May iniisip ka?
Oo.
Ano?
Ayaw kong sabihin. Baka magkatotoo.
Dahil makulit ka
Kilala kita. Oo, ikaw 'yun: Nagkasalubong na tayo minsan, sa LRT, sa Gotohan, sa kanto ng Aurora at Katipunan. Nagkatinginan tayo. Hindi mo ako kinausap, pero alam ko, nakilala mo rin ako. Kaya ka narito, di ba? Para sabihing, Oo, oo, ikaw nga 'yun. Naaalala kita.
na, mula noong 24 Enero, 2006, ang nakitambay dito
Tuesday, May 31, 2005
Isa sa mga bagong dalumat na napulot ko rito: non-fiction lang ang genre na idinedefine ng kung ano siya hindi: hindi siya fiction, in the sense na hindi siya kasinungalingan. Ibig sabihin, hindi pa malinaw kung ano ang estetikang dapat sundan sa pagsusuri ng non-fiction. Hindi siya stir, pero puwede namang maglagay ng ilang stir para mapalitaw nang husto ang totoo. Kuwento ba siya? Maaari, mainam kung sundan niya ang istruktura ng kuwento. Tula ba siya? Maaari, puwede sigurong maging parang tulang prosa, tulad nu'ng tinatawag ng ibang "lyric essay." (Silipin ninyo sa kanan, diyan sa mga link, 'yung site ng brevity, 'yung "quickie, 'ika nga.")
So, ang ibig palang sabihin, basta't handa akong ipakita sa kung sino mang mambabasa, maituturing palang non-fiction 'tong drama in Dumaguete series na 'to. Sa tradisyon ng telenovela, 'eto na ang huling entry ng serye.
Matapos nito, magpapakabayaw na muli ako at titigil sa kapakshetan na 'to. Dahil maya-maya, makatutuntong na muli ako sa konkretong paraiso ng Maynila, Maynila, ay, Maynila.
***
Sa totoo lang, hindi ko nasasakyan 'yung ulan mismo. Maingay kasi, e; di ako makalabas. Malabo ang lahat. Ang gusto ko, ang inaabangan ko talaga, 'yung bahagyang pagdilim na dala ng kulimlim. Higit pa du'n, 'yung payapang dala ng alimuom. Tahimik. Ramdam mo ang bawat bulong ng hangin. Basa ang lahat.
Sa ngayon, hindi pa rin dumarapo ang ulan dito sa Dumaguete. Marahas pa rin ang araw, malayo pa ang mga ulap. Paalis na ako. Pero, kahit papaano, unti-unti nang kumikilos ang hangin. May simoy nang nagpaparamdam mula sa laot.
Iyon siguro, 'yung simoy na 'yun, 'yun ang nagpamulat sa akin: wala naman pala talagang full circle. Lahat ng bagay, pinauusad ng panahon, mabagal, sapilitan, walang nakapapansin. Hindi pala ako sumisirko-sirko lang, umiikit nang parang asong tinutugis ang sariling buntot. At kung sinasalamangka lang ako ng tadhana, inililigaw, hindi ko pala napansing baliktad ang pagkakasuot ng damit ko.
Masyado akong tumutok sa takot na baka di na ako makabalik, na baka wala akong kalagyan, saan man. Nakublihan nito ang dapat ko palang naramdaman, kung naging mas bukas ako sa ekspiryensiya. Sabi ni Stephen Dunn, "I've had it with all these stingy hearted sons of bitches./ A heart is to be spent." Binasa ko pala 'yun ngunit hindi isinabuhay. Hindi lang dito, kundi dati pa, miski nu'ng wala pa man lang anino ng tag-araw na ito. Dahil sa takot ko sa mga di ko maipaliwanag, sa takot kong, kunwari, masaktan sakaling di na ako makatuntong muli sa lugar na ito, o di na maulit ang tag-araw na ito, o pakawalan ang mga bagay o tao na pilit hinahaplos ng gunita ko, dahil sa mga 'yun, pinayagan kong pigain ng mahapding alinsangan ang nagpupumiglas kong kalooban.
Ang dapat ko palang tinutukan: ang pag-asang makababalik ako, mauulit pa ang ganito, lalapag at lalapag sa tamang dapat kalaglagan, kahulugan, ang lahat.
Kinailangan kong maglakad-lakad muli para matuklas 'yun. Kinailangan kong umupa ng kuwarto, bumangon nang walang kasama, manghiram ng rosaryo dahil di makatulog sa takot sa multo, kinailangan kong mapag-isa para masabing: ano ba 'tong katarantaduhang drama na 'to, hindi ba ako nahihiya sa sarili ko, nagmumukha lang akong tanga. Iba ang pag-iisa nang wala kang inaasahan-- 'yun ang pag-iisa bago ako dumating dito, nu'ng nasa pier ako bago mag-huling linggo ng Abril. Ibang-iba 'yun sa pag-iisa matapos ang isang malalim at malawak na tag-araw. Marami nang nakilala, gusot na naayos, gusot na muling lumitaw, basta, basta't nagbago na. Madali nang aninagin ang mga dati'y kubli ng alinlangan at pagtataka. Hindi naiiwan dito ang pagkasagrado ng tag-araw ko. Hindi pa sarado ang paghihiropaniya ng malamlam na siyudad na ito.
Pasalamat na lang ako at may mga kaibigang alam kong dumaan din sa ganitong pag-aaklas laban sa paglimot. Ang sabi ni Joel, tag-ulan na. 'Yun daw ang totoong full circle. Sa isang banda, sa maraming nibel, tama siya. At kahit hindi pa rin umuulan dito, gusto ko na ring maniwalang, tama: magtatag-ulan na nga.
Dahil hindi mismong tubig-ulan ang sagisag ng hanggan ng tayantang. Ang tag-ulan, mararamdaman nating nariyan na kapag nagsimula nang kumulimlim ang ulap, dala ang lilim at ginhawa at ang pag-asang ayan na, malapit na, sandali na lang, magsisimula nang mahugasan ang lahat, ang lahat.
1. Do you think you can express yourself in English the same way you did in Filipino? What were the liberties that you experienced after switching literary languages, and what were the difficulties you encountered after deciding to write poetry primarily in English?
Hindi ako sigurado, e. Hindi ko nga sigurado kung mas malawak ang kaalaman ko, craft-wise, sa Ingles o sa Filipino; hindi ko naman maikakailang malaking bahagi ng mga nabasa ko e nasa wikang Ingles.
Wala namang masyadong hirap; siguro, 'yun lang pag merong linya na mas suwabe sa Tagalog, pag may imahen o utterance na mas eksakto ang pagkakarender kung sa Tagalog, tapos sa Ingles na nasimulan ang tula.O kahit sa kabaliktaran nu'n-- kung Tagalog ang tula ta's Ingles ang linyang gustong pumostura. Ganu'n talaga, e, di maiwasan; hybrid ang experience. Malas lang dahil hindi madaling gawing hybrid ang wika ng tula, di ko masakyan pag ganu'n. Pag ganito, wala akong magawa--tatandaan ko na lang ang linya; tutal, magagamit pa naman 'yun, e.
At saka, hindi naman ako nag-"switch ng literary language." I haven't decided, at least not consciously, to write poetry primarily in English. Kabaliktaran nga, e: mula noong nagsisimula akong magsulat, aaminin ko, bago nitong Marso, malay kong pinipigilan ang sariling magsulat saIngles. Malay na desisyon para sa akin ang magsulat sa Tagalog. Gusto ko noong masabi sa sariling tumutula ako para sa mga taong pinagkakautangan ko ng loob, sa mga mukhang nakikita ko sa araw-araw. Ang hindi ko napagtanto noon, (na baka ngayon e hindi ko pa rin lubusang nauunawa,) e dinamiko sa pagitan ng mambabasa at manlilikha ang sining. Hindi ko naman puwedeng ikaila ang pagkahybrid ng karanasan natin, bilang bansang napasailalim sa kung sinu-sino at kung kani-kanino. Sa huli, kinailangan kong subuking pakawalan, patagasin, ang sa tingin ko'y malalim na kaban ng ekspiryensiya na kaya lang itawid sa wikang Ingles. Pero hindi ako tumigil magsulat sa Tagalog. Katunayan nga itong blog na 'to.
Ang sigurado lang ako: tumatawid ng mga boundaries ng wika at ng genre ang sining. Maaari kong piniling maging karpentero o kusinero o panadero. Ang punto, madaling aralin ang wika at ang craft. Nababasa 'yun, puwede kang mag-enrol o bumili ng sangkaterbang libro o magpaworkshop sa mga kabarkadang may alam na sa pagsusulat. Ang mahirap, 'yung mabuhay, o isabuhay ang sining mo. Kasi, ano pa nga ba ang sining kundi pagta-transcribe ng human experience? Hindi paglikha ang paglikha, sa tingin ko, hindi nanggagaling sa wala ang tula. Hinuhubog lang natin ang wika para itawid sa kalakhang mundo (nakikinig man ito o hindi,) ang mumunting katotohanang kaya nating hawakan. Kung baga, kung hihiram ng ilang termino mula sa mga istrukturalista, may kani-kaniyang mga paroles tayo; sining ang ga-kurot nating kontribusyon (rebelyon?) sa langue.
2. Are workshops valid venues for learning the craft of writing? Or are they excuses for a bohemian lifestyle?
Depende sa kung aling workshop. Kung workshop ng mga tropa-tropa, 'yung tipong ginagawa natin nina Joel, karga ang ilang bote ng beer at ilang ligaw na pirasong papel, oo naman, suwabe 'yun. Du'n tayo natututo.
Pero sa tingin ko ang tinutukoy mo e 'yung mga institutionalized na workshop, tulad nitong pinanggalingan ko. Muli, ang sagot, depende. Di mauubos ang papuri ko para sa format ng Iyas Workshop na ginanap saBacolod. Pero sa totoo lang, kahit nakasulat kami ng bagong tula o nakapagrebisa doon, pakiramdam ko, may kulang. Gusto ko sanang nakilala pa nang mas malalim ang lahat ng co-fellow ko. Sa nangyari nga, iilan lang ang kalasingan ko gabi-gabi, at iisang gabi lang kami lumabas para mag-videoke.
'Yung karamihan naman ng ibang workshop, at least 'yung mga napuntahan ko, may kani-kaniyang estetikang sinusundan-- na hindi naman maikakailang halos pare-pareho. Talagang makakatay ang tula mo kung mangahas kang kumontra sa pormula. Bad trip 'yun-- ang tanging tulang "tama" para sa ibang panelist, e 'yung angkop sa "I see something so I remember something" na pormula. Kapag walang catalyst (sabi nga ni Eliot,) o walang obyus na metapora, wala, yari ka, katay talaga.
Pero, siyempre, hindi naman dapat nagpupunta sa workshop ang mga kabataang tulad natin para magpasikat, para mag-abang ng papuri mula sa mga literary bigwigs. Pag ganu'n, mawawalan ng progression at pagtubo ang panitikan.
Kailangan nating tanggapin na itong mga matatandang 'to e may sariling mga pamantayang sinusundan, at kung hindi natin kayang tanggapin ang maganda para sa kanila, habang sabay na iginigiit ang makabuluhang pagbabago, e mas mainam na umistambay na lang tayo sa bahay, magpakita ng mga tula sa mga kaibigang sigurado tayong magsasabing,"waw, astig, tinamaan ako sa tula mo, puwede ko bang i-email 'to sa nililigawan ko?" Kung kuntento na tayo sa ganu'n, wala nang silbi ang workshop para sa atin. Nga lang, wala kang magiging bagong kaibigan, di ka makapaglalakad sa boulevard ng Dumaguete o makakaistambay sa malamig na kalsada ng Baguio, di makakapaglasing gabi-gabi o makakapagvideoke kasama ang mga panelist na kahit papaano e itinuturing kang kaibigan. Magpapakabayaw ka lang sa bahay.
Ang pinakapinupunto ko lang siguro e hindi natin dapat hatiin sa ganitong binary opposition ang workshop experience. Naniniwala ako na nag-aapply ang mga tao sa workshop dahil gusto nating matuto. At kasama sa pagkakatutong iyon ang paglalasing, tsonki kung tsumotsonki ka, pagbi-videoke hanggang maubos ang malay, pagpupuyat sa tabi ng dagat. Pakikisama. Ibabalik ko siguro du'n sa paninindigan kong kailangan munang mabuhay ng makata bago siya makasulat. Tingnan mo-- ilan bang mahuhusay na tula ang nasulat dahil sa workshop experience sa kung saan-saan? Di ba, marami?
3. If you were born in another lifetime, who do you think would be your parents and what would they be doing for a living?
Ahahaha. Si Erpats, malamang mayaman 'yun sa ibang tanangbuhay. Kasi mahilig siyang umistambay, e. Pero magaling siyang makisama, kita ko naman sa pakikitungo sa kanya ng mga barkada niya. Mataas ang tingin sa kanya ng mga tao, tapos mahusay siyang umayos ng gusot, tapos iniisip niya ang kapakanan ng kabuoan, di lang ng iilan o ng sarili niya. Sa tingin ko, (tutal, in another lifetime naman,) pulitiko ang Erpats ko.
Si Ermats, mahusay ding makitungo, mahusay na communicator, maasikaso sa lahat, masipag. Mahusay din ang memorya. Sa tingin ko, kahit aling tanangbuhay mo ipasok ang ermats ko, titser at titser lang din ang kababagsakan.
Tama ba 'yung pagkakagets ko ng tanong? Kung hindi, malas.
4. What would you like to name yourself, if given the chance?
Gusto ko sanang hindi ganitong kaikli ang apelyido ko; sagwa, e. Tsaka tutal, isang tabong dugo na lang naman ang ikina-Intsik ko. Nantokwa kasi ang angkan ko, di na lang ginaya 'yung ibang mga Intsik na kinuha ang buong pangalan ng patriarch nila at 'yun ang ginawang apelyido.
Puwede rin, 'yung maiden name ni Ermats, 'yung de Lara. O kaya 'yung maiden name ni Lola Meding, bale middle name ni Erpats, 'yung Crucillo. Hindi masyadong kakaiba, hindi takaw-pansin, pero hindi rin karaniwan.
Sa pangalan ko mismo, suwabe na 'to, kuntento na ako. Pero ayoko nu'ng inilagay na maikling ka-eklatan sa simula. So, kung ako ang makakapili ng pangalan ko, siguro, Mikael de Lara o kaya Mikael Crucillo.
5. Choice: would you marry the woman of your dreams if it meant giving up your writing? Explain your answer.
Ang labo nito, a. Kasi, kung sino man ang magiging "woman of my dreams" ko, sigurado akong hindi niya ako pipigilang magsulat. At teka, ina-assume ba dito na gusto rin akong pakasalan ng woman-of-my-dreams? Kunwari, sige, type din niya ako.
Para mapadali, maghaharaya na lang ako ng situwasyon, a. Kunwari, may mambabarang na isinumpa kami ni woman-of-my-dreams. 'Yung sumpa, kapag nagsulat ako, kapag pumulot ako ng bolpen o humarap sa monitor ng may intensyong magsulat ng akdang malikhain, mamamatay si woman-of-my-dreams, maaagnas ang mukha niya, may lalabas na mga uod sa tainga niya, tutubuan siya ng maraming utong sa buong katawan.
Kapag ganu'n, oo, titigil akong magsulat. Para sa akin, napakaliit na bagay ng pagsusulat para ipagpalit sa hinahanap-hanap nating lahat, naniniwala man tayo sa pag-ibig o hindi, aminin man natin o hindi. Tae lang ang pagsusulat kung ikukumpara sa pagpapakatao. Du'n ko iuuwi: una palagi ang pamumuhay kaysa pagsusulat.
Pero muli, dahil nga naghaharaya na lang din ako ng situwasyon, maghaharaya na rin ako ng hapi ending. Magpapakasal kami ng woman-of-my-dreams, at titigil ako sa pagsusulat. Pero makakahanap ako ng ibang sining, pipili ako ng bagong sining, kunwari, pagkakarpentero. Pag-aaralan ko ito, pagpupuyatan, magbabasa ako nang magbabasa ukol dito at magpapaturo sa kung kani-kanino at magpapraktis nang magpapraktis.
Tapos, gamit ang sarili kong mga kamay, magtatayo ako ng bahay, 'yung magandang bahay, at doon ako uuwi, doon uuwi si woman-of-my-dreams, ang mga magiging anak namin. Dudungaw sila sa bintanang ginawa ko. Hahakbang sila sa hagdanang niliha ko hanggang sa kuminis itong parang salamin o tubig-dagat. Sa bahay na iyon, may isang kuwarto, at doon, doon nakahilera sa mga kabinet na ginawa ko ang lahat ng mga nasulat ko at nalathala, bago ko pa nakilala si woman-of-my-dreams, bago pa kami isumpa ng mambabarang, bago pa ako umibig.
*** Here are The Official Interview Game Rules:
1. If you want to participate, leave a comment below saying "interview me."
2. I will respond by asking you five questions - each person's will bedifferent.
3. You will update your journal/blog with the answers to the questions.
4. You will include this explanation and an offer to interview others in the same post.
5. When others comment asking to be interviewed, you will ask them five questions.
If you don't have a blog, I will still ask you 5 unique questions andyou can post your answers here.
Kaunting tiyaga lang, kasi matrapik 'yang site na 'yan. Ako 'yung long-hair na parang mamamatay-tao kung makatingin. Hindi 'yung kulot, a, na long-hair pero mukhang makakalbo na-- Si Diaz 'yun. Ako 'yung medyo naka-sideview, bale 4 photos from the top.
'Yung iba du'n mga panelist o mga dating fellow na bumisita. Sa dulo, sa kanan, sa ibaba, makikita n'yo si Ian. Siya 'yung kumuha ng mga litrato. Mayroon din akong mga astig na kuha, kaya lang jologs 'yung camera ko kaya hindi ko alam kung papaanong ipapaskil sa internet 'yun. Isa-scan pa, at kung anu-ano pa. Hassle, e.
Halos ako na lang ang natitira dito. Si Des, bukas ang flight pauwi nang Maynila. Si Whitney, local naman 'yun, tagarito sa Dumaguete. Araw-araw naman siyang umuuwi, kaya hindi espesyal kung umuwi siya.
Magpapaiwan ako ng ilan pang araw. Kailangan ko sigurong i-digest, i-decompose itong tag-araw na ito. Limang linggo rin akong nalayo sa lahat ng alam kong hindi mabuway, sa lahat ng puwede kong kapitan at alam na hindi bibigay. Para akong limang linggong sumusuray-suray nang nakayapak lang, sa isang makitid na daanan, sa isang maputik at mabaglos na tulay, walang hawakan.
***
Puso ang tawag du'n sa kanin na nakabalot sa dahon ng saging, korteng piramid, parang suman na hindi. Diin sa ikalawang pantig, may impit sa dulo. Suwabeng pananghalian 'yun. Bili ka ng dalawa; malagkit naman, kaya mabigat sa tiyan. Parang two cups ng kanin na 'yun. Iulam mo sa limang istik ng barbekyung tocino. Tagtatatlong piso lang lahat 'yun. Solb na.
May napansin si Nerisa, nu'ng isang umagang sa pier kami nag-almusal habang nag-aabang ng lantsang bibiyahe papuntang Siquijor.
'Yun kasing puso, naka-display lang. Tapos, pag bumili ka, ang gagawin nu'ng tindera, sasaksakin niya ng matalas na kutsilyo 'yuing puso, hahatiin sa gitna, para madaling kainin, pagkatapos iaabot sa iyo nang nakangiti, nang para bang wala lang, parang ganu'n talaga ang kalakaran, parang walang nangyaring kakaiba at punong-puno ng parikala.
***
Kaya rin siguro ako magpapaiwan-- kasi in da mood ako para magdrama. OA, 'no? Naghahanap pa ako ng full circle na katapusan ng tag-araw ko. Nagsimula nang mag-isa, matatapos nang mag-isa.
Naaalala ko pa 'yun, limang linggo na ang nakakaraan, sa pier, sa likod ng Manila Hotel, habang nag-aabang ng biyahe papuntang Bacolod. Space-out talaga, nakikinig ng kung-anu-ano sa discman, tumatayo bawat ilang minuto para magyosi. Minamadali ang paninigarilyo kasi kabado na baka iskorin ng kung-sinong goons ang kakaunting gamit na dala ko. Gustong patagalin ang paninigarilyo dahil, kahit papaano, may bahagyang kaba sa kung ano ang mangyayari sa bakasyon ko. Sa buhay na rin.
Sa Martes kaya, ano ang mararamdaman ko sa eroplano habang nakikita kong lumiliit nang lumiliit ang Dumaguete, parang patak ng ulang na natutuyo sa tayantang na kalsada ng alaala?
***
Ang totoo niyan, kaya gusto kong magpaiwan-- hindi ko kayang magpangakong bumalik. Mas gugustuhin ko nang kumain ng puso at tocino nang mag-isa, maglakad sa mga kalye nang mag-isa, uminom sa Coco Amigos at kumain ng Chimichanga sa Cafe Memento nang mag-isa, mag-abang ng biyahe nang mag-isa, mas gugustuhin kong gawin 'yun kaysa maglakad papalayo at lumingon, at makaramdam nang kirot sa kung saang lumolobong espasyo sa dibdib ko. Hindi ako magpapangakong babalik ako. Ipinapangako kong hindi ako lilingon.
***
From the Island
I anticipate nostalgia so I won't have to deal with it
later. I tell myself, the same night unravels everywhere,
the same darkening. Everywhere the same breeze whispering from the horizon.
I say, Oh, I've been like this before, closed my eyes to the same sting of seaspray,
clenched my fingers around a pebble tighter. Tomorrow will be almost the same
search for a word. Same rebellion against forgetting. The water
mirrors the few stars that dare to show themselves.
I shatter their reflections as I wade knee-deep into the sea.
I do this everywhere. I tell myself, this is just another chip
in my igneous heart, no bigger than this depression
my finger carves into the sand. No deeper. Soon I will forget
to regret promising not to promise to return.
Soon I will forget even this fear of the day when I will wake up
with a cold space in my chest, its edges faint, swaying,
like the outline of a shadow upon leavetaking,
like a shoreline.
*** Ang hindi raw lumingon sa pinanggalingan, di makakarating sa paroroonan.
Sa tingin ko, ang walang paroroonan, hindi na kailangang lumingon sa pinanggalingan.
O kaya: Ang walang paroroonan, wala pang karapatang lumingon sa pinanggalingan. Wala pang karapatang umalis sa kinaroroonan.
Nagpipigil akong bilangin ang mga araw; sa tantsa ko, mahigit tatlong linggo na akong hindi umaapak sa Luzon. 'Tong biyaheng 'to, tangina, gaya siguro ng lahat ng biyahe, e may sarili niyang mga lambak at rurok. Hindi naman siguro maiiwasan 'yun.
Pero hindi ko rin inasahan. Ang gusto ko, dapat, sa barko pa lang, space-out na. Hanggang makauwi. Bakasyon lang, ganu'n, makinig sa mga tao-tao tungkol sa tula, matuto na rin siguro kung may matututunan. Marami naman.
Isa du'n sa maraming 'yun, nabanggit ko na sa isang tula dati, pero parang ngayon ko lang naintindihan.
May mga pananahang hindi kayang lunasan ng pag-uwi.
***
Hindi pa ako sumasablay. Basta't tuwing takipsilim, beer sa Coco Amigo's. Minsan mag-isa, minsan hindi. At kung mayroon mang kasama, sabay naming pinapanood ang ang dagat, ang kalsada, mga tao, ang lahat; sabay kaming umaalala at gumagawa ng mga bagong alaala.
***
Ang mga nami-miss ko sa Maynila, in no particular order:
1. Pamilya ko. Oo, 'no, may puso naman ako, kahit papaano. 'Yung mga pamangkin ko.
2. Ang banda. Buti na lang dumalaw dito si Carl.
3. Libreng pagkain. 'Yung babangon ka ng hatinggabi tapos bubuksan mo 'yung fridge tapos siguradong may tsibog du'n, 'yun, 'yun, nami-miss ko 'yun.
4. Kung sinu-sinong mga tropa. Marami kayo, e. Tapos pag naglista ako, baka may makalimutan ako, di ba, magtatampo pa. Basta lahat ng tropa.
5. 'Yung basketbol tuwing Biyernes sa Park 9.
6. Chess kasama si Erpats.
7. Marami pang iba.
***
Pag-uwi ko, magsusulat ako tungkol sa makasaysayang tag-araw na ito. Sa Tagalog ko isusulat 'yun.
***
Salamat nga pala sa lahat ng dapat pasalamatan. Kilala na ninyo kung sino kayo.
Hindi ko alam kung ilan sa mga kaibigan ko ang alam na nagsusulat (na) ako sa Ingles. Ewan. Basta.
Lumang, lumang, lumang tula. Hindi ko pa naipo-post dito 'to. Kasi nga wala pa akong blog nu'ng isinulat ko 'to.
May nanghihingi kasi ng kopya. Sabi ko ipopost ko na lang dito. Tsaka na-miss ko na rin 'to. Tsaka ang korni ko pala dati. Tsaka naalala ko noong isang gabi, dahil sa... dahil sa basta. Tsaka wala lang, gusto ko lang i-share.
Alaala, Puerto Galera
Papaano kung kayang itaboy ng alon ng alaala? Pagtatangkaan mo kaya silang habulin? Uupo ka kaya sa dalampasigan gabi-gabi at mangingilag sa mahapding paghagupit ng hangin? Isusulat mo kaya ang aking mga salita, susubukin mo kayang iguhit ang aking mukha, dadampi kaya sa pampang ang iyong daliring pinagaspang ng tubig-alat at gunita?
Titigil ka ba kung matuklas na ang alon ay dala lamang ng simoy na pumapalaot?
Kung hindi, papaano sa tuwing umaga? Nanakawin din ng dagat ang anumang naiukit. Habambuhay ka bang magpapabalik-balik upang maghabol, sumulat, gumuhit nang paulit-ulit? Tatanungin mo siguro ang dagat kung saan nito tinatangay ang iyong bakas sa dalampasigan. Tatanungin mo siguro ang dagat kung bakit may kailangan pang lumisan.
At papaano kung kaya tayong anurin ng mga alon patungo sa isa't isa? Magpapatangay ba sa kanila sa pagtatangkang lunasan ang pagkaulila at pangungulila? Magpapakalunod ba, sinta, sa pag-asang muli tayong magkikita?
***
Kahapon ang unang session ng workshop dito. Ako ang unang salang-- hindi ko alam kung bakit, malay ko sa kanila. Baka by height ang sinusunod na order, pinakamatangkad papunta sa pinakamaliit. Suwabe naman, kahit papa'no. Ang mahalaga sa akin, malinaw ang intensyon ng tula, malinaw ang konsepto, nagegets nila. May mga sinabi 'yung ibang panelist na napa-"oo nga, 'no?" ako. May mga space-out moments din. Pero 'yung iba, nagustuhan ang tula, kaya kahit papa'no ego-trip ako.
***
Ang malabo sa ganitong tipong workshop, minsan, nawawalan ng direksyon ang usapan, dahil na rin sa dami ng nagbabalitaktakan. Minsan katay na lang nang katay. Minsan, uubos ng dalawang oras para lang bigyan ng reading ang tula. Tapos wala na, halos. Medyo bad trip 'yun, di ba?
Madalas, 'yung mga nagaganu'ng tula, 'yung mga malabo. Kaya dalawang oras ang nauubos e dahil kung anu-anong butas ang sinusubok punan ng mga mambabasa, tapos mapupunta na sa peminismo o kay Mother Nature o kay Jesus Christ ang reading. Tawagin n'yo akong formalist, pero sa akin, putsa, kapag wala sa tula, e di wala sa tula. Hindi ako huhugot sa talampakan ko ng reading para lang piliting intindihin ang tula.
Kunwari: may isang tula na parang pantum ang istruktura, mas malabo nga lang. Dalawang stanza (anim na tagdadalawang stanza, sa totoo lang; cycle poem, e,) 'yung una tungkol sa bagyo. 'Yung ikalawang saknong ng bawat kabanata, tungkol sa kung anoman.
Ang sa akin lang, ang labo nu'n. Magka-reading man ako, parang iniimpose lang ng makata sa akin 'yung interpretasyon niya ng kung ano ang bagyo. Samakatuwid, hindi ko reading 'yun. Reading ng makata 'yun tungkol sa bagyo-- na hindi naman talaga reading, kasi image din siya. Parang nagdo-draw lang siya ng parallelism sa pagitan ng dalawang disparate images. Kung nalalabuan kayo sa pinagsasasabi ko, isipin na lang ninyo kung gaano kalabo 'yung tula.
Ang sabi ko, may butas sa gitna nu'ng dalawang saknong-- may chasm. Kaya kahit ano ang marating na reading ng mambabasa, hindi 'yun dahil may sinabing katotohanan ang makata. Dahil 'yun may idinikta ang sariling pagfi-free association ng mambabasa. Sa madaling sabi, nag-impose na nga ang makata, pinahirapan pa niya ang imahinasyon ng mambabasa.
Isa pa. Sabi ko, hindi dapat pinapagod ang imahinasyon ng mambabasa kapag nagbabasa siya ng tula. Lahat yata e hindi agree sa akin-- sabi nila, may tungkulin din naman ang mambabasa sa tula na basahin 'yun nang maigi.
Ang sa akin lang, kahit gaano kaigi pa ang pagbabasa ko sa tula, kahit isang buwan kong upuan 'yan, dapat hindi pa rin ako mapagod. Sa tingin ko hindi nila na-gets. Ang punto ko, ganito: mas nakakapagod magharaya ng "large amounts of food," kaysa "truckloads of food." Di ba? 'Yun ang pagod na tinutukoy ko. Dapat matibay ang phenomenal latch para makatawid ako nang husto sa noumenal level. Kung hindi, lupaypay na'ng imahinasyon ko bago ko pa makita ang katotohanang inihahain sa akin nu'ng tula.
Ewan ko ba. Sa huli, siguro, aaminin kong malabo ang pagkakapaliwanag ko nito sa kanila.
***
Hindi ko alam kung bakit ang dami-raming tuwang-tuwa sa tulang imahen lang ang laman. Sa akin, sa akin lang, a, hindi naman 'yung imahen ang nagpapaganda sa isang imagist poem. 'Yun 'yung nuance ng salita at ng mga iba pang imahen pinagsama-sama-- ang ibig kong sabihin, kung papaanong pinaglalaruan ng makata 'yung lahat ng image para tumawid sa pagkasimbolo.
Ano ba 'tong pinagsasasabi ko. Ano, tara, inom na lang?
Don't follow me, I'm lost, the master said to the follower who had a cocked pen and a yellow pad.
But I live for art, the follower said. I need to know some of its secrets, if not its rules.
I'm lost, said the master, I ask only for your forbearance and a little help with the rent.
The follower realized he'd caught the master at a bad time. I'll come back next week, he said.
He knew the master had told others that over a lifetime the word autumn shouldn't be used more than five or six times, and that only a fool confuses activity with energy.
The follower came back the next week. The master said, go away. It all begins elsewhere, apart from me. Both sunsine and shadow, these days, oppress me. A good woman is hard to keep.
The follower thought he understood. You mean, he said, privation is the key?
Oh, return to zero, the master said. Use what's lying around the house. Make it simple and sad.
***
Nagdatingan na'ng mga co-fellows ko, kanina lang. Mukhang may mga hindi ako makakasundo. Mukha ring kahit papa'no e may makakasundo ako. Sana hindi ko masyadong ma-miss 'yung alone time. Sibat na 'ko, may karamdaman yata 'tong computer na inupuan ko sa Scooby's.
Balang-araw, magsusulat ako ng (mga?) tula tungkol dito. Walang nakawan ng binhi, a, pakiusap lang.
***
Mga alas singko, alas singko y medya siya dumarating dito. Araw-araw; o siguro, araw-araw mula nitong huling Linggo, mula nang magsimula akong umistambay rin, tuwing ganitong oras, sa isa sa mga restawran sa boulevard, dito sa tabi ng dagat. Nakabisikleta, sukbit ang gusgusing gitara sa balikat. Tumitigil siya sa harap ng mismong restawran kung saan ako umiinom, pero du'n siya sa kabila, pagtawid ng kalsada, sa promenada mismo ng boulevard, sa tabi mismo ng dagat.
Isasandal niya ang bisikleta sa isang poste ng ilaw, iisang poste lang ng ilaw, araw-araw, bawat dapithapon. Tapos haharap siya sa kalsada, at kakanta. Hindi ko siya naririnig, masyado siyang malayo, masyadong maingay ang boulevard: mga nagtitinda ng mani at fishball at sigarilyo, mga dumaraang truck at bus, nagkukuwentuhang estranghero. Bigay na bigay siya sa pagkanta; tumitiklop ang buong katawan at kalamnan sa bawat nota; pumipikit, umaangat ang kilay at balikat, tumitingala o yumuyuko. Mahahalata ng sino mang nanonood, kahit hindi niya marinig ang lyrics, kung chorus na ng kanta. Pero ako, hindi ko alam kung ano ang kinakanta niya, kung ano ang lyrics nu'n, kung maiintindihan ko ba 'yun, sakaling lumapit ako para makinig, kung may nakakapansin ba sa kanya, bukod sa akin, dito sa kabilang panig ng kalsada.
Siya naman, hindi niya napapansin na nakatalikod siya sa tanging nakikinig sa kanya, sa tanging naaantig sa bawat pantig na binibigyan niyang buhay. Kumikibit ang dagat, mumunting mga pagkilos; para bang ayaw magpahalata.
***
Dalawa rin sila, araw-araw rin, bawat dapithapon: ang isa nakaupo, mestiza, kulubot ang balat at abuhin ang buhok, dilat pero parang walang nakikita. Ang isa, naka-uniporme, itinutulak ang wheelchair, pabalik-balik, binabagtas ang magkabilang dulo ng boulevard. Kapag nakakasalubong ko sila sa mga sarili kong paglalakad, hindi ko mabasa sa mga mukha nila kung pareho sila ng iniisip, kung parehong, Maganda ang tabing-dagat kung dapithapon, o kung, Sandali na lang, sandali pa, sandali na lamang.
***
A man fancies himself a poet-- sits in a bar by the seaside, drinks two bottles of beer, looks at the sea, or tries to look at it. He has been doing this every day for the past week. Today he takes out his pen, his notebook. He wants to write something redeeming, something luminous. He starts a poem, tries to find some truth in what he sees. The smell of dead seaweed sticks to his skin like an old shirt with little holes in its armpits, like aloneness. He wants to end his poem with a period, but still, he knows that tomorrow he will be back here, and the day after that, and the day after that...
***
Wala munang pampagana ngayon. Naiwan ko 'yung Dunn sa kuwarto, e; nandu'n 'yung tulang gusto ko sanang i-post ngayon. Nakalipat na pala ako sa Silliman Alumni Hall. Bukas darating na ang mga co-fellows ko. Sana lang hindi ako masyadong nasanay, at natuwa, nang ganitong solo flight ako.
Kababasa ko lang nu'ng labing-anim na message du'n sa site ng bagong Yahoogroup namin sa Iyas workshop. Kababasa ko lang, dahil nga tatanga-tanga ako't akala ko kasali na ako kahit hindi ko pa inaprub 'yung invite.
Wala lang. Gusto ko lang i-share. Mga kuwentong madrama o panggago o kahit-ano muna.
*** Una: may touching na kuwento akong naaalala, at gusto ko na yatang umiyak nu'ng umagang 'yun, 'yung nag-alisan na lahat ng co-fellows ko at ako na lang ang nakasakay sa van para ihatid sa terminal ng bus. Malungkot 'yung ganu'ng walang kausap, baka 'kala n'yo.
Ang kuwento: nu'ng umaga, habang nag-aalmusal, inabutan ako ni Ava ng isang plastic cup na puno ng barya. Para raw makatulong sa budget ko dito sa Dumaguete (oo na, oo na, mukha na akong mahirap). Na okey talaga, kasi naipangtraysikel ko 'yun, naipangyosi, naipanglimos sa bata du'n sa tabi ng dagat, naipambili ng nilagang mani nu'ng tumitira na ako ng daily dose of beer ko.
Ang mas kuwento: sabi ni Ava, nu'ng papasok na siya sa airport: sigurado ka okey ka na? If you need anything...
At naintindihan ko na 'yun, at tumingin na lang ako sa malayo at ngumiti. At naalala ko 'yun nu'ng nagpeplay na sa utak ko 'yung ikalawang track sa soundtrack ng araw ko noong nag-uwian na lahat, 'yung Waiting for the Bus ng E-heads, dahil waiting for the bus naman talaga aka noon, at dahil nga malungkot bumiyahe nang mag-isa, pero mas malungkot mag-abang ng biyahe nang mag-isa.
***
Pangalawa: 'yung unang dalawang araw ko rito sa Dumaguete e panay bakla ang kasama ko. Na hindi naman masama, pero after the first several hours, it starts to get to your nerves. Parang pag-iisa 'yun, e. Okey lang sa simula. Pero pag buong araw ka nang umiikot-ikot sa mga kalyeng di mo naman kilala, nagsisimula ka nang mag-text ng mga luma at bagong kaibigan, ng mga taong matagal-tagal mo nang di nakakausap, o kakakausap lang pero nami-miss kaagad.
So ang naalala ko e 'yung mga bading (ilan ba? Dennis, kailan ka ba maglaladlad?hehe,) sa Iyas at kung paano hindi nila ako ginawang conscious sa seksuwalidad ko o nila. Ang ibig kong sabihin, hindi nakakaalibadbad kahit isang buong linggo mong kasama, kahit isang linggong katabi ang kama. Ang ibig kong sabihin, astig.
***
Pangatlo: kagabi, naghapunan ako at nagtumba ng ilang bote ng beer kasama ang ilang bagong kakilala. Hindi ko alam kung paano, pero in passing, nabanggit kong hindi ako naniniwala sa diyos. Tapos, ito namang kainuman kong mga 30+ yrs old na babaeng mestizang mukhang nagnanaknak na talampakan e kinulit ako nang kinulit. E puta, hindi naman niya gustong makipag-usap, sa totoo lang. Ang basa ko, gusto lang niyang ilitanya sa isang estranghero ang pseudo-personal religion niya, na napakagasgas na naman, 'yung tipong, "I don't go to church but I have my personal relationship with god" bullshit. Na madaling pakinggan at tanggapin kung manggagaling siguro sa ibang tao, pero nu'ng siya ang nagsasalita, parang gusto ko na lang siyang ibalibag sa dagat dahil putangina, pu-tang-i-na, wala siyang pakialam at pitagan sa paniniwala ng kapwa niya tao. Andami talagang nabubuhay sa isang malaking kaulolan, 'yun bang binary opposition ng meron-ba-o-walang diyos. Motherfucker.
***
Pang-apat: the other night naman, isinet-up ako ni Naya sa isang kaibigan ng kaibigan, dahil nga ngawa ako nang ngawa sa text nu'ng buong araw akong naglalagalag nang mag-isa. Kaya nga dinner, ayun.
Kailangan ko yatang aminin: for a while there, I was thinking of getting laid. Isipin n'yo-- unattached ako, in a charming, foreign place; tapos, the prospect of going home to an empty room wasn't too appealing.
Ewan. Hindi ko pa rin alam kung, sa puntong ito ng buhay ko, madaling kayaning umistayl ng ganu'n; sabi ko nga sa isang kaibigan, para akong kakantot ng katol o ng bumbilya. After the second bottle of beer, bago ako umuwi para maligo at magbihis dahil amoy araw at dagat at usok na 'ko, naisip ko, Puta, ano 'yun? Labo, e. I imagined myself feeling really guilty and dirty after a quick orgasm. Mas appealing pang magjakol na lang, at least constant companion ko 'yung palad ko.
Anyway, nakatulong din na mukhang panis na tutong 'yung nakadate ko. Hehe, hindi naman siya ganu'ng kapangit, pero alam n'yo 'yun, sapat na ang pagka-di-maganda niya para maenjoy ko lang 'yung kuwentuhan, 'yun lang company matapos ang isang buong araw ng pagpapaligaw, 'yung hapunan lang na walang tensyon mula sa physical attraction.
***
Sana magsabado na. O at least, sana mag-alas-singko na, para hindi na mainit, at hindi na ako masyadong magmumukhang tanga kapag umupo ako sa Coco Amigos para tumira ng dalawang boteng beer.
***
Nu'ng isang araw, sabi ko sa waiter: "P're, isang pale."
Tapos pagdating niya, dala na niya 'yung bill ko. Sabi ko, "P're, pale, pale pilsen. Hindi bill."
Sabi niya, "Ay! Pilsin pala."
Ang malungkot nu'n, ako ang abnormal, at hindi siya.
*** From The Long Sad Party Mark Strand
Someone was saying something about shadows covering the field, about how things pass, how one sleeps towards morning and the morning goes.
Someone was saying how the wind dies down but comes back, how shells are the coffins of wind but the weather continues.
It was a long night and someone said something about the moon shedding its white on the cold field, that there was nothing ahead but more of the same.
Someone mentioned a city she had been in before the war, a room with two candles against a wall, someone dancing, someone watching. We begin to believe
the night would not end. Someone was saying the music was over and no one had noticed. Then someone said something about the planets, about the stars, how small they were, how far away.
'Yung Iyas Workshop, na ginanap sa La Salle Bacolod noong huling linggo ng Abril ang, hands-down, pinakaastig na workshop na napuntahan ko.
Ang ibig kong sabihin, putsa, aminin na nating lahat (lahat ng gustong makasali o nakasali na sa workshop,) mas inaabangan natin 'yung mga inuman, 'yung bonding kasama ng mga co-fellows natin. Na hindi naman masama; tutal, mainam talaga para sa mga gustong magsulat 'yung makasama 'yung mga tulad nila (natin) for at least a week, 'yun bang communal aspect ng pagsusulat, 'yung collective energy, 'yung pakiramdam na hindi ako weirdo, hindi ako nag-iisa sa mundo.
Pero sa Iyas, mehn, iba. Sabi nga ni Doc Cirilo, "they put the 'work' back in workshop." Hinati kami by genre, so mas focused 'yung discussion groups. Sa amin, halimbawa, sa poetry in english, si Ma'am Elsie Coscolluela at Ma'am Marge Evasco ang naghandle, na astig talaga. Bukod sa maraming na-discuss na works namin, marami ring ibinigay na mga writing exercises. Sa madaling sabi, nakasulat kami.
Ang downside nga lang, hindi basagan sa inuman, dahil may mga assignment din kami na kailangang tapusin. Buti nga may ka-jamming ako. Isa pang downside, suwertihan din sa kung sinong panelist ang maghahandle sa 'yo-- alam naman nating lahat na may mga di kaaya-ayang mga tao.
Pero astig talaga siya. Ang tanging dasal ko ngayon, hindi masyadong matabunan nu'ng Iyas experience ko itong hindi pa man lang nagsisimula na Dumaguete Workshop.
***
Bakit parang ang baduy na nu'ng mga huling entry ko? Binalikan ko 'yung archives ko; siyet, parang diary entry na lang ang labas nitong mga bago. Siguro sanayan lang din. Susubukin ko talagang mag-update ng regular habang narito pa ako sa Dumaguete.
***
Nga pala, panoorin n'yo ang Forces of Evil sa Purple Haze sa Marikina, sa J.P. Rizal St. ('yung kalye ng 7-Eleven, eksaktong pagbaba ng tulay,) ngayong gabi. Nasa tapat ng Guzman Memorial Chapel 'yung bar na 'yun. Actually sa bawat Huwebes, may gig ang FoE du'n. Magaling kami, putsa, pramis. Pero hindi sila sobrang astig dahil wala ako du'n, hehe.
Carl, Easy, Joel, balitaan n'yo ako kung ano'ng mangyayari mamayang gabi.
*** May gusto ba kayong ipakuwento? Mag-aabang lang ako ng dilim para sa daily two bottles of beer ko.
***
O, pampagana ulit. Pinarinig sa amin 'to sa Iyas, du'n sa DVD ni Ma'am Marge. Binasa ng isang mamang kalbo na umiyak sa tapat ng Vietnam Vets Memorial.
Facing It Yusef Komunyakaa
My black face fades, hiding inside the black granite. I said I wouldn't, dammit: No tears. I'm stone. I'm flesh. My clouded reflection eyes me like a bird of prey, the profile of night slanted against morning. I turn this way-- the stone lets me go. I turn that way-- I'm inside the Vietnam Veteran's Memorial again, depending on the light to make a difference. I go down the 58,022 names half-expecting to find my own in letters like smoke. I touch the name Andrew Johnson; I see the booby trap's white flash. Names shimmer on a woman's blouse but when she walks away the names stay on the wall. Brushstrokes flash, a red bird's wings cutting across my stare. The sky. A plane in the sky. A white vet's image floats closer to me, then his pale eyes look through mine. I'm a window. He's lost his right arm inside the stone. In the black mirror a woman is trying to erase names: No, she's brushing a boy's hair.
Kanina pa ako naglalagalag sa mga kalye ng Dumaguete. Mahirap palang maging turista nang mag-isa; 'yung hindi mo maintindihan ang sinasabi nu'ng tindera, na simple palang, "malaki ba o maliit (na mineral water,)" o nu'ng drayber ng pedicab, na simple ring ,"magkano'ng binabayad mo hanggang doon?"
Pero okey lang. Gusto kong magkuwento, pero matagal-tagal ko na ring di ginagawa 'to. Kailangan ko yata ng pampagana. Ewan. Isa munang tula:
Before the Sky Darkens Stephen Dunn
Sunsets, incipient storms, tableaus of melancholy-- maybe these are the Saturday-night events to take your best girl to. At least then there might be moments of vanishing beauty before the sky darkens, and the expectation of happiness would hardly exist and therefore might be possible.
More and more you learn to live with the unacceptable. You sense the ever-hidden God retreating even farther, terrified or embarassed. You might as well be a clown, big silly clothes, no evidence of desire.
That's how you feel, say, on a Tuesday. Then out of the daily wreckage comes an invitation with your name on it. Or more likely, that best girl of yours offers you, once again, a small local kindness.
You open your windows to good air blowing in from who knows where, which you gulp and deeply inhale as if you have a death sentence. You have. All your life, it seems, you've been appealing it. Night sweats and useless strategem. Reprieves.
***
Tangina, hindi naman ginanahan, e. Siguro nga, ganu'n muna. Baka ma-overdose ako ng pagba-blahg; di na sanay, e. Pasensya na muna sa mga napagpangakuan ng update.
Bukas, tutal wala naman akong gagawin kundi mag-abang uli ng dilim para hindi na masyadong nakakahiyang tumira ng beer sa tapat ng dagat, bukas, susubukin kong magkuwento. Tungkol siguro sa Iyas Workshop, 'yung pinanggalingan ko sa Bacolod. Bahala na.
Sa ngayon, wala akong masabi kundi: kapag pala nasasanay kang walang kausap, natututunan mo ring magustuhan 'yun, kahit papaano.