang araw? Ano ang nabibili mo doon? Dalawa, tatlong latang sardinas, pabaon sa mga anak, kaunting panigarilyo? Kuntento ka na ba doon?

"sa tingin mo ba, normal dapat iyon? Na kung tsuper ka 'lang' e hindi ka na dapat makakabili ng gusto mong bilhin, hindi mo na mapapag-aral ang mga anak mo sa matinong paaralan dahil barag-barag ang public school system? Na napupurga na'ng pamilya mo sa itlog at asin dahil wala kang ibang mabiling ulam, dahil wala kang kita, dahil sobrang mahal ng gasolina? Manong, kuntento ka na ba niyan? Sa tingin mo ba, dahil paulit-ulit na at wala na ring nangyayari, wala ka na ring magagawa?"

At titingnan ko siya, mata sa mata, at sasabihin kong, "Manong, may magagawa ka. Puwede kang magsalita."

Sa kakaunti pa lang na napagdaanan ko sa buhay, napanood, nabasa, nahugot sa ere gawa nga ng murang edad ko, heto ang isa sa mga pinakamahalagang natutunan ko: ang pinakamalaking kasalanan ng kahirapan ay ang pagpapaloob sa mamamayan sa loob ng isang siklo, isang sistemang ninanakawan sila ng pagkakataong umasa. Kasi, ang ikinatao ng tao, para sa akin, ay ang kakayahan nating umasa. Umasang aayos ang lahat. Umasang matatapos din ang gulo, ang pagpipicket, ang sigawan sa kalye, at isang araw e uuwi na tayong lahat, kung saan naman talaga dapat tayo naroroon. Umasang bukas makalawa, kapag ang (magiging) anak ko naman ang kailangang magtrabaho para sa pamilya niya, e hindi na niya kailangang danasin ang paghihirap na dinaranas ko. Ngayon, kung ang gobyerno natin mismo ang nagdidiin at nagkukulong sa atin sa siklo ng kawalang-pag-asang iyon, nakupo. Siguro naman kailangan nating magsalita man lang, di ba? O ako, at least, sa tingin ko, ganoon.

Kung sa tingin mo, hindi, okey ka lang na nag-aabang ng araw suweldo, at sa susunod na araw ng suweldo e ganu'n ulit, paulit-ulit, e putcha, ganu'n talaga. Sabi ko nga du'n sa isa kong entry, gawin mo na lang ang kaya mong gawin sa pinakamahusay na paraan: work, and work well. 'Yun na ang mismong kilos-protesta mo, parang: "Huhusayan kong magtrabaho, ipapakita kong hindi ako nagpapalamon sa sistema ng kadiliman at pagiging disilusyonado."

Pero alam mo, p're, 'yang mga nagpipicket, heto ang simple at tagos-sa-bitukang katotohanan: mahal ka nila. Akala mo ba madaling magmartsa? Tangina, p're, hindi biro 'yung ginagawa nila. Bakit pa? Kasi ayaw nila nang iniisip mo kung saan kukuha ng pambayad ng tubig at kuryente, ng pambili ng LPG, tangina, ayaw nilang iniisip mong okey lang maputulan ka muna ng telepono dahil wala ka pang budget para du'n. 'Yung mga sundalo sa fort boni nu'ng isang linggo? Mahal ka nila, p're. Okey lang sa kanilang mamatay at/o pumatay para sa iyo. Handa silang ipananggalang sa bala ang mga katawan nila para sa iyo. 'Yung mga taong nagrarally, p're, oo, hindi ka nila kilala, pero ikaw pa rin ang iniisip nila, sa kabila ng lahat.

3.

Heto, mehn. Ngayon, as in ngayong araw na ito ang deadilne. Ngayon, as in limang minuto pa lang ang nakakalipas nang matsambahan ko sa internet ito. Pero baka lang 'ka ko madaling-araw mo ako natsambahan, e, at bagong post pa lang 'tong isinusulat ko. Baka puwede ka pang pumaspas ng entry; sayang din, kung manalo ka, breds din 'yun.

Talaang Ginto: Gawad Komisyon ng Wikang Filipino sa Tula― Gantimpalang Collantes 2006

Mga Tuntunin:

1. Ang TALAANG GINTO: GAWAD KWF SA TULA ― GANTIMPALANG COLLANTES 2006 ay timpalak sa pagsulat ng tula sa Filipino na itinataguyod kapuwa ng Komisyon sa Wikang Filipino at Jorge Collantes Foundation kaugnay ng pagdiriwang ng Araw ni Balagtas tuwing ikalawa ng Abril taun-taon.

2. Nilalayon ng timpalak na (a) lalo pang pasiglahin ang panulaang Filipino sa pamamagitan ng pagkilala sa mga batikan at baguhang talino at (b) pataasin pa ang uri ng panulaang Filipino.

3. Ang timpalak ay bukas sa lahat maliban sa mga kawani ng KWF at sa kanilang mga kaanak.

4. Bawat lahok ay kinakailangang tumutugon sa mga sumusunod:

Paksa: Malaya ang paksa
Haba: Walang takda ang haba
Sukat at tugma: Maaaring ilahok ang mga tulang may sukat at tugma; maaari rin ang may malayang taludturan.
Bilang ng lahok: Isa (1) lamang tula ang maisasali ng bawat lahok
Bilang ng kopya: Apat (4) na kopyang makinilyado o kompyuterisado na may dalawang espasyo, sa bond paper na may sukat na 2½” at 11.”
Deadline ng timpalak: Marso 10, 2006
Mga gantimpala: Una, P 13,000.00 at titulong – Makata ng Taon 2006; Pangalawa, P 10,000.00; Pangatlo, P 8,000.00 at tropeo bawat isa. Magkakaloob din ng P3,500.00; P 3,000.00 at P 2, 500.00 p/s magwawagi ng una, pangalawa, at pangatlong karangalang-banggit at plake sa bawat isa.

5. Ang mga lahok ay di dapat magtaglay ng pangalan ng kalahok o ano mang pagkakakilanlan sa kanya. Ang pangalan at tirahan ng kalahok at iba pang impormasyong personal ay kailangan isulat sa isang hiwalay na papel.

6. Ang mga lahok ay maaaring dalhin nang personal o ipadala sa koreo sa:

Lupon sa Tula 2006
c/o Jess Ferrer
Komisyon sa Wikang Filipino
1610 Watson Bldg., Malacanang Complex
J.P. Laurel St., San Miguel, Manila

7. Ang mga lahok, nanalo man o natalo, ay di ibabalik sa mga kalahok.

8. Ang pasya ng inampalan ay pangwakas at di maipaghahabol.

9. Makapagtatanong sa KWF, tel. 7363832.


Sali ka, a. Titingnan ko kung makakagawa ako ng paraan at panahon para makahabol. Pag hindi, malas. Pero pag nanalo ka, libre mo akong beer, a?


4.

May nagsabing kinakasangkapan lang naman ng mga kung-sinong halang ang kaluluwa itong mga nag-rarally na 'to. Sa totoo lang, hindi ko alam. Maaari. Posible. Malamang, hindi mo rin alam.

At kung hindi mo alam, magpapaparalisa ka ba? Kung ngayon na, ayan na, puputok na'ng bomba at pipili ka lang sa green wire o sa red wire, ano, hindi ka ba pipili ng puputulin? At sa huli, ano'ng maaasahan mong gumabay sa iyo sa pagdedesisyon mo?

Noong nasa college pa ako, tinanong ko na rin 'yan sa titser ko sa Liberation Theology. "Sir," 'ka ko, "paano kung hindi mo alam? Paano kung pinapaikot-ikot lang din tayo, at sa huli, ginagawang uto-uto? Paano kung sa huli, hindi ko na alam kung sino ang paniniwalaan? Paano maghahanap ng social justice sa ganoong konteksto?"

Simple ang sagot ng paborito kong guro noon: "Tawag ng budhi."

Wala kang ibang aasahan kundi 'yung sarili mong budhi. O kutob, kung gusto mong tawaging gayon, o instincts. Kapag nakita mo ang kapwa mong nagpiprito ng mga butong napulot mula sa basurahan ng Jollibee, kung makita mo 'yung kapitbahay mong grade 5 na nilalakad mula Blumentritt hanggang Bambang dahil wala nang maipabaon sa kanya'ng mga magulang niya, kapag nakita mo siyang umuuwi nang pawisan at laspag ang sapatos at mukhang wala nang lakas para magbasa pa ng libro, kapag nakita mo 'yun, isipin mo, hindi, huwag mo nang isipin, pakiramdaman mo na lang, pakiramdaman mo: ano ang dapat mong gawin? Saan ka dapat manindigan? Sa huli, kapag nakita mo nang namamaluktot sa hirap ang kapwa mo, 'yun, kung ano ang magiging kilos mo kapag nakita mo 'yun, tinitigan, 'yun. 'Yun ang ikilos mo, at umasa kang nasa tama ka.

5.

E ano pa nga ba ang ipinuputak ko rito gayong iniangat na'ng 1017?

Tangina. Kung kailangan mo pang itanong 'yan, wala kang naintindihan sa mga sinabi ko. Uminom ka na lang, at iinom rin ako, at sana magkita tayo. Kung mangyari 'yun, ililibre kita ng isang boteng pilsen, magkausap lang tayo.
posted by mdlc @ 12:45 AM   4 comments
extended ang deadline ng literary apprentice
Tuesday, March 07, 2006
Pssst. P're, huwag kang maingay, a, pero extended ang deadline ng lit-app.

Ha? Okey. Ba't na-extend? Dahil ba wala pang nagpapasa?

Awa ng Diyos, meron na namang mga nagpasa. Pero ewan din, e, bitin pa siguro. Sana may mga magpasa pa. Sana magagaling lalo. Sayang naman.

A, o sige. Kailan naman 'tong bagong deadline mo?

Sa Ika-31 ng Marso, Biyernes. Matagal-tagal rin 'yun.

Oo nga, puwede pang humabol ang mga gustong humabol.

Naaalala mo ba kung ano 'yung mga requirements?

Oo naman. 3-5 tula sa iisang msword file sa litapp.tula@gmail.com. 35 anyos ang age limit. Tapos write-up, sa body ng email.

Oks. Tama. Paalala lang, a-- write-up, hindi resume.

Hehehe. Ba't, may mga naglalagay ng resume?

Oo, ang dami. Ganito ang write-up, o, sampol: "Si Leopoldong Libag ay tubong Tondo, Manila. Nakasali na siya sa "How to Use a Rusty Knife to Greatest Effect" Workshop ni Dodong Scarface, at nalathala na rin sa "Taong Grasa Quarterly" at sa "Tsibog: A Journal for Peopl who Haven't had a Decent Meal. Madalas siyang maligo, hindi man halata sa hitsura at amoy niya."

Puwede, puwede. Tula, 'no, poetry in Filipino?

Yepyep. Oo, tang'na, may mga nagpapasa ng Ingles na tula, e. Mahirap bang intindihin na kapag sinabing, "Tula lang, a, Poetry in Filipino," ang ibig sabihin e tula lang, poetry in Filipino?

Hindi naman. May mga ewan lang talaga siguro. Pero saan magpapasa nu'ng ibang genre?

Ewan, e, di ako masyadong close du'n sa ibang editor. Ang alam ko lang e naghahagilap pa rin ng mga contrib si Anna Sanchez-Ishikawa para sa fiction.

O, 'yun, paano namang magpasa doon?

Maximum 25 pages double-spaced, Times New Roman 12 ang font, sa arkhan_blue@yahoo.com. Hindi ko alam ang deadline, pero sa lalong madaling panahon din 'to.

Okey. Solb. Ano, okey ka nang magpaalala? Inom na tayo?

Sandali. Pakikalat naman 'to sa mga tao. Baka wala ring marating 'tong anawnsmen ko, e.

Labo. Sabi mo huwag maingay. Pero sige, ikakalat ko. Di ka pa umiinom barag na'ng utak mo.

E wala na nga akong pang-inom, e. Spot mo 'ko?

Hindi, 'no. 'Ala na rin akong breds, e. Utangin muna natin kina Kuya Bhoyet? Kahit gin lang.

Ta's tubig ang chaser? Tangina hardcore.

Ba't, may pang-beer ka?

'Ala. Puwede na 'yun. May kalamansi naman ako sa ref, e. Game. Sige. Tara.
posted by mdlc @ 10:28 PM   2 comments
Kundi Yaong Naglalaho
Saturday, March 04, 2006
Ngunit walang nasalang ang kanyang mga daliring
pilit lumalamukot sa dilim.
Muli,

magsisimula siya sa dulo, magmumuni
kung paanong ang lahat ng awit ay umuusbong

mula sa pangangatal ng katahimikan.
Paanong matatanganan ang haraya?

Paanong pawawalan? At paanong titipuning muli,
matapos ang dagliang pagsasatubig? Titindig siya,

lalapit sa bintana. Sa labas, umuuwi
sa lupang tayantang ang marurupok na dahon.

At ang lupa, saan naman mananahan?
Ipipinid niya ang bintana. Ititikom

ang kanyang mga labi, pipikit. Ano nga ba ang talukap
kundi yaong naglalaho sa iglap ng pagdilat?


Tatangkain niyang tuklapin ang mga langib
mula sa sugatan niyang pananalig.

May nagkukubling liwanag. May kumakawalang tinig.
May iba pa bang anyo ang pananalangin?
Ngunit

walang nasalang ang kanyang mga daliri. Tahimik
na nagkukubli ng malasakit ang bintana: sa labas,

hinahalukipkip ng hangin ang nahubdang mga sanga,
hinihilom ang mga puwang sa alangaang,

payapang pinupunan ang bawat paglalaho.
posted by mdlc @ 4:13 PM   0 comments
panawagan
Thursday, March 02, 2006
Gawin natin ang magagawa natin para makatulong, at gawin natin nang maigi.

Heto ang isang napakagandang tula. I wish I'd written it.

'Yan na muna.
posted by mdlc @ 4:30 PM   0 comments
putcha naha-highblood ako sa ilang mga blog entry na nabasa ko
Wednesday, March 01, 2006
Ano pa nga ba ang masasabi ko? Kung kuntento na silang nag-aabang ng araw ng sahod, kinakatikot ang bago nilang i-pod nano, nagjajakol o nagpipingger habang unti-unti nang nagugunaw sa gutom at disilusyon at galaiti ang mga taong minsan e ikinahihiya naman nilang tawaging "kababayan," ano pa ang magagawa ko? Gaya ng pagtulog o pagtae, o pag-ibig, wala namang sapilitang malasakit. Kung sadyang manhid sila, hindi ko sila pipilitin. Walang makapipilit sa kanila.

Ang galing ng dinamiko ng pakikipagkapwa, ng sakripisyo: hindi mo puwedeng hilingin ito mula sa kapwa mo; kaya mo lang gawin ang makakaya mo, at umasa sa kabutihang-loob ng ibang mga katulad mo.

(Kanina, habang nakasakay ako sa LRT, may naisip ako. Hindi ko na ito maalala ngayon.)

Heto, idedeklara ko: hindi ako naniniwala sa Diyos. O, ayaw kong tawaging Diyos ang pinaniniwalaan ko. Pero ang sabi ng isang rakstar na Talmudic scholar na itago natin sa pangalang Levinas: nag-iiwan ng bakas ang Diyos (o ang Absoluto, ang walang-hanggang entidad na di maikulong sa konsepto o wika) sa Mukha ng kapwa, at maaari lang makipagtagpo sa Diyos sa pamamagitan ng walang-hanggan ding pananagutan sa kapwa, maaari lang Siyang matanganan du'n sa espasyong namamagitan sa Akin at sa Iyo. (Illeity yata ang tawag sa "walang-hanggang pakikipagtagpo" na iyon.)

Heto, para sa lahat ng mga taong hindi maintindihan "what the fuss is all about:" Kaya kumikilos ang mga tao, kaya nagbibilad sa init ng araw at binabarhan ang mga kalsada, kaya di kayo makauwi nang maayos dahil sa trapik, kaya nangyayari iyon, e dahil nakakaramdam sila ng malasakit. Dahil nakikita nila ang Mukha ng kapwa nilang nadudurog sa hinagpis, at para bang ikinukuyom ang sarili nilang mga puso sa harap ng Mukhang iyon. Dahil nagtatangka sila, sa sarili nilang paraan, na makipagtagpo sa Banal. Dahil gusto nilang kumilos tungo sa mabuti.

Ngayon, tama nga naman, hindi naman natin puwedeng pilitin ang kapwa natin na kumilos tungo sa mabuti. Di ba? Ewan ko sa inyo, a, pero ako, heto ako, sumasakit ang batok, nagsisisi dahil ang hilig ko sa pagkaing ma-cholesterol, wala nang pakialam kung ma-high-blood din sila (bawi-bawi lang 'yan, 'no,) nagbabakasakaling mababasa naman nila ito habang nag-aabang sila ng araw ng sahod, nag-a-upload ng mga bagong kanta sa kyut na kyut nilang mga i-pod nano, habang nilalaro nila ang mga titi o puke nilang manas na manas na, wala nang ilalabas, manhid na manhid na, manhid na manhid pa rin.
posted by mdlc @ 12:41 AM   4 comments
Nito-nito lang
Minsan
Da Bayaw Kolektib
Template by

Free Blogger Templates

BLOGGER

Salamat sa pagrereto